Bilingguwalismo at Multilingguwalismo

  • Post last modified:November 5, 2024

Karaniwan nang naririnig natin sa mga usapan ang ganitong mga pahayag:

I want to make shopping sa Divisoria, mura kasi doon.

Manood naman tayo ng sine to have some relaxation sa ating mga ginagawa.

Huwag mong hawakan iyan, it’s dirty!

Ano ang napansin ninyo sa mga pahayag na ito? Tama ba ang pagkakagamit ng wika? Akala ng iba, sa ganitong mga pahayag nagagamit ang konsepto ng bilingguwalismo. Isa itong maling paniniwala.

Talakayin natin ang tunay na konsepto ng bilingguwalismo.

Bilingguwalismo

Ang patakarang bilingguwal ayon sa KWF, ay isang pagtupad sa Artikulo XV, Seksiyon 2-3 ng 1973 Konstitusyon hinggil sa Pilipino at Ingles bilang mga opisyal na wika ng komunikasyon at pagtuturo. Ang pangyayaring ito ay ipinagpatuloy sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng 1987 Konstitusyon. Gayunman, nakasaad din sa ikalawang talata ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng kasalukuyang saligang-batas na:

Subject to the provisions of law and as the Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of official communication and as language of instruction in the educational system.

Itinaguyod ng Pangulong Corazon C. Aquino ang diwa ng probisyong ito ng 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng Executive Order No. 335 na “Nag-aatas sa Lahat ng mga Kagawaran/Kawanihan/Opisina ng Pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga Transaksiyon, Komunikasyon, at Korespondensiya.”

Sa ilalim ng Patakarang Bilingguwal ng 1974, ang mga asignatura sa elementarya at sekundarya ay hinati upang ang isang pangkat ay ituro sa Pilipino at ang isang pangkat ay ituro sa Ingles. Bukod sa asignaturang wika at panitikang Filipino, ang mga klase sa Araling Panlipunan ay gumagamit ng Pilipino bilang wikang panturo. Bukod naman sa asignaturang wika at panitikan sa Ingles, ang mga klase sa Matematika at Agham ay Ingles ang wikang panturo.

Inisa-isa ni Teresita Fortunato (2012), sa kanyang presentasyon ng papel na may pamagat na “Ang Wikang Filipino sa Akademya” ang mga tiyak na tunguhin ng edukasyong bilingguwal:

  • pagpapahusay ng pagkatuto sa pamamagitan ng dalawang wika upang matamo ang mas mataas na uri ng edukasyon gaya ng itinakda ng Konstitusyon ng 1987;
  • paglinang at pagpapayabong ng Filipino bilang wikang panliterasi;
  • paglinang ng Filipino bilang simbolong wika ng pambansang pagkakaisa at identidad;
  • kultibasyon at elaborasyon ng Filipino bilang wika ng diskors iskolarli, na nangangahulugan ng patuloy na intelektuwalisasyon nito;
  • pagpapanatili ng Ingles bilang internasyonal na wika para sa Pilipinas at bilang eksklusibong wika ng agham at teknolohiya.

Samantala, ayon kay Nelly Cubar (1982), sa kanyang papel-pananaliksik na “Ang Bilingguwalismo: Ilang Aspekto at mga Implikasyon,” mahalagang tandaan ang dalawang masaklaw na uri ng bilingguwalismo: likas (natural) at pangkapaligiran (environmental). Nag-uugat ang likas na bilingguwalismo sa isang sosyolohikal na pangyayari tulad ng imigrasyon at ang bilingguwalismong pangkapaligiran sa patakarang pampolitika, katulad ng paggamit ng opisyal na wika bilang panturo.

Subalit, isang malinaw na implikasyon ng patakarang bilingguwal ayon kay Cubar ang hindi pagkakaroon ng 100% kakayahan sa alinman sa dalawang wika ang mga Pilipinong makatatapos ng ganitong uri ng edukasyon. Naniniwala siyang bihirang magkakapareho ang kahusayan sa alinman sa dalawang wika.

Multilingguwalismo

Kung ang bilingguwalismo ay nauukol sa paglinang sa kahusayan ng mga mamamayan ng isang bansa sa dalawang wika, tulad ng Pilipinas, ano naman ang konsepto ng multilingguwalismo? Ito ay patakarang pangwika kung saan nakasalig sa paggamit ng pambansang wika at wikang katutubo bilang pangunahing midyum sa pakikipagkomunikasyon at pagtuturo bagama’t hindi kinalilimutan ang wikang global bilang mahalagang wikang panlahat. Layunin nitong pakinisin at gamitin ang mga wikang katutubo at/o wika ng tahanan (unang wika) bilang pangunahing wika ng pagkatuto at pagtuturo mula sa una hanggang ikatlong baitang sa elementarya, susundan ito ng Filipino o ng wikang pambansa bago simulan ang pagtuturo sa wikang Ingles. Samakatwid, kinakailangang maging bihasa muna ang isang bata sa kanyang unang wika, sa pangalawang wika, at kung mayroon pa, ikatlong wika upang maituring siyang multilingguwal.

Homogenous at Heterogenous na Wika

Ayon sa teoryang sosyolingguwistiko, ang wika ay isang instrumento o kasangkapan ng pakikisalamuha ng mga tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Hindi maaaring umiral ang relasyong sosyal kung wala ang wika na gagamitin sa pakikipagkomunikasyon.

Ang ideya ng pagiging heterogenous ng wika ay kaugnay ng sosyolingguwistikong teoryang ito dahil sa magkakaibang mga indibidwal at pangkat na namumuhay sa magkakaibang lugar na tinitirhan, interes, gawain, pinag-aralan, at iba pang aspekto ng pamumuhay. Pinaniniwalaan na sa teoryang ito, ang wika ay hindi lamang instrumento sa pakikipagkomunikasyon kundi isang mahalagang instrumento sa pagbuo ng isang sama-samang lakas ng magkakaibang kultural at sosyal na gawain.

Samantala, ang ideya naman ng pagiging homogenous ng wika ay nababatay sa kapaligiran ng mga indibidwal o pangkat na naninirahan sa iisang pook; pagkakatulad ng interes, paniniwala, at paraan ng pamumuhay; at pagkakaunawaan gamit ang iisang wika lamang.