Ang Wikang Pambansa

  • Post last modified:December 3, 2024

Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas, at may konstitusyonal na batayan ang pagiging pambansang wika ng Filipino. Sa unang bahagi ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyon ng 1987, nakasaad: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at payamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”

Bilang pambansang wika, Filipino ang sumisimbolo sa ating pambansang pagkakakilanlan. Sinasalamin nito ang ating kalinangan at kultura, gayundin ang ating damdamin bilang mga Pilipino. Ang wikang Filipino ang nagbabandila sa mundo na hindi tayo alipin ng alinmang bansa at hindi tayo nakikigamit ng wikang dayuhan. Ang wikang pambansa ang sumasagisag sa ating kalayaan. Mahalaga ang pagkakaroon ng pambansang wika sapagkat ito ang nagdadala sa atin sa pambansang pagkakaisa at pagbubuklod. Mahalagang pagyamanin at pahalagahan ang ating pambansang wika, isa sa mga natatanging pamana ng ating mga ninuno at nagsisilbing yaman ng ating lahi.

Bukas ang wikang Filipino sa pagpapayamang matatamo mula sa iba pang mga wika ng rehiyon. Lalo pang mapapayaman ang leksikon ng Filipino sa pamamagitan ng paglalahok ng mga salitang mula sa iba pang katutubong wika sa Pilipinas. Halimbawa, gahum mula sa Binisaya sa halip ng hiram sa Espanyol na “hegemoniya.” Marami na ring gumagamit ng bana, na nangangahulugang “asawang lalaki.”