Ang akademikong pagsulat ay isinasagawa sa isang akademikong institusyon kung saan kinakailangan ang mataas na antas ng kasanayan sa pagsulat. Layunin ng akademikong pagsulat ang magbigay ng makabuluhang impormasyon sa halip na manlibang lamang.
Kung ihahambing sa malikhaing pagsulat, ang akademikong pagsulat ay nangangailangan ng mas mahigpit na tuntunin sa pagbuo ng sulatin. Mayroon itong isang paksa na may magkakaugnay na mensahe. Maayos na inihahanay ang mga pangungusap, talata, at seksiyon upang maging malinaw ang pagkakabuo ng mga ideya at paliwanag ng mga ito. Ang karaniwang estruktura ng isang akademikong sulatin ay may simula na karaniwang nilalaman ng introduksiyon, gitna na nilalaman ng mga paliwanag, at wakas na nilalaman ng resolusyon, kongklusyon, at rekomendasyon. Ilan sa mga halimbawa ng akademikong teksto ang abstrak, bionote, talumpati, panukalang proyekto, replektibong sanaysay, sintesis, lakbay-sanaysay, synopsis, at iba pa.
Ang pagbuo ng akademikong sulatin ay nakadepende sa kritikal na pagbasa ng isang indibidwal (Arrogante et al. 2007). Kinikilala sa ganitong uri ng pagsulat ang husay ng manunulat dahil may kakayahan siyang mangalap ng mahahalagang datos, mag-organisa ng mga ideya, lohikal mag-isip, mahusay magsuri, marunong magpahalaga sa orihinalidad ng gawa, at may inobasyon at kakayahang gumawa ng sintesis. Sa pagsulat ng sulating pang-akademiko, gumagamit ng piling-piling salita at isinasaalang-alang ang target na mambabasa. Mahigpit din sa paggamit ng tamang bantas at baybay ng salita dahil ang mga sulating ito ay nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman.
Katangian ng Akademikong Pagsulat
- Pormal: Ang mga ganitong uri ng sulatin ay pormal at hindi ginagamitan ng mga impormal o balbal na pananalita. Maliban na lamang kung ang naturang uri ng pananalita ay bahagi ng isang pag-aaral.
- Obhetibo: Ang layunin ng akademikong pagsulat ay pataasin ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsulat sa iba’t ibang disiplina o larang. Binibigyang-diin dito ang impormasyong gustong ibigay at ang argumento sa mga ideya na sumusuporta sa paksa (Alejo et al 2005).
- May Paninindigan: Ang akademikong pagsulat ay kailangang may paninindigan sapagkat ang nilalaman nito ay pag-aaral o mahalagang impormasyon na dapat idinudulog at dinepensahan, ipinaliliwanag at binibigyang-katwiran ang mahahalagang layunin, at inilalahad ang kahalagahan ng pag-aaral. Mahalaga rin ang paninindigan dahil ang mismong daloy ng mga pangungusap, pangangatwiran, at layunin ay depende sa isinasaad ng paninindigan ng manunulat.
- May Pananagutan: Mahalagang matutuhan ang pagkilala sa mga sangguniang pinaghanguan ng mga impormasyon. Ang pangongopya ng impormasyon o ideya ng ibang manunulat o plagiarism ay isang kasalanang may takdang kaparusahan sa ilalim ng ating batas.
- May Kalinawan: Ang sulating akademiko ay may paninindigang sinusundan upang patunguhan kung kaya dapat na maging malinaw ang pagsulat ng mga impormasyon at ang pagpapahayag sa pagsulat ay direktibo at sistematiko.
Layunin sa Pagsasanay sa Akademikong Pagsulat
Makapagsagawa ng wastong pangangalap ng mga impormasyon at malikhaing pagsasagawa ng ulat. Ang wastong pangangalap ng mga impormasyon at datos ay nangangailangan ng kasanayan sa pagbabasa at pagsuri ng iba’t ibang sanggunian katulad ng diksiyonaryo, encyclopedia, annual journals, almanac, atlas, magasin, academic journals, mga libro, pahayagan, at tesis at disertasyon. Mahalaga ang paggamit ng mga ito sa matagumpay na pangangalap ng impormasyon. Dapat ding matutuhan ang wastong pagbuo ng bibliyograpiya o listahan ng mga ginamit na aklat at pagbanggit sa mga paglalahad ng impormasyon mula sa mga taong kinauukulan upang maiwasan ang direktang pangongopya ng mga impormasyon o plagiarism.
- Nagagamit ang mga kasanayan sa pagbasa sa pagsusuri ng iba’t ibang uri ng teksto na magagamit sa mga gawain ng akademikong pagsulat.
- Ang mag-aaral ay nararapat na nagtataglay ng tatlong antas ng pag-unawa sa pagbasa. Una, ang pagkakaroon ng literal na pagpapakahulugan kung saan ang mambabasa ay nakauunawa ng mga salita ng wikang ginamit. Pangalawa, pagbasa nang may pag-unawa. Ang mag-aaral ay nakapagbibigay ng pagpapakahulugan gamit ang paghihinuha at komprehensiyon sa ipinapahayag na mensahe ng awtor. Pangatlo, pagbasa nang may aplikasyon. Matapos ang pagbasa, dapat ay naisasagawa sa isang pagkilos ang mensahe ng teksto na maaaring pasulat o pag-uulat.
- Natatalakay ang paksa ng mga naisagawang pag-aaral ayon sa pananaw ng may-akda kasabay rin ang pag-unawa ng mag-aaral bilang mambabasa. Ang mag-aaral ay inaasahang marunong magsuri ng ibang akda na makatutulong sa kanyang pag-aaral—kritikal sa pag-iisip, obhetibo sa pagtalakay sa paksa, organisado ang mga ideya at kaisipan, nakatutukoy ng sanhi at bunga, nakapaghahambing, nakabubuo ng konsepto, at nakalulutas ng suliranin para sa ikabubuti ng kanyang sulatin.
- Nakapagsusuri at nakabubuo ng wastong konsepto mula sa tinalakay na paksa ng mga naisagawang pag-aaral. Ang pamanahong papel ay output ng mga mag-aaral bilang pagtupad sa pangangailangan ng kanilang kurso. Bilang isang kritikal at mapanuring mag-aaral, kailangang makapagsagawa ng pagsusuri sa mga naisagawa nang pag-aaral upang maging batayan ang mga ito sa pagbuo ng sariling konsepto na magiging daan sa pagpapalawak ng pagsasanay at pagbuo ng sariling papel pananaliksik.
- Malinang ang kasanayan ng mga mag-aaral para makasulat ng iba’t ibang anyo ng akademikong sulatin. Inaasahang mapahuhusay pa ang kasanayan ng mag-aaral upang makasusulat ng iba’t ibang sulatin sa larangan ng akademikong pagsulat.
- Matukoy na ang Akademikong Pagsulat ay isang kurso na lumilinang sa pagiging inobatibo ng mag-aaral sa pagkakaroon ng mataas na pagkilala sa edukasyon. Mahalagang katangian na dapat ding taglayin ng mag-aaral sa pagsulat ang pagkakaroon ng mataas na pagkilala sa edukasyon bilang isang paraan ng pagpapabuti sa kondisyon ng tao at lipunan. Sa ganito, lalabas at malilinang ang pagiging inobatibo ng mag-aaral sa kanyang pagsulat tulad ng pagiging malikhain para sa kanyang mambabasa.
- Napahahalagahan at nalingatan ang mga nagawang sulatin sa pamamagitan ng paggawa ng portfolio. Ang portfolio ay kalipunan ng mga sulating naisulat para sa pangangailangan ng kursong Akademikong Pagsulat. Ang kalagayan, ayos, at dating nito ay sumasalamin sa pagpapahalaga ng mag-aaral sa kanyang sarili.