Ang Tekstong Naratibo: Kahulugan, Katangian, Elemento, at Halimbawa

  • Post last modified:November 8, 2024

Sa bawat araw sa buhay ng isang tao, laging may mga pangyayaring naibabahagi o naikukuwento niya sa iba. Maaaring mga simpleng pangyayaring nasaksihan sa kanyang pagpasok o kaya naman ang mga ipinagpapalagay niyang pinakamahahalaga o pinakamalalaking pangyayari sa kanyang maghapon. Ang pagsasalaysay o pagkukuwento ay karaniwang nangyayari kapag nagkikita-kita o nagsasalo ang mag-anak o maging ang magkakaibigan. Subalit minsan, ang salaysay ay hindi lang basta naibabahagi nang pasalita. Sa halip, naitatala rin ito sa mga pahina ng isang talaarawan. Halos hindi nararamdaman ng nagsusulat na siya’y bumubuo na pala ng isang kuwento, ang sariling kuwentong bahagi ng isang uri ng teksto—ang tekstong naratibo.

Kahulugan

Ang tekstong naratibo ay pagsasalaysay o pagkukuwento ng mga pangyayari sa isang tao o mga tauhan, nangyari sa isang lugar at panahon o sa isang tagpuan, nang may maayos na pagkakasunod-sunod mula simula hanggang katapusan. Pangunahing layunin ng ganitong uri ng teksto ang makapagsalaysay ng mga pangyayaring nakapagbibigay aliw o nakapagpapanatili ng interes. Gayundin naman, ang naratibo ay nakapagtuturo ng kabutihang-asal, mahahalagang aral, at mga pagpapahalagang pangkatauhan, tulad ng kahalagahan ng pagiging mabuti at tapat, na ang kasamaan ay hindi nagtatagumpay laban sa kabutihan, ang kasipagan at pagtitiyaga ay nagdudulot ng tagumpay, at iba pa.

Ang mga mambabasa ay direktang isinasama ng manunulat sa isang tekstong naratibo at nagiging saksi sa mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. May iba’t ibang uri ng naratibo tulad ng maikling kuwento, nobela, kuwentong-bayan, mitolohiya, alamat, tulang pasalaysay tulad ng epiko, dula, mga kuwento ng kababalaghan, anekdota, parabula, science fiction, at iba pa. Iba’t ibang uri ito subalit may iisang pagkakapareho: ang bawat isa’y nagkukuwento.

Ang bawat uri ng tekstong ito ay may kanya-kanyang taglay na katangian, subalit ang mababasa mo sa ibaba ay pangkalahatang katangiang taglay ng bawat uri ng tekstong naratibo.

May Iba’t Ibang Pananaw o Punto de Vista (Point of View) sa Tekstong Naratibo

Sa pagsasalaysay o pagkukuwento, may mga pananaw na ginagamit ang manunulat upang maipahayag ang mga pangyayari. Karaniwang ginagamit sa naratibo ang unang at ikatlong panauhan. Ang paggamit ng ikalawang panauhan ay bihirang-bihirang mangyari. Sa mas mahahabang naratibo tulad ng nobela, maaaring magbago-bago ang ginagamit na pananaw.

  • Unang Panauhan — Sa pananaw na ito, ang isang tauhan ang nagsasalaysay ng mga bagay na kanyang nararanasan, naaalala, o naririnig. Kaya’t ginagamit niya ang panghalip na “ako.”
  • Ikalawang Panauhan — Sa pananaw na ito, para bang kausap ng manunulat ang tauhang ginagalaw niya sa kuwento, kaya gumagamit siya ng mga panghalip na “ka” o “ikaw.” Gayunpaman, hindi ito gaanong ginagamit ng mga manunulat sa kanilang pagsasalaysay.
  • Ikatlong Panauhan — Ang mga pangyayari sa pananaw na ito ay isinasalaysay ng isang tao na walang relasyon sa tauhan, kaya ang panghalip na ginagamit niya sa pagsasalaysay ay “siya.” Ang tagapagsalaysay ay tagapag-obserba lamang at nasa labas siya ng mga pangyayari. May tatlong uri ang ganitong pananaw:
    • Maladiyos na Panauhan — Nababatid niya ang galaw at iniisip ng lahat ng mga tauhan. Napapasok niya ang isipan ng bawat tauhan at naihahayag niya ang iniisip, damdamin, at paniniwala ng mga ito sa mga mambabasa.
    • Limitadong Panauhan — Nababatid niya ang iniisip at kilos ng isa sa mga tauhan subalit hindi ng iba pang tauhan.
    • Tagapag-obserbang Panauhan — Hindi niya napapasok o nababatid ang nilalaman ng isip at damdamin ng mga tauhan. Ipinapakita niya lamang ang mga nakikita, naririnig, o sinasabi ng mga tauhan.
  • Kombinasyong Pananaw o Paningin — Dito, hindi lamang iisa ang tagapagsalaysay kaya iba’t ibang pananaw o paningin ang ginagamit sa pagsasalaysay. Karaniwan ito sa isang nobela kung saan ang mga pangyayari ay sumasakop sa mas mahabang panahon at maraming tauhan ang naipakikilala sa bawat kabanata.

May Paraan ng Pagpapahayag ng Diyalogo, Saloobin, o Damdamin sa Tekstong Naratibo

May dalawang paraan kung paano inilalahad o ipinahahayag ng mga tauhan ang kanilang diyalogo, saloobin, at damdamin:

1. Direkta o Tuwirang Pagpapahayag

Sa ganitong uri ng pagpapahayag, ang tauhan ay direkta o tuwirang nagsasaad o nagsasabi ng kanyang diyalogo, saloobin, o damdamin. Ito ay ginagamitan ng panipi. Sa ganitong paraan ng pagpapahayag, nagiging natural at lalong lumulutang ang katangiang taglay ng mga tauhan. Higit din nitong naaakit ang mga mambabasa sapagkat nagiging mas malinaw sa kanila ang eksaktong mensahe o sinabi ng tauhan, at ang paraan ng pagkakasabi ay nagpapahiwatig din sa uri ng damdamin na taglay nito, kaysa kung lalagumin o hindi direktang sasabihin ng tagapagsalaysay.

Halimbawa:

“Donato, kakain na, anak,” tawag ni Aling Guada sa anak na noo’y abalang-abala sa ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na pala ang ina sa kanyang kinalalagyan. “Aba’y kayganda naman nireng ginagawa mo, anak! Ay ano ba talaga ang balak mo, ha?” Natatawang inakbayan ni Donato ang ina at inakay papasok sa munti nilang kusina…

Mula sa “Ang Kariton ni Donato”

2. Di Direkta o Di Tuwirang Pagpapahayag

Ang tagapagsalaysay ang naglalahad sa sinasabi, iniisip, o nararamdaman ng tauhan sa ganitong uri ng pagpapahayag. Hindi na ito ginagamitan ng panipi.

Halimbawa:

Tinawag ni Aling Guada ang anak dahil kakain na habang ito’y abalang-abala sa ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na pala ang ina sa kanyang kinalalagyan. Sinabi niyang kayganda ng ginagawa ng anak at tinanong din niya kung ano ba talaga ang balak niya.

Natatawang inakbayan ni Donato ang ina at inakay papasok sa munti nilang kusina.

    Mga Elemento ng Tekstong Naratibo

    Ang isang katangiang taglay ng lahat ng tekstong naratibo ay ang pagkukuwento; kaya naman, taglay ng mga ito ang mahahalagang elemento na lalong nagbibigay-daan sa nakalilibang, nakaaaliw, at nakapagbibigay-aral na pagsasalaysay. Sa mga elementong ito rin makikita kung paano naihahabi o pumapasok ang mga tekstong deskriptibo.

    1. Tauhan

    Lahat ng tekstong naratibo ay nagtataglay ng mga tauhan. Ang dami o bilang ng tauhan ay dapat umayon sa pangangailangan. Mahirap itakda ang bilang ng tauhang magpapagalaw sa tekstong naratibo; ang pangangailangan lamang ang maaaring magtakda nito. May dalawang paraan sa pagpapakilala ng tauhan: ang expository at ang dramatiko. Expository kung ang tagapagsalaysay ang magpapakilala o maglalarawan sa pagkatao ng tauhan, at dramatiko naman kung kusang mabubunyag ang karakter dahil sa kanyang pagkilos o pagpapahayag. Ang karaniwang tauhan sa mga akdang naratibo ay ang sumusunod:

    • Pangunahing Tauhan. Sa pangunahing tauhan o bida umiikot ang mga pangyayari sa kuwento mula simula hanggang sa katapusan. Karaniwang iisa lamang ang pangunahing tauhan. Ang kanyang mga katangian ay ibinabatay sa tungkulin o papel na kanyang gagampanan sa kabuuan ng akda.
    • Katunggaling Tauhan. Ang katunggaling tauhan o kontrabida ay siyang sumasalungat o kalaban ng pangunahing tauhan. Mahalaga ang papel ng tauhang ito sapagkat sa mga tunggaliang nangyayari sa pagitan nila, nabubuhay ang mga pangyayari sa kuwento at higit na napatitingkad ang mga katangian ng pangunahing tauhan.
    • Kasamang Tauhan. Gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan, ang kasamang tauhan ay karaniwang kasama o kasangga ng pangunahing tauhan. Ang pangunahing papel o tungkulin niya ay sumuporta, magsilbing hingahan, o kapalagayang-loob ng pangunahing tauhan.
    • Ang May-Akda. Sinasabing ang pangunahing tauhan at ang may-akda ay lagi nang magkasama sa kabuuan ng akda. Bagamat ang namamayani lamang ay ang kilos at tinig ng tauhan, sa likod ay laging nakasubaybay ang kamalayan ng makapangyarihang awtor.

