Heograpikal, Morpolohikal, at Ponolohikal na Varayti ng Wika

  • Post last modified:January 26, 2025

Nagiging salik ang heograpiya o lugar ng nagsasalita sa pagkakaroon ng varayti ng wika. Dahil ang Pilipinas ay isang arkipelago na nahahati ng katubigan at kapatagan, at napaghihiwalay ng mga pulo at kabundukan, hindi maiwasang makalikha ng sariling kultura o paraan ng pamumuhay ang mga taong sama-samang naninirahan sa isang partikular na pulo o lugar. Kasabay ng nabubuong kultura ang pagbuo rin ng wika sapagkat ang kultura ay kabuhol ng wika.

Ito ang dahilan kung bakit sa magkakahiwalay at magkakaibang lugar, ang iisang bagay o konsepto ay nagkakaroon ng magkaibang katawagan.

Halimbawa, ang “ibon” sa Filipino ay “langgam” naman sa Sinugbuanong Binisaya. Kaya, kapag magkasama sa iisang lugar ang isang nagsasalita ng Filipino at isang nagsasalita ng Sinugbuanong Binisaya, at narinig nila ang salitang “langgam,” ang una ay yuyuko at maghahanap ng langgam sa ibaba; samantala, ang huli ay titingala at maghahanap ng ibon sa ere. Samakatuwid, isang salita ngunit magkaiba ng kahulugan sa dalawang magkaibang wika.

Kapag nasa Pampanga ka at naliligaw at ibig mong magtanong ng direksiyon, “mangungutang” ka. Samantala, kung nasa Maynila ka, kapag ibig mong “mangutang,” nanghihiram ka ng pera. Ang “maganda” sa wikang Filipino ay “mahusay” sa Samar. Sa Pangasinan, ang salitang “oras” ay “hugas” ang ibig sabihin sa Filipino; samantalang may salitang “oras” din sa Filipino na panahon naman ang tinutukoy.

Nangyayari rin na nagkakaroon ng magkaibang kahulugan sa magkahiwalay na lugar na may magkaibang kultura ang isang salita. Halimbawa, ang salitang salvage ay nangangahulugang “iligtas o isalba” sa Ingles. Nang hiramin ng Filipino ang salitang ito, kabaligtaran ang naging kahulugan nito, dahil ang salvage ay naging “pagpatay nang hindi nilitis.” Ang “baka” sa wikang Niponggo ay nangangahulugan ng “bobo” samantalang sa Filipino, ito ay isang hayop.

Ang ganitong pagkakaiba sa mga katawagan at kahulugan ng salitang ginagamit sa ibang lugar ