Berbal at Di-Berbal na Komunikasyon

  • Post last modified:November 8, 2024

Sa paglilinang ng kakayahang pragmatiko, mahalagang isaisip ang pag-iral ng dalawang uri ng komunikasyon—ang berbal at di-berbal na komunikasyon.

Ang berbal na komunikasyon ay ang uri ng komunikasyong gumagamit ng salita sa anyong pasalita at/o pasulat. Nagagawa ang paraang oral sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaanak, kaibigan, at kakilala; pakikipagtalakayan sa klase; at paglahok sa mga usapan sa kumperensiya at seminar. Pasulat naman itong napadadaloy sa mga sulatin sa klase, paglikha ng blogpost, pagbuo ng manifesto at bukas na liham, at iba pa.

Isa pang uri ng komunikasyon ang di-berbal na komunikasyon. Ayon sa mga pag-aaral, lubhang napakalaki ng elementong di-berbal sa pakikipag-usap sa mga taong napapaloob sa sariling kultura. Sa katunayan, tinatayang 70 porsiyento ng isang karaniwang kumbersasyon ang binubuo ng di-berbal na elemento (Maggay, 2002). Ang iba’t ibang anyo ng di-berbal na komunikasyon ay ang sumusunod:

  • Kinesika (Kinesics) — tumutukoy sa kilos o galaw ng katawan. Bahagi nito ang ekspresyon ng mukha, galaw ng mata, kumpas ng mga kamay, at tindig ng katawan.
  • Proksemika (Proxemics) — tumutukoy sa oras at distansiya sa pakikipag-usap. Ang oras ay maaaring pormal, gaya ng isinasaad ng relo, o impormal na karaniwang nakadikit sa kultura, gaya ng mga terminong “ngayon na,” “sa lalong madaling panahon,” at “mamaya na.” Ang distansiya naman ay nagbabago rin depende sa natamong ugnayan sa kausap. Kapansin-pansing ang mga bagong magkakilala ay may mas malaking distansiya kumpara sa mga taong matalik na magkakaibigan.
  • Pandama o Paghawak (Haptics) — itinuturing na isa sa mga pinakaunang anyo ng komunikasyon. Kadalasang nagsasaad ito ng positibong emosyon o pakikiramay sa mga hindi magandang karanasan. Halimbawa nito ay pagtapik sa balikat o pagyakap sa kausap.
  • Paralanguage — tumutukoy sa tono ng tinig at kalidad at bilis ng pagsasalita.
  • Katahimikan o Kawalang-Kibo — lubhang makahulugan na karaniwang ginagawa upang mag-isip at paghandaan ang sasabihin, o dili kaya ay magparating ng tampo o sama ng loob.
  • Kapaligiran — tumutukoy sa pinagdarausan ng pakikipag-usap at ng kaayusan nito. Mahihinuha ang intensiyon ng kausap batay sa kung saang lugar niya nais makipag-usap.