Kalikasan ng Akademikong Sulatin

  • Post last modified:December 3, 2024

Likas o taglay ng akademikong sulatin ang maglaman ng samu’t saring kaalaman. Marapat na ang makilalang kaalaman sa akademikong sulatin ay bago at mahalaga. Bago ang kaalaman kung ang nilalaman ng pangungusap at ideya ay impormasyong magbibigay ng malawak na kabatiran, at mahalaga sapagkat ang impormasyong ipinababatid ay mapakikinabangan para sa pansarili, pampamilya, panlipunan, at pambansang kapakinabangan. Bagama’t may posibilidad na ang mga impormasyon ay dati nang alam ng mambabasa ng akademikong sulatin, mahalagang may dagdag itong paliwanag upang maikonteksto sa target na mambabasa at panahon upang tuwirang maging makabuluhan ito. Samakatuwid, upang maging bago at mahalaga ang anumang hatid na kaalaman ng akademikong sulatin, likas na kasanayan sa pagbasa at pananaliksik ang dapat maging sandigan.

Batayan o kalikasan ng akademikong sulatin ang paraan upang ito ay maisulat. Ang paraan ng pagsulat ay umiikot sa batayang diskurso na maaaring magsalaysay, maglarawan, maglahad, at mangatuwiran. Ang apat na pangunahing akademikong diskursong ito ay kadalasang may pinagbabagayang disiplina o larangan ng akademikong sulatin. Ngunit, dapat tandaan na nasa kakayahan pa rin ng manunulat na gamitin ang anumang paraan upang ipahayag ang kaugnay na kaalaman. Ang paraan ng pagsulat ang magiging matibay na gabay upang ipahayag ang kaalamang nais iparating ng akademikong sulatin.

Narito ang ilang gabay bilang hulwaran kung paano ang angkop na paraan ng akademikong sulatin:

  • Pagpapaliwanag o Depinisyon
  • Pagtatala o Enumerasyon
  • Pagsusunod-sunod
  • Paghahambing at Pagkokontrast
  • Sanhi at Bunga
  • Suliranin at Solusyon
  • Pag-uuri-uri o Kategorisasyon
  • Pagpapahayag ng Saloobin, Opinyon, at Suhestiyon
  • Paghihinuha
  • Pagbuo ng Lagom, Konklusyon, at Rekomendasyon

Anumang paraan ng pagsulat ng akademikong sulatin, mahalagang mabigyan ito ng angkop na pagsusuri batay sa pinagbatayang datos at sanggunian, at sa huli ay makita ang pananaw ng manunulat bilang hatid na ambag. Kaakibat ng akademikong sulatin ang magpahayag ng ibang uri ng pang-unawa. Esensiyal ang gampanin ng pag-unawa na natatamo sa pagbuo ng akademikong sulatin. Salamin ng kakayahang umunawa ang anumang ipinapahayag sa isinulat. Upang masuri at maiwasto ang pag-unawa, mahalagang isaalang-alang ang hindi nagmamaliw na pang-unawa o enduring understanding (Wiggins at McTighe, 1998), na sukatan ng pangmatagalang pagkatuto ng isang manunulat sa paksa at konseptong pinag-aaralan. Ang mga hindi nagmamaliw o panghabambuhay na kaalaman ay nailalapat ng manunulat sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Kung pagtutuunan ng pansin ang kakayahang umunawa ng mga mag-aaral sa proseso ng pagsulat at pag-aaral, malalampasan nito ang mga nakasanayang tradisyonal na pagpapasaulo ng mga konsepto. Magiging daan ito sa tunay na reporma ng paaralan at sistema ng edukasyon, at higit sa lahat, malilinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa mas malalim na pag-unawang konseptuwal. Ngunit, upang maisakatuparan ang layuning umunawa ng mga mag-aaral, mahalagang taglayin ng isang manunulat ang paglalaan ng oras at panahon upang mapag-isipan ang mga hinihinging pagbabago laban sa nakasanayang makalumang kaalaman at paraan at mapag-aralang mabuti ang planong gagawin sa pagsulat. Mahalagang benepisyo sa pagsusuri, pagwawasto, at pagtataya ng pag-unawa ang mahusay na pagpaplano, pagtatangka, at pagtataya ng nais na buuing akademikong sulatin. Ang manunulat na gumagawa ng ganitong pamamaraan ay naghahanap ng iba’t ibang kasagutan upang tukuyin, suriin, at tayahin ang pag-unawa.

Dapat tandaan ng isang manunulat na ang pag-unawa ay hindi simpleng pagtugon sa mga katanungang naghahanap ng kasagutan. Marapat na ang kasagutan ay magmula sa:

Kalikasan ng akademikong sulatin na magpahayag ng kaalaman batay sa angkop na paraan na nakaugat sa kakayahang umunawa ng manunulat upang ipaunawa ang kaniyang naisip at naranasan.

Katangian ng Akademikong Sulatin

Hindi na maaaring alisin ang pagiging sining at agham ng akademikong sulatin. Taglay na katangian ng isang akademikong sulatin ang pagiging malikhain ng isang manunulat sa pagsasalansan ng mga konseptong umiikot sa paksa. Binabagayan niya ito ng angkop na paraan na dumaraan sa tumpak at makatotohanang paraan.

Ano-ano ang katangian ng isang akademikong sulatin? Ito ay:

  1. Makatao, sapagkat naglalaman ang akademikong sulatin ng mga makabuluhang impormasyon na dapat mabatid para sa kapakinabangan ng mamamayan.
  2. Makabayan, sapagkat ang kapakinabangang hatid ng akademikong sulatin ay magtutulay sa kaunlaran ng mamamayan upang maging produktibong kasapi ng pamayanan at bansa.
  3. Demokratiko, sapagkat ang akademikong sulatin ay walang kinikilingan o kinatatakutan dahil ang hangarin ay magpahayag ng katotohanan.

Iba pang Katangian ng Akademikong Sulatin na Dapat Isaalang-alang:

  • May malinaw na paglalahad ng katotohanan at opinyon sa mga sulatin
  • Pantay ang paglalahad ng mga ideya
  • May paggalang sa magkakaibang pananaw
  • Organisado
  • May mahigpit na pokus
  • Gumagamit ng sapat na katibayan