Mayaman ang wika at isa itong malawak na larangan. Hindi nauubos ang mga kaalamang natututuhan at natutuklasan tungkol sa wika. Sa tanong na “ano nga ba ang wika?” napakaraming makukuhang sagot mula sa ibalt ibang dalubhasa sa wika.
Pinakagamitin at popularang kahulugan ng wika na ibinigay ng lingguwistang si Henry Gleason (mula sa Austero et al. 1999). Ayon sa kaniya, ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. Sa aklat nina Bernales et al. (2002), mababasa ang kahulugan ng wika bilang proseso ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng simbolikong cues na maaaring berbal o di-berbal. Samantala, sa aklat naman nina Mangahis et al. (2005), binanggit na may mahalagang papel na ginagampanan ang wika sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghahatid at pagtanggap ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.
Marami pang Pilipinong dalubwika at manunulat ang nagbigay ng kanilang pakahulugan sa wika. Ayon sa mga edukador na sina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra (2000), “ang wika ay isang kalipunan ng mga salita at ang pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga ito para magkaunawaan o makapag-usap ang isang grupo ng mga tao.”
Binanggit ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura na si Bienvenido Lumbera (2007) na parang hininga ang wika. Gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang bawat pangangailangan natin. Para naman sa Iingguwistang si Alfonso O. Santiago (2003), “wika ang sumasalamin sa mga mithiin, lunggati, pangarap, damdamin, kaisipan o saloobin, pilosopiya, kaalaman at karunungan, moralidad, paniniwala, at mga kaugalian ng tao sa lipunan.”
Kung sasangguni naman sa mga diksiyonaryo tungkol sa kahulugan ng wika, ang wika ay sistema ng komunikasyon ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo. Samantala, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001) ang wika ay “lawas ng mga salita at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.”
Sa pangkalahatan, batay sa mga kahulugan ng wika na tinalakay sa itaas, masasabi na ang wika ay kabuuan ng mga sagisag na binubuo ng mga tunog na binibigkas o sinasalita at ng mga simbolong isinusulat. Sa pamamagitan ng wika, nagkakaunawaan, nagkakaugnay, at nagkakaisa ang mga tao. Kasangkapan ang wika upang maipahayag ng tao ang kaniyang naiisip, maibahagi ang kaniyang mga karanasan, at maipadama ang kaniyang nararamdaman. Gayundin, bawat bansa ay may sariling wikang nagbibigkis sa damdamin at kaisipan ng mga mamamayan nito. Sa wika nasasalamin ang kultura at pinagdaanang kasaysayan ng isang bansa.