Ano ang Tekstong Persuweysib?
Ang pangunahing layunin ng isang tekstong persuweysib ay ang manghikayat o mangumbinsi sa mambabasa. Isinusulat ang ganitong uri ng teksto upang baguhin ang pananaw o paniniwala ng mambabasa at makumbinsi sila na ang paninindigan ng manunulat ang siyang tama. Hinihikayat din nito ang mambabasa na tanggapin ang posisyong ineendorso ng teksto.
Ang tekstong persuweysib ay may subhetibong tono sapagkat malayang ipinahahayag ng manunulat ang kanyang personal na opinyon, paniniwala, at pagkiling tungkol sa isang isyung may iba’t ibang panig.
Madalas itong ginagamit sa iba’t ibang larangan ng komunikasyon, gaya ng:
- Mga iskrip para sa patalastas (advertisements).
- Propaganda para sa eleksiyon.
- Materyales para sa pagrerekrut sa isang samahan o networking.
Ang Tatlong Paraan ng Panghihikayat Ayon kay Aristotle
Inilarawan ng dakilang Griyegong pilosopo na si Aristotle ang tatlong pangunahin at mabisang paraan ng panghihikayat o pangungumbinsi na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin sa retorika at pagsulat.
1. Ethos (Kredibilidad)
Ang Ethos ay tumutukoy sa kredibilidad o pagiging mapagkakatiwalaan ng isang manunulat o tagapagsalita.
Upang mahikayat ang mambabasa, dapat silang kumbinsihin ng manunulat na siya ay may sapat na malawak na kaalaman, karanasan, o awtoridad tungkol sa kanyang isinusulat. Kung walang kredibilidad, magiging kaduda-duda ang mensahe.
Paano Palakasin ang Ethos:
- Malinaw at Wasto na Pagsulat: Ang mahusay na estilo ng pagsulat at gramatika ay nagpapahiwatig na may kaalaman at propesyonalismo ang manunulat.
- Wasto at Napapanahong Datos: Ang tamang pagsisipi ng mga sanggunian at paggamit ng wasto at napapanahong impormasyon ay nagpapatibay sa kredibilidad.
Halimbawa: Ang isang doktor na nagrerekomenda ng gamot ay may mataas na Ethos dahil sa kanyang propesyonal na awtoridad.
2. Pathos (Emosyon)
Ang Pathos ay tumutukoy sa paggamit ng emosyon o damdamin upang mahikayat ang mambabasa. Ayon kay Aristotle, madaling madala ang karamihan sa mga mambabasa ng kanilang emosyon.
Ang paggamit ng mga kuwento, halimbawa, na nakaaantig ng galit, awa, pag-asa, o takot ay mabisang paraan upang makumbinsi ang mambabasa na pumanig sa manunulat. Mahalagang apelahin ang pagpapahalaga at paniniwala ng mambabasa.
Halimbawa: Ang mga patalastas na nagpapakita ng maliliit na bata na naghihirap upang humingi ng donasyon ay gumagamit ng Pathos.
3. Logos (Lohika)
Ang Logos ay tumutukoy sa paggamit ng lohika, ebidensiya, at makatuwirang argumento upang makumbinsi ang mambabasa.
Kailangang patunayan ng manunulat sa mambabasa na batay sa mga impormasyon, istatistika, at datos na kanyang inilatag, ang kanyang pananaw ang siyang pinakamakatwiran at dapat paniwalaan.
Babala sa Logos: Dapat iwasan ang mga logical fallacies o kamalian sa pangangatwiran. Ang isa sa pinakamadalas na pagkakamali ay ang ad hominem fallacy, kung saan sinasalungat ang personalidad ng katunggali at hindi ang kanyang pinaniniwalaan o argumento.
Halimbawa: Ang isang pagsusuri ng datos na nagpapakita na mas matipid at mas matibay ang isang produkto kaysa sa katunggali nito ay gumagamit ng Logos.
Paalala: Pag-alam sa Iyong Mambabasa
Sa paggamit ng Ethos, Pathos, at Logos, kailangang tandaan na dapat isaalang-alang kung sino o anong uri ang iyong target na mambabasa.
- Para sa mga propessional, may mataas na posisyon, o negosyante, mas epektibo ang paggamit ng Ethos at Logos (kredibilidad at lohika).
- Para sa mga mambabasa na mas madaling maapektuhan ng damdamin, maaaring mas epektibo ang paggamit ng Pathos (emosyon).
Maaaring gamitin ang lahat ng tatlong paraan nang sabay-sabay o kombinasyon ng mga ito, depende sa inaasahan mong magiging epektibo sa uri ng iyong mambabasa.
Ilang Tekstong Persuweysib na Bahagi ng Iba Pang Teksto
Filipino, ang Pambansang Wikang Dapat pang Ipaglaban
ni Antonio Contreras
(bahagi lamang)
Dahil dito, hindi dapat kinatatakutan ng mga aktibistang rehiyonalista ang Filipino na siya raw bubura at lulusaw sa kanilang mga identidad. Ang pangambang ito ay isang hungkag na pangamba.
Mabubura lamang ang kaakuhan kung ito ay hahayaan. At hindi nangangahulugan na dahil ginagamit mo ang isang wika ay mawawala na ang iyong pagkatao. Kung may malay ka dito, at may kontrol ka dito, hindi ito mabubura. Ito dapat ang pinagkakaabalahan ng mga aktibistang rehiyonalista, ang pagyamanin ang kani-kanilang mga wika, kultura, at kamalayan, kasabay ng pagtangkilik sa pagpapalaganap ng isang wikang pambansa. Sa ngayon, maaaring ang dominanteng hulmahan ay ang Tagalog, subalit buksan ang pagpasok ng iba pang mga wika upang ito ay mapagyaman at mapayabong.
At ito rin ang dahilan kung bakit dapat patuloy na ipagtanggol ang Wikang Filipino, at panatilihing buhay ang kamalayang iugnay ito sa ating paghubog ng ating mga iba’t ibang identidad. Ito ang magiging katiyakan na hindi malulusaw ang wika ng mga Pilipino sa harap ng talamak na pagtangkilik sa Ingles.
Dapat pa ngang makipagtulungan ang mga aktibistang rehiyonalista sa labang ito, dahil sa iisang panig lang lahat tayo. Malinaw na kapag mawalan ng lugar ang wikang Filipino sa pagbubuo ng kamalayang pambansa, mawawalan din ng lugar ang mga wikang rehiyonal na makapag-ambag sa kabuoan ng kamalayang ito. Sa isang sistemang global, mawawala at lalamunin tayo sa ating pagkawatak-watak.
Sa kalaunan, hindi naman talaga ang Ingles ang kaaway. Hindi dahil ginagamit ang Ingles ay mabubura na ang Filipino.
Ang kaaway ay ang mga puwersang nananahan sa puso at isipan ng maraming Pilipino, na ang iba ay may mga hawak pa nga na posisyon, sa pamahalaan man o sa pamantasan, na lumilikha ng mga balakid at pumipigil sa pagpapanatili ng Filipino sa kamalayan ng Pilipino. Ito ang mga taong pinipilit papiliin ang Pilipino na mag-Ingles o mag-Filipino, samantalang ang nararapat ay palawakin ang kamalayang Filipino sa mga Pilipino upang kahit matatas tayong magsalita ng Ingles ay mananatili tayong matatas magsalita sa Filipino at kung anumang rehiyonal nating mga wika.
Transcript ng Talumpati ni Senator Grace Poe Nang Magdeklarang Tatakbo sa Pagkapangulo
(bahagi lamang)
Kulang po ang aking panahon ngayon upang ilahad ang kabuoan ng aking mga mithiin at adhikain. Sa mga susunod na araw, ihahain ko po ang isang komprehensibong programa na nakasentro sa simpleng prinsipyo at paniniwala: walang maiiwang Pilipino at walang maiiwang lugar sa Pilipinas. Sabay-sabay tayong aangat at sama-sama tayong uunlad!
Noong tumakbo ang tatay ko, minaliit siya, sinabi na wala siyang karanasan, at hindi siya Pilipino. Ngunit buong tapang niyang hinarap ang hamon at hindi niya inurungan ang pagkakataon na tumulong na mapabuti ang buhay ng kapwa-Pilipino.
Ang kanyang katapatan, tapang, at kabaitan ay naging inspirasyon at gabay sa akin. Ang nanay ko naman, sinabi niya: “Anak, sa lahat ng ingay ng politika, huwag mo [sic] walangin ang iyong sarili.”
Ang aking buhay ay isang bukas na aklat.
Sino ang mag-aakala na ang isang sanggol na natagpuan ay makatutuntong sa Senado. Salamat sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin.
Huwag ninyong kalilimutan. Magaling ang Pilipino. Mapagmahal, malikhain, at marunong gumawa ng paraan.
Kaya nating marating ang ating mga mithiin para sa bayan kung magsisipag, magmamatyag, at siguraduhing may tapat na gagabay sa atin.
Dapat sama-sama tayo. Hindi kaya ng iisang tao.
Ang mangangako niyan ay nagsisinungaling na.
Sa ating lahat nakasalalay ang magiging kuwento ng Pilipinas sa darating na panahon.
Sana po ay samahan ninyo ako sa pagpanday ng maganda at makabuluhang hinaharap ng ating inang bayang Pilipinas.
Ako po si Grace Poe. Pilipino. Anak, asawa, at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo.

