Bakit Tagalog ang Batayan ng Wikang Pambansa?

  • Post last modified:November 11, 2024

Bakit Tagalog ang napiling batayan ng Pambansang Wika? Unang-una, gaya ng nakasaad sa resolusyon ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), Tagalog ang tumutugon sa lahat ng pangunahing kailangan ng Batas 184. Lumitaw sa pag-aaral ng SWP na Tagalog ang wikang pinakamaunlad sa estruktura, mekanismo, at panitikan, at ito rin ang wikang ginagamit ng nakararaming mamamayan. Isa sa mga nakapagpayaman ng panulaang Tagalog ay ang makatang si Francisco “Balagtas” Baltazar, ang itinuturing na “Ama ng Panulaang Tagalog,” na kinilala dahil sa kaniyang Florante at Laura bukod sa iba pa niyang mga sinulat.

Bago pinagtibay ang Batas Komonwelt Bilang 184 noong Nobyembre 13, 1936, si Pangulong Quezon ay pinadalhan ni Norberto Romualdez, Tagapanguyo ng Komite sa Pambansang Wika ng Unang Pambansang Asamblea, ng Memorandum Sobre la Lengua Nacional, na nagsasaad na sa lahat ng katutubong wika, ang Tagalog ang may pinakamaunlad na katangiang panloob: estruktura, mekanismo, at panitikan, at bukas sa pagpapayaman at pagdaragdag ng bokabularyo. Ito rin ang pinakakatanggap-tanggap sa nakararaming mamamayan; ginagamit na ito ng marami kaya’t di na magiging suliranin ang adaptasyon nito bilang pambansang wika ng Pilipinas.

Gayunman, hindi idineklara ang Tagalog na pambansang wika, kundi “base sa Tagalog” ang pambansang wika. Sa kaniyang pananalita noong Disyembre 30, 1937, iprinoklama ni Pangulong Manuel L. Quezon ang pagpapatibay sa adaptasyon ng Tagalog bilang basehan ng pambansang wika ng Pilipinas at idinagdag, “and hereby declare and proclaim the national language so based on the Tagalog dialect, as the national language of the Philippines.”

Sinabi rin ni Pangulong Quezon na sa loob ng mahigit tatlong daang taon ng pananakop ng Espanya, Espanyol ang opisyal na wika ngunit hindi ito kailanman naging wika ng mga mamamayan. Mahigit nang isang henerasyon mula nang manakop ang mga Amerikano at naging Ingles ang opisyal na wika at wikang panturo. Ngunit ang Ingles ay hindi naging pangkalahatang wika ng mga mamamayan.

Ayon kay Pamela Constantino (sinipi ni Vega 2010), dalawang konsiderasyon ang naging batayan sa pagpili sa Tagalog: sentimentalismo o paghahanap ng pambansang identidad; at instrumental o punsiyonal o batay sa gamit ng wika sa lipunan. Ang isang katutubong wika, hindi wikang dayuhan, ang makapagpapahayag ng kaakuhan ng mga Pilipino. Tungkol naman sa instrumental na dahilan, idinagdag ni Constantino ang dalawang pangunahing isyu: (a) pagbubuo at pagpapadali ng komunikasyon (internal at external) na tutulong para mas epektibo at pantay na matamo ang pangangailangan at interes ng populasyon; at (b) paniniguro na ang iba’t ibang wika ay magkakaroon ng pantay na oportunidad na makilahok sa sistema.

Nagpunyagi si Pangulong Manuel L. Quezon na magkaroon ng isang wikang pambansa batay sa isang katutubong wika. Binanggit niya sa isang talumpati na mahirap sa isang pangulo ang maging banyaga sa sariling bayang pinagmulan kaya kailangang magkaroon ng wikang pambansang magbubuklod sa mga mamamayan.

Ang Tagalog, Pilipino, at Filipino

  • Tagalog – katutubong wikang pinagbatayan ng pambansang wika ng Pilipinas (1935)
  • Pilipino – unang tawag sa pambansang wika ng Pilipinas (1959)
  • Filipino – kasalukuyang tawag sa pambansang wika ng Pilipinas, lingua franca ng mga Pilipino, at isa sa mga opisyal na wika sa Pilipinas kasama ng Ingles (1987)

Tandaan na iba ang wikang opisyal sa pambansang wika. Noong 1987 lamang ginawang pambansang wika ang Filipino. Bago ito, ang pambansang wika ay walang pangalan, sinabi lamang sa Konstitusyon ng 1935 na ang pambansang wika ay batay sa Tagalog. Sa Konstitusyon ng 1973, sinabi naman na ang Kongreso ay magsasagawa ng mga hakbang upang makabuo ng pambansang wika na tatawaging Filipino. Ngunit hindi opisyal na ginamit ang salitang Filipino bilang pambansang wika.

Ayon sa Seksyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng 1987, ang wikang Filipino ay:

  • ang wikang pambansa ng Pilipinas; dapat payabungin at payamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang wika; at
  • dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang:
    • midyum ng opisyal na komunikasyon; at
    • wika ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon.