Para sa mga Pilipino, ang wikang Filipino ay mabisang kasangkapan sa pakikipagkomunikasyon. Ito ay wikang dinadaluyan ng lahat ng maganda, mabuti, makatao, makabayan, at maka-Diyos na mga kaisipan at saloobin ng ating lahi. Ito ang wikang behikulo ng kulturang sarili at siyang inaasahang magbubuklod sa bansa. Sa pamamagitan nito’y maaabot ang masa, maaarok ang kanilang saloobin, hangarin, at mithiin. Malaki ang maitutulong nito sa pagpapaunlad ng pamayanan, sa paghahatid sa bayan ng mga karunungan at kaalaman, at sa pagpapaliwanag sa sambayanan ng mga ginagawang pagbabago sa lipunan at sa pamahalaan.
KONSEPTO NG MGA WIKA NG FILIPINAS
Ang tinatawag na “mga wika ng Filipinas” ay ang iba’t ibang wikang katutubo na sinasalita sa buong kapuluan. Hindi tiyak ang bilang ng mga ito, ngunit may nagsasabing 86 at may nagsasabing 170. Itinuturing ang bawat isa na wika (language sa Ingles) dahil hindi magkakaintindihan ang dalawang tagapagsalita nito na may magkaibang katutubong wika. Halimbawa, hindi maiintindihan ng tagapagsalita ng Ilokano ang tagapagsalita ng Bikol at vise-versa. Bawat isa sa mga wika ay may mga sanga na tinatawag na mga diyalekto na maaaring magkaiba sa isa’t isa sa ilang katangian. Ngunit nagkakaintindihan ang dalawang tagapagsalita na may magkaibang diyalekto. Halimbawa, may mga diyalektong Bulakenyo at Tayabasin ang Tagalog—may pagkakaiba sa punto at sa bokabularyo—ngunit maaaring mag-usap at magkaintindihan ang isang taga-Malolos at isang taga-Tayabas.
KONSEPTO NG WIKANG KATUTUBO (Unang Wika)
Ang itinuturing na “wikang katutubo” ay alinman sa mga wika na kinamulatan ng isang tao na ang mga magulang ay may angkang katutubo sa Pilipinas. Kabilang sa wikang katutubo ang mga pangunahing wika gaya ng Tagalog o Waray o ang maliit na gaya ng Higaonon o Ivatan. Ito rin ang tinatawag na “unang wika” ng isang tao—ang kinagisnan niyang wika sa pamayanang kinalakihan niya.
Maganda ring isaalang-alang ang depinisyon sa “Philippine Languages” (na maaaring ituring na salin sa Ingles ng “mga wika ng Pilipinas”) sa Republic Act No. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ang nakasaad sa Seksiyon 3 ng naturang batas, “(d) Philippine languages—refer to the indigenous languages of the Philippines including the national language and the regional and local languages.” Ibinibilang ng batas sa “mga katutubong wika” (indigenous languages) ang Wikang Pambansa (the national language). Marahil, dahil kaya sa pangyayaring ibinatay ang wikang Pambansa sa isang katutubong wika—ang Tagalog—alinsunod sa atas ng 1935 Konstitusyon? Anupa’t umunlad man ang Filipino bilang wikang Pambansa ay hindi nawawala ang katangian nito bilang isang wikang katutubo.
Tradisyonal na tinatawag na walong pangunahing wika ng bansa ang Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Pampanggo, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, at Waray (Samar-Leyte). Malimit ding tawagin ang mga ito na wikang rehiyonal. May pagkakataong isinasama sa pangkat ang Meranaw, Tausug, at Magindanaw. Ang karaniwang katwiran sa “pangunahing wika” ay dahil (1) may malaking bilang ito ng tagapagsalita, karaniwang umaabot sa isang milyon ang tagapagsalita o (2) may mahalagang tungkulin ito sa bansa bilang wika ng pagtuturo, bilang wikang opisyal o bilang wikang pambansa.
KONSEPTO NG WIKANG OPISYAL
Ang wikang opisyal ang itinadhana ng batas na maging wika sa opisyal na talastasan ng pamahalaan. Ibig sabihin, ito ang wika na maaaring gamitin sa anumang uri ng komunikasyon, lalo na sa anyong nakasulat, sa loob at sa labas ng alinmang sangay o ahensiya ng gobyerno.
Sa atas ng 1899 Konstitusyon, ang opisyal na wika ng Republikang Malolos ay Espanyol bagaman itinadhana ding “opsiyonal” ang gamit sa mga wikang sinasalita sa kapuluan. Sa 1935 Konstitusyon, itinadhana na Ingles at Espanyol ang wikang opisyal habang hinihintay ang pagkabuo ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na wikang katutubo.
Noong 7 Hunyo 1940, sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 ay ipinahayag na wikang opisyal ang Wikang Pambansa mulang 4 Hulyo, 1946. Iniatas din ng naturang batas na ihanda ang lahat ng teksbuk sa Wikang Pambansa na gagamitin sa pagtuturo sa lahat ng paaralan at sa pagpapalaganap nito sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Education at may pagpapatibay ng Institute of National Language. Mula noon ay patuloy ang mga hakbang upang pasiglahin ang paggamit sa Wikang Pambansa—na ipinahayag noong 1959 na “Pilipino” ang opisyal na pangalan—bilang wika ng komunikasyon sa gobyerno at wika ng pagtuturo.
Sa 1987 Konstitusyon, nakasad na wikang opisyal ang Filipino, at hanggang ipinahihintulot ng batas, ang Ingles. Espesipikong iniutos sa Executive Order No. 335 ang pagsasalin sa Filipino ng “Panunumpa sa Katungkulan” ng lahat pinuno at tauhan ng pamahalaan at ang pagsasalin sa Filipino ng mga pangalan ng opisina, gusali, at mga karatula sa lahat ng opisina at pook publiko.
KONSEPTO NG WIKANG PANTURO
Ang wikang panturo bilang opisyal na ginagamit sa pormal na edukasyon. Ito ang wikang ginagamit sa pagtuturo at pag-aaral sa mga eskuwelahan at ang wika sa pagsulat ng mga aklat at kagamitan sa pagtuturo sa silid-aralan. Ang itinatag na pambansang sistema ng edukasyon ng mga Amerikano sa umpisa ng ika-20 siglo ay monolingguwal.
Ang ibig sabihin, may iisang wikang panturo—ang wikang Ingles. Nagsimulang ipagamit ang Wikang Pambansa bilang wikang panturo sa panahong Komonwelt at para sa edukasyon ng mga magiging guro ng Wikang Pambansa. Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay may mga guro nang nagtuturo ng Wikang Pambansa. Sa isang sirkular noong 3 Mayo, 1940, iniatas ni Direktor Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon ang pagtuturo ng Wikang Pambansa bilang regular na asignatura sa Ikaapat na Taon sa paaralang sekundarya. Pagkaraan ng digma, unti-unting binuksan ang mga asignatura sa elementarya at sekundarya na nagtuturo ng wika at panitikan at gumagamit ng Wikang Pambansa bilang wikang panturo.
KONSEPTO NG WIKANG PANTULONG
Karaniwang salin ang wikang pantulong ng auxiliary language sa Ingles. Ang auxiliary ay may pakahulugang “dagdag na tulong o suporta.” Ang wikang pantulong, samakatwid, ay wika na ginagamit para sa higit na pagkakaintindihan ng dalawa o mahigit pang nag-uusap. Sa edukasyon, tumutukoy ito sa wika na higit na alam ng mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan kaysa opisyal na wikang panturo kaya maaaring gamitin ng guro upang higit siyang maintindihan ng kanyang mga tinuturuan.
Dahil multilingguwal ang Pilipinas, napakahalaga ang paggamit ng wikang pantulong para sa higit na epektibong pagtuturo sa mga pook na ikalawang wika ramang ang wikang panturo. Bagaman walang opisyal na atas, ginagawa ito noon pa ng mga guro sa mga pook na di Tagalog. Sa Cebu, halimbawa, ay ginagamit na wikang pantulong sa pagtuturo ang Sebwano; sa Vigan, ang Ilokano; sa Benguet, ang lbaloy; at sa Marawi, ang Meranaw.
Ang paggamit ng wikang pantulong, lalo na antas elementarya, ay ipinahihintulot mismo ng 1987 Konstitusyon. Alinsunod sa ikalawang pangungusap ng Artikulo XIV, Seksiyon 7: “Ang mga wikang rehiyonal ay ang mga opisyal na wikang pantulong sa mga rehiyon at magsisilbing mga wikang pantulong sa pagtuturo sa naturang mga pook.” Kung tutuosin, ang kasalukuyang MTB-MLE ay maaaring ituring na pagtupad sa isinasaad ng siniping probisyon mula sa 1987 Konstitusyon. Pinalawak lamang ng MTB-MLE ang aplikasyon. Unang-una, dahil hindi lamang mga wikang rehiyonal ang ipinagagamit sa mga klaseng K hanggang 3 kundi ang lahat ng mga wikang katutubo ng bansa. Ikalawa, binigyan ng panahon ang mga bagong mag-aaral na danasin ang pag-aaral gamit ang kanilang unang wika sa tahanan.
KONSEPTO NG WIKANG PAMBANSA
Ang Filipinas ay katulad ng karamihan sa mga bansa ngayon sa mundo na binubuo ng sambayanang may iba-ibang nasyon at iba-ibang wikang katutubo. Itinuturing ang wika na isang mabisang bigkis sa pagkakaisa at pagkakaunawaan. Ang layunin sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa ay ang mabilis na pagkakaunawaan at ang pagsibol ng damdamin ng pagkakaisa ng mga mamamayan na may iba-ibang wikang katutubo. Katulong ito ng isang pambansang watawat, pambansang awit, at iba pang pambansang sagisag sa pagtatatag ng isang pambansang pamahalaan.
Malimit na hinihirang na wikang pambansa ang sinasalita ng dominante at/o pinakamaraming pangkat. Maaaring maging dominante ang wika ng isang pangkat na gumanap ng pangunahing tungkulin sa kasaysayan ng paglaya ng bansa. Maaari ding maging dominante ang wika sa pook na sentro ng komersiyo, edukasyon, kultura, at gawaing pampolitika. Sa ganitong paraan lumitaw na wikang pambansa ng France ang wika ng Paris, ng Great Britain, ang wika ng London, ng China ang wika ng Beijing, ng Esparia ang wika ng Castilla, ng Russia ang wika ng Moskba, at ng marami pang bansa.
Maraming bansa sa Africa at sa Timog America ang nagpanatili sa wika ng kanilang mananakop bilang wikang pambansa. Espanyol ang wikang pambansa ng Mexico, Cuba, Bolivia, Argentina, Chile, at iba pang bansa kahit nagrebolusyon ang mga ito laban sa sumakop na Espanya. Portuges ang wikang pambansa ng Brazil pagkatapos palayain ng Portugal. Pranses ang wikang pambansa sa Algeria. Ingles ang wikang pambansa ng South Africa. Portuges ang wika ng Angola. Sa kabilang dako, hindi pinanatili ng Indonesia ang Dutch, katulad ng hindi pagpapanatili ng Malaysia sa Ingles, at tulad ng Pilipinas ay pinili ang pagbuo ng katutubong wikang pambansa.