Sa pakikipagkomunikasyon, kailangang mabatid ng isang nagsasalita ang mga paraan ng paggamit ng wika. Mahalaga ito upang magkaroon ng pagkakaunawaan ang bawat isa. Mababatid ng kinakausap ang layunin ng nagsasalita, gayundin naman, maiaangkop ng nagsasalita ang paraan ng kanyang pagpapahayag ayon na rin sa pagkakilala niya sa kausap.
Mahalaga sa pakikipagkomunikasyon ang kaalaman hinggil sa mga tungkulin ng wika sa pagpapahayag. Batay sa pag-aaral ni Roman Jakobson (2003), may anim na tungkulin sa paggamit ng wika.
Pagpapahayag ng damdamin (emotive) – Ginagamit ang wika upang palutangin ang karakter ng nagsasalita.
Halimbawa:
Nakikiisa ako sa mga adhikain ng ating pamunuan.
Panghihikayat (conative) -Ginagamit ang wika upang mag-utos, manghikayat, o magpakilos ng taong kinakausap.
Halimbawa:
Magkaisa tayong lahat upang maging ganap ang katahimikang ating ninanais.
Pagsisimula ng pakikipag-ugnayan (phatic) – Ginagamit ang wika bilang panimula ng isang usapan o pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Halimbawa:
Ikinagagalak kong makasama ka sa aming mga krusada.
Paggamit bilang sanggunian (referential) – Ginagamit ang wikang nagmula sa aklat at iba pang babasahin bilang sanggunian o batayan ng pinagmulan ng kaalaman.
Halimbawa:
Ayon kay Don Gabor sa kanyang aklat na Speaking Your Mind in 101 Difficult Situation, may anim na paraan kung paano magkakaroon ng maayos na pakikipagtalastasan.
Pagbibigay ng kuro-kuro (metalinguwal) – Ginagamit ang wika sa pamamagitan ng pagbibigay ng komentaryo sa isang kodigo o batas.
Halimbawa:
Itinatadhana nang walang pasubali sa Batas ng Komonwelt Blg. 184 ang pagkakatatag ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino.
Patalinghaga (poetic) —Ginagamit ang wika sa masining na paraan ng Pagpapahayag gaya ng panulaan, prosa, sanaysay, at iba pa.
Halimbawa:
Isa-isa mang mawala ang mga bituin sa langit, hindi pa rin niya maikakaila na nananalaytay sa kanyang mga ugat ang dugong naghasik ng lagim sa puso ng bawat Pilipino noong panahon ng digmaan.
Subukang tukuyin ang tungkulin ng wika sa mga sumusunod na pangungusap.
- Maraming salamat sa pagtulong ninyo.
- Hindi ko panghihinayangan na kalimutan ang ating pagkakaibigan kung ipipilit mo ang bagay na iyan.
- Mahalaga ang mapag-usapan ang mga isyung tulad niyan.
- Ayon sa World Trade Organization (WTO) malapit na nating marating ang isang “mundong wala nang hangganan” o borderless world.
- Batid kong may malaki akong pananagutan sa aking bayan, bukod sa aking pamilya.
- Isama natin sa talakayan ang mga isyung may kaugnayan sa pagpapaunlad ng ating kabuhayan.
- Ang nasyonalismo ang pinakamataas na antas ng pagmamahal na maaari nating iukol para sa bayan.
- Hindi ka nag-iisa. Kasama mo kami sa iyong krusada.
- Sa aming palagay, iyan ang kulang sa atin, disiplina.
- Tayo na at simulan ang bagong hamon ng panahon