Mga Kahalagahan ng Wika

  • Post last modified:November 4, 2024

Mula sa mga tinuran ng nabanggit na mga dalubhasa tungkol sa wika, mapapatotohanan na sadyang mahalaga ang wika at kakabit nito ang pakikipag-ugnayan ng tao sa kaniyang kapwa tao at ng bawat bansa sa daigdig.

Isa sa mga pangunahing gamit o kahalagahan ng wika ay ang pagiging instrumento nito sa komunikasyon. Mahihirapang magtagumpay ang komunikasyon kapag walang wikang ginagamit. Kailangan ang komunikasyon hindi lamang sa pagpapalitan ng mensahe kundi sa pagkatuto at sa pagkalat ng karunungan at kaalaman sa mundo.

Mahalaga ang wika sa pagpapanatili, pagpapayabong, at pagpapalaganap ng kultura ng bawat grupo ng tao. Nagkakahiraman ng kultura ang mga bansa sa tulong ng wika. Kung walang wika, walang magagamit na pantawag sa tradisyon at kalinangan, paniniwala, pamahiin, at sa iba pang bagay na kaugnay ng pamumuhay at paraan ng pamumuhay ng mga tao. Naipakikilala ang kultura dahil sa wika. Yumayaman naman ang wika dahil sa kultura. Isang magandang halimbawa nito ang mga payyo (tinatawag ding payao o payaw), ang hagdan-hagdang taniman ng palay ng mga Igorot.

Kapag may sariling wikang ginagamit ang isang bansa, nangangahulugang ito ay malaya at may soberanya. Hindi tunay na malaya ang isang bansa kung hindi nag-aangkin ng sariling wikang lilinang sa pambansang paggalang at pagkilala sa sarili. Malaki ang papel na ginagampanan ng wika bilang tagapagpanatili ng pambansang kamulatan at pagkakakilanlan. Wika ang tagapagbandila ng pagkakakilanlan ng isang bansa at ng mga mamamayan nito.

Wika ang nagsisilbing tagapag-ingat at tagapagpalaganap ng mga karunungan at kaalaman. Bawat bansa ay may kani-kaniyang yaman ng mga karunungan at kaalaman. Ang mga nakaimbak na karunungan at kaalaman sa isip at dila ng sinaunang mamamayan ay nagagawang magpasalin-salin sa mga sumunod na henerasyon dahil sa wika. Nagkakaroon din ng hiraman ng mga karunungan at kaalamang nakasulat at nakalimbag dahil naisasalin sa sariling wika ng isang bansa ang karunungan at kaalamang nahiram at nakapasok sa kanila mula sa ibang bansa. Halimbawa, lumaganap ang Bibliya nang maisalin sa iba’t ibang wika. Naging mahalagang instrumento ang wika para maunawaan ng daigdig ang nilalaman ng Bibliya at maipakalat ang Kristiyanismo sa mundo. Ang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal ay naisalin sa iba’t ibang wika ng daigdig, gayundin ang mga akda ni F. Sionil Jose, isang Pilipinong nagsusulat sa wikang Ingles, at ang awit na “Anak” ni Freddie Aguilar.

Mahalaga ang wika bilang lingua franca o bilang tulay para magkausap at magkaunawaan ang iba’t ibang grupo ng tao na may kani-kaniyang wikang ginagamit. Mas nagkakaunawaan ang mga tao sa isang bansa at nakabubuo ng ugnayan ang bawat bansa sa daigdig sapagkat may wikang nagsisilbing tulay ng komunikasyon ng bawat isa.

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng wika sa pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan tungo sa pagkakaunawaan at pagkakaisa. Walang saysay ang sangkatauhan kung wala ang wika sapagkat walang hiraman ng kultura at/o paraan ng pamumuhay, walang mangyayaring kalakalan, walang pagbabahagi ng mga tuklas at imbensiyon, walang palitan ng talino at kaalaman, walang diplomatikong pagkakasundo ang bawat pamahalaan, at walang pagtutulungan sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya. Ang kawalan ng wika ay magdudulot ng pagkabigo ng sangkatauhan. Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng wika ay nagreresulta sa isang maunlad at masiglang sangkatauhan na bukas sa pakikipagkasunduan sa isa’t isa.