Ang panukalang proyekto ay karaniwang gawain ng mga taong nanunungkulan sa gobyerno o pribadong kompanya na naghahain ng bagong programa na may layuning magbigay ng dagdag na kita, trabaho, kaayusan sa komunidad, at iba pa.
Nakasalalay sa konteksto ng institusyong paghahainan ng panukala ang magiging ispesipikong anyo ng isang panukalang proyekto. Tatalakayin dito ang mga pangunahing katangian at impormasyon na karaniwang kinakailangan sa pagsulat ng isang panukalang proyekto.
Sa pagsulat ng panukalang proyekto, kailangang bigyang-pansin ang sumusunod na mga tanong:
1. Ano ang nais mong maging proyekto?
2. Ano ang mga layunin mo sa panukalang proyekto?
3. Kailan at saan mo ito dapat isagawa?
4. Paano mo ito isasagawa?
5. Gaano katagal mo itong gagawin?
6. May sapat bang puhunan o kapital para sa proyekto?
Mahalagang matutuhan ng mag-aaral ang ganitong uri ng akademikong sulatin upang malinang ang kasanayang mag-isip, magmungkahi, masusing magsiyasat, at magpasiya o bumuo ng desisyon.
Mahalaga na maging makatotohanan ang panukalang proyekto dahil kung ang panustos mo ay hindi umaayon sa kinakailangang salaping igugugol para sa proyekto ay hindi ito maaaring payagan o sang-ayunan, Maaaring magdulot ito ng maling pag-iisip para sa iba o maging sanhi pa ng pagkawala ng tiwala sa nagpanukala. Kung ang ihahain mong panukala ay tumutugon sa mabuting kapakanan ng lahat, tiyak na agaran itong sasang-ayunan. Kung maaari, tiyaking naisasaalang-alang ng panukalang proyekto ang kabutihan ng lahat, hindi lamang pansarili o ng iilang tao.
Hindi maligoy at kagyat ang paglalahad ng mga detalye tulad ng kahalagahan, katangian, at iba pang mga datos para sa panukalang proyekto ang nilalaman ng ganitong uri ng sulatin. Naisasagawa ito sa pamamagitan ng direktang pagdedetalye ng mga kinakailangang bagay sa proyekto at direkta ring paliwanag sa proseso ng pagsasagawa ng proyekto.
Ang Panukalang Proyekto
Nahahati sa tatlong bahagi ang panukalang proyekto. Sa unang bahagi ay ang tinatawag na panimula, isinasaad dito ang rasyonal—ang katwiran hinggil sa suliranin at layunin ng proyekto. Ikalawang bahagi ay ang katawan. Dito ay isa-isang ipinapaliwanag ang mga kailangang gawin at iminumungkahing badyet para sa proyekto. Ang panghuli ay ang kongklusyon na naglalahad ng mga benepisyong maaaring idulot ng proyekto. Maaari din na maging bahagi ng kongklusyon ang anumang rekomendasyon na maibibigay para sa mga susunod pang proyekto.
Matapos isulat ang panukalang proyekto, huwag kalilimutan na nararapat na maglakip ng liham na humihiling ng pagsang-ayon. Ito ay sa kadahilanang kinakailangan ng kasulatan sa pagpapatibay para sa kautusang pagpapatupad ng proyekto o kontrata.