Bakit maraming mag-aaral ang natatakot sumulat ng komposisyon?
Sadya nga bang mas mahirap magsulat kaysa magsalita? Kung minsan, nagsasalita ang tao nang hindi gaanong nabibigyang-pansin ang kawastuhan sa gramatika sapagkat walang talâ o dokumentong pagbabatayan ng kanyang sinabi, kung kaya wala siyang masyadong pananagutan dahil ito ay lumipas na.
Hindi gaya sa pagsulat, isang dokumento ang nalilikha na nagpapatunay ng kaalaman, opinyon, at kahusayan o di kahusayan sa paggamit ng wika ng manunulat. Malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paglinang ng damdamin at isipan ng manunulat sapagkat naipahahayag niya ang kanyang damdamin at mithiin tungo sa maayos na pakikipag-ugnayan sa kanyang mambabasa.
Ang pagsulat ay umiinog sa mga paksa, tema, o mga tanong na bibigyang-kasagutan ng mag-aaral sa kanyang sulatin depende sa kanyang kaligiran, interes, at pananaw. Ang kabuuan ng katawan ng sulatin ay magiging depende rin sa kung gaano kabisa bumuo ng pahayag ang manunulat na mag-aaral at kung gaano rin kalawak ang kanyang kaalaman sa kanyang isinusulat. Ang prosesong ito ay mahigpit na nangangailangan ng kaalamang teknikal sa pagsulat, pamamaraan sa pagsusuri at pananaliksik, at ideyang sarili na nais sabihin sa mambabasa.
Ang pagbasa at ang pagsulat ay resiprokal na proseso sa pagbuo ng kahulugan, pag-aanalisa, pagbibigay-interpretasyon, at pagtatalastasan ng mga ideya. Sa mga gawaing ito, kailangan ang karanasan, kaalaman, sariling paniniwala, at saloobin ng mga mag-aaral sapagkat tulad ng nabanggit na sa simula ng modyul na ito, ang paksa, tema, o katanungang bibigyang-sagot ng manunulat ay magmumula sa kanyang kaligiran, interes, at pananaw. Ito ay sa kadahilanang ginagamit ng tao ang kanyang sariling kaalaman at karanasan upang maunawaan ang mga bagay sa kanyang paligid at maipaliwanag ito sa iba.
Sa tradisyonal na pagpapakahulugan, ang pagsulat ay isang sistema ng komunikasyong interpersonal na gumagamit ng simbolo at isinasalin gamit ang papel at panulat. Ito rin ay isang continuum process ng mga gawain sa pagitan ng mekanikal o pormal na aspekto ng pagsulat bilang masalimuot na gawain sapagkat nangangailangan ng kasanayan (skill).
Proseso sa Pagsulat
- Bago Sumulat (Prewriting). Sa bahaging ito, ang mga mag-aaral ay dumaraan muna sa brainstorming. Dito ay malaya silang mag-isip at magtala ng kanilang mga kaalaman at karanasan na may kinalaman sa paksa. Dito rin mapagpapasiyahan kung ano ang susulatin ng mag-aaral, ano ang layunin sa pagsulat, at ang estilong kanyang gagamitin.
- Habang Sumusulat (Actual Writing). Sa bahaging ito, naisusulat ang unang borador na ihaharap ng bawat mag-aaral sa isang maliit na grupo upang magkaroon ng inter-aksiyon kung saan tatalakayin ang mga mungkahing pagbabago o mga puna. Karaniwang tuon ng bahaging ito ang halaga ng paksa, kabuluhan ng pag-aaral, at lohika sa loob ng sulatin.
Sa puntong ito, hindi matatawaran ang halaga ng ibang taong makababasa ng sulatin dahil mayroon silang nakikita na kadalasan ay nakaligtaan ng manunulat o hindi lamang naiayos dahil alam na niya ang aralin. - Pagkatapos Sumulat (Post-writing). Sa bahaging ito, ginagawa ang mga pagbabago sa pamamagitan ng pagdaragdag, pagkakaltas, at paglilipat-lipat ng mga salita, pangungusap, o talata. Bilang pangwakas na hakbang, pagtutuunan na ang mekaniks ng sulatin tulad ng baybay, bantas, at gramatika.
Sa proseso ng pagsulat, mahalaga ring bigyang-pansin ang mga bahagi ng teksto ayon sa sumusunod:
- Panimula. Dapat bigyan ng kaukulang pansin ang panimula ng tekstong isusulat. Ang bahaging ito ay nararapat na maging kawili-wili upang sa simula pa lamang ay mahikayat ang mambabasa na tapusing basahin ang teksto.
- Katawan. Sa pagsulat ng bahaging ito, matatagpuan ang wastong paglalahad ng mga detalye at kaisipang nais ipahayag sa akda. Mahalagang magkaroon ng ugnayan at kaisahan ang mga kaisipang ipinahahayag upang hindi malito ang mambabasa dahil ito ang pinakamalaking bahagi ng teksto. May tatlong hakbang para maisagawa ang panggitnang bahagi ng sulatin:
- Pagpili ng organisasyon
- Pagbabalangkas ng nilalaman
- Paghahanda sa transisyon ng talataan
- Wakas. Dapat isaalang-alang ng manunulat ang pagsulat ng bahaging ito upang makapag-iwan ng isang kakintalan sa isip ng mambabasa na maaaring magbigay buod sa paksang tinalakay o mag-iiwan ng isang makabuluhang pag-iisip at repleksiyon.