Panahon ng Espanyol at Amerikano
Sa mahabang panahon ng pananakop ng Espanya, ang Espanyol ang nagsilbing opisyal na wika at wikang panturo sa Pilipinas.
Nang dumating ang mga Amerikano, dalawang wika—Ingles at Espanyol—ang una nilang ginamit sa mga kautusan at proklamasyon. Gayunpaman, sa kalaunan, pinalitan ng Ingles ang Espanyol bilang wikang opisyal. Dahil sa rekomendasyon ng Komisyong Schurman noong Marso 4, 1899, naging tanging wikang panturo ang Ingles. Maraming Pilipino ang natutong magbasa at magsulat sa Ingles, lalo na ang mga nakinabang sa programang iskolarsip sa Amerika. Pagsapit ng 1935, halos lahat ng opisyal na dokumento ng gobyerno ay nasa wikang Ingles na (Boras-Vega 2010).
Ang Panawagan para sa Katutubong Wika
Sa kabila ng pagiging dominante ng mga wikang dayuhan, ginamit na ng mga Katipunero ang Tagalog sa kanilang mga opisyal na kasulatan noong panahon ng pakikibaka. Sa Konstitusyong Probisyonal ng Biak-na-Bato noong 1897, itinakda ang Tagalog bilang opisyal na wika.
Gayunpaman, sa Konstitusyon ng Malolos (Enero 21, 1899), pansamantalang ginamit ang Espanyol bilang opisyal na wika, bagama’t nakita na ang posibleng papel ng Ingles sa bansa.
Ang Pagsilang ng Probisyong Pangwika (1935)
Noong Marso 24, 1934, pinagtibay ni Pangulong Franklin D. Roosevelt ang Batas Tydings-McDuffie, na nagbigay daan sa pagtatatag ng Pamahalaang Komonwelt at kalayaan ng Pilipinas matapos ang sampung taon.
Noong Pebrero 8, 1935, pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Konstitusyon ng Pilipinas. Ang probisyong pangwika ay matatagpuan sa Seksiyon 3, Artikulo XIII (na naging Artikulo XIV):
“Ang Pambansang Asamblea ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang pangkalahatang pambansang wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, ang ingles at Kastila ay patuloy na gagamiting mga wikang opisyal.”
Ang orihinal na resolusyon ay pinamunuan ni Wenceslao Q. Vinzons mula sa Camarines Norte, ngunit binago ito ng Style Committee—ang komite na nagbigay ng huling pasiya sa borador ng Konstitusyon—na humantong sa pinal na probisyon.
Ang Administrasyon ni Pangulong Quezon at ang Surian
Sa paglulunsad ng Komonwelt, isa sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Manuel L. Quezon ang pagpapatupad ng probisyong pangwika.
Noong Oktubre 27, 1936, ipinahiwatig ni Pangulong Quezon ang plano niyang magtatag ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP). Ang magiging tungkulin nito ay pag-aralan ang mga katutubong wika upang makahanap ng isang wikang panlahat na pagbabatayan ng pambansang wika.
Batas Komonwelt Blg. 184 (Nobyembre 13, 1936)
Pinagtibay ng Kongreso ang batas na ito, na pormal na nagtatag sa SWP.
Mga Kapangyarihan at Tungkulin ng Surian:
- Gumawa ng pag-aaral sa mga pangkalahatang wika sa Pilipinas.
- Magpaunlad at magpatibay ng isang wikang panlahat na Wikang Pambansa batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.
- Bigyang-halaga ang wikang pinakamaunlad ayon sa balangkas, mekanismo, at panitikang tinatanggap.
Noong Enero 12, 1937, hinirang ang mga kagawad ng SWP. Sila ay nagmula sa iba’t ibang rehiyon upang ipakitang walang pinapanigang partikular na wika.
Ang Unang Surian ng Wikang Pambansa:
- Jaime de Veyra (Bisaya, Samar-Leyte) – Pangulo
- Santiago A. Fonacier (Ilocano) – Kagawad
- Filemon Sotto (Cebuano) – Kagawad (Pinalitan ni Isidro Abad)
- Casimiro Perfecto (Bicolano) – Kagawad
- Felix S. Rodriguez (Bisaya, Panay) – Kagawad
- Hadji Butu (Mindanao) – Kagawad
- Cecilio Lopez (Tagalog) – Kagawad
Pagtatag ng Tagalog bilang Batayan
Pagkaraan ng halos sampung buwan, noong Nobyembre 7, 1937, inilabas ng Surian ang resolusyon na Tagalog ang gawing batayan ng pambansang wika dahil sa halos tinugunan nito ang hinihingi ng Batas Komonwelt Blg. 184.
Noong anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal, Disyembre 30, 1937, lumabas ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagpapatibay sa Tagalog bilang batayang wika ng Pambansang Wika ng Pilipinas. Nagkabisa ito pagkaraan ng dalawang taon, matapos maihanda at maipalimbag ang gramatika at diksiyonaryo ng Wikang Pambansa (1938-1940).
Batas Komonwelt Blg. 333 (Hunyo 18, 1938)
Sinusugan ang Batas Komonwelt Blg. 184 ng Batas Komonwelt Blg. 333. Sa batas na ito, ang Surian ay ipinailalim sa tuwirang pamamahala at pangangasiwa ng Pangulo ng Pilipinas. Binago ang Seksiyon 10 ng Batas Blg. 184, kung saan ang Pangulo na ang magpapatibay ng pasiya sa mga suliraning pangwika, at iyon ang magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng lathalaing opisyal at aklat pampaaralan.
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 (Abril 1, 1940)
Sa huli, inilabas ang kautusang ito na nag-uutos sa:
- Pagpapalimbag ng A Tagalog-English Vocabulary at ng aklat sa gramatika na pinamagatang Ang Balarila ng Wikang Pambansa.
- Pagtuturo ng Wikang Pambansa simula Hunyo 19, 1940 sa mga Paaralang Publiko at Pribado sa buong kapuluan.