      Ayon kay E.M. Forster, isang Ingles na manunulat, may dalawang uri ng tauhan ang maaaring makita sa isang tekstong naratibo tulad ng:

      • Tauhang Bilog (Round Character) — Isang tauhang may multidimensiyonal o maraming saklaw ang personalidad. Tulad ng isang tunay na katauhan, nagbabago ang kanyang pananaw, katangian, at damdamin ayon sa pangangailangan. Ang isang tahimik at mapagtimping tauhan, halimbawa, ay maaaring magalit at sumambulat kapag hinihingi ng sitwasyon o pangyayari sa kuwento at pangangailangang magbago ang taglay niyang katangian at lumutang ang nararapat na emosyon o damdamin.
      • Tauhang Lapad (Flat Character) — Ito ang tauhang nagtataglay ng iisa o dadalawang katangiang madaling matukoy o predictable. Madaling mahulaan at maiugnay sa kanyang katauhan ang kanyang mga ikinikilos at maituturing na stereotype tulad ng mapang-aping madrasta, mapagmahal na ina, tin-edyer na hindi sumusunod sa magulang, at iba pa. Karaniwang hindi nagbabago o nag-iiba ang katangian ng tauhang lapad sa kabuuan ng kuwento.

      Sinasabi rin ni Forster na kinakailangang makita ang dalawang uring ito ng tauhan sa tekstong naratibo. Bagama’t madaling matukoy o predictable ang tauhang lapad, hindi niya iminumungkahi ang pagtatanggal sa ganitong uri ng tauhan sa pagsulat ng akda upang masalamin pa rin nito ang tunay na kalakaran ng mga tauhan sa ating mundo.

      2. Tagpuan at Panahon

      Ang tagpuan ay tumutukoy hindi lamang sa lugar kung saan naganap ang mga pangyayari sa akda kundi gayundin sa panahon (oras, petsa, taon) at maging sa damdaming umiiral sa kapaligiran nang maganap ang mga pangyayari. Halimbawa nito ay ang kasayahang dama sa pagdiriwang ng isang kaarawan, takot na nararamdaman dahil sa malakas na hampas ng hangin at ulang dala ng bagyo, romantikong paligid sanhi ng maliwanag na buwang nakatunghay sa magkasintahang naghahapunan sa isang hardin, matinding pagod ng magsasakang nag-aararo sa ilalim ng tirik na tirik na araw, at kalungkutan ng pamilyang nakatunghay habang ibinababa sa kanyang huling hantungan ang isang minamahal.

      3. Banghay

      Ito ang tawag sa maayos na daloy o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa mga tekstong naratibo upang mabigyang-linaw ang temang taglay ng akda.

      Makikita sa ibaba ang karaniwang banghay o balangkas ng isang naratibo:

      • Pagkakaroon ng isang epektibong simula kung saan maipakikilala ang mga tauhan, tagpuan, at tema (orientation or introduction).
      • Pagpapakilala sa suliraning hahanapan ng kalutasan ng mga tauhan, partikular ang pangunahing tauhan (problem).
      • Pagkakaroon ng saglit na kasiglahang hahantong sa pagpapakita ng aksiyong gagawin ng tauhan tungo sa paglutas sa suliranin (rising action).
      • Patuloy na pagtaas ng pangyayaring humahantong sa kasukdulan (climax).
      • Pababang pangyayaring humahantong sa resolusyon o kakalasan (falling action).
      • Pagkakaroon ng isang makabuluhang wakas (ending).

      Hindi lahat ng banghay ay sumusunod sa kumbensiyonal na simula-gitna-wakas. May mga akdang hindi sumusunod sa ganitong kalakaran at tinatawag na anachrony o mga pagsasalaysay na hindi nakaayos sa tamang pagkakasunod-sunod. Mauuri ito sa tatlo:

      • Analepsis (Flashback)—Ipinapasok ang mga pangyayaring naganap sa nakalipas.
      • Prolepsis (Flashforward)—Ipinapasok ang mga pangyayaring magaganap pa lamang sa hinaharap.
      • Ellipsis—May mga puwang o patlang sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na nagpapakitang may bahagi sa pagsasalaysay na tinanggal o hindi isinama.

      4. Paksa o Tema

      Ito ang sentral na ideya kung saan umiikot ang mga pangyayari sa tekstong naratibo. Mahalagang malinang ito nang husto sa kabuoan ng akda upang maipahayag ng may-akda ang pinakamahalagang mensaheng nais niyang maiparating sa kanyang mambabasa. Dito rin hinuhugot ang mga pagpapahalaga, mahahalagang aral, at iba pang mga pagpapahalagang pangkatauhan na nagagamit sa mabuting pamumuhay at pakikisalamuha sa kapwa.

      Para mas malinawagan pa kung ano ang tekstong naratibo, basahin ang halimbawang tekso na ito.