Nagtataglay ng mga pahayag tungkol sa karanasan sa paglalakbay ang lakbay-sanaysay. Isinusulat ito upang ilahad sa mambabasa ang mga nakita at natuklasan sa paglalakbay gamit ang pandama: paningin, pakiramdam, panlasa, pang-amoy, at pandinig.
Kadalasang pumapaksa sa magagandang tanawin, tagpo, at iba pang mga karanasan sa paglalakbay ang lakbay-sanaysay. Gayundin, maaari din itong magbigay ng impormasyon ukol sa mga karanasang di-kanais-nais o hindi nagustuhan ng manunulat sa kanyang paglalakbay.
“It’s more fun in the Philippines.” Ito ang islogang isinusulong ng ating bansa sa pangunguna ng Kagawaran ng Turismo, bilang pagmamalaki sa ating turismo. Ano nga ba ang maipagmamalaki ng bansang Pilipinas sa larangan ng turismo? Kung karanasan sa kagandahan ng magagandang tanawin ang paksa sa lakbay-sanaysay, tiyak na patok na patok ang binanggit na pahayag.
Tunay na mayaman sa kasaysayan at karanasan ang ating bansa, hindi lamang sa taglay na likas na kagandahan. Kaya dito pa lamang ay marami ka nang maisusulat na paksa para sa sulatin na lakbay-sanaysay.
Tungkol nga ba kanino o saan ang lakbay-sanaysay?
Ayon kay Patti Marxsen, sa kanyang artikulong “The Art of the Travel Essay,” ang isang mapanghikayat na lakbay-sanaysay ay dapat makapagdulot hindi lamang ng mga impormasyon kundi ng matinding pagnanais na maglakbay. Maituturing na matagumpay ang isang lakbay-sanaysay kung ito’y nakapag-iiwan sa mambabasa ng sariwa at malinaw na alaala ng isang lugar bagama’t hindi pa nila ito napupuntahan.
Ang lakbay-sanaysay ay maaaring pumaksa sa tao o mamamayan ng lugar. Binibigyang-pansin dito ang gawi, katangian, ugali, o tradisyon ng mga mamamayan sa isang partikular na komunidad.
Maaari ding maging paksa ng lakbay-sanaysay ang kasaysayan ng lugar at ang mga kakaibang makikita rito. Binibigyang-halaga rito ang uri ng arkitektura, eskultura, kasaysayan, anyo, at iba pa. Sa pagsulat, maaaring gamitin ang pagtatangi at paghahambing sa mga lugar upang malinang ang wastong pagtitimbang-timbang ng mga ideya, mula sa maganda o hindi kanais-nais, kapaki-pakinabang o walang kabuluhan, katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap, at kapuri-puri o hindi kapuri-puri.
Higit sa lahat, ito ay tungkol din sa sarili sapagkat ang karanasan ng tao ang nagbibigay-kulay sa pagsulat ng lakbay-sanaysay. Binibigyang-halaga ang pagkilos sa lugar na narating, natuklasan sa sarili, at pagbabagong pangkatauhan na nagawa ng nasabing lugar sa taong nagsasalaysay na maaari ding maranasan ng mga mambabasa. Ito’y tila pagsulat ng isang magandang pangako ng lugar para sa mambabasa.
Mga Mungkahing Gabay sa Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
Narito ang ilang mungkahi sa pagsulat ng lakbay-sanaysay na maaari mong maging gabay.
- Bago magtungo sa lugar na balak mong puntahan ay dapat magsaliksik o magbasa tungkol sa kasaysayan nito. Pag-aralan ang kanilang kultura, tradisyon, at relihiyon. Bigyang-pansin din ang sistemang politikal at ekonomikal ng lugar. Pag-aralan din ang lengguwahe na ginagamit sa lugar na iyon.
- Buksan ang isip at damdamin sa paglalakbay, lawakan ang naaabot ng paningin, talasan ang isip, palakasin ang internal at external na pandama at pang-amoy, sensitibong lasahan ang pagkain.
- Magdala ng talaan at ilista ang mahahalagang datos na dapat isulat.
- Kung susulat na ng lakbay-sanaysay, huwag gumamit ng mga kathang-isip na ideya. Isulat ang katotohanan sapagkat higit na madali itong bigyang-paliwanag gamit ang mga malikhaing elemento.
- Gamitin ang unang panauhang punto de bista at isaalang-alang ang organisasyon ng sanaysay sa pagsulat. Magkaroon ng kritikal na pananaw sa pagsulat sa pamamagitan ng malinaw at malalim na pag-unawa sa mga ideyang isusulat.
- Tiyakin na mapupukaw ang kawilihan ng mambabasa sa susulating lakbay-sanaysay.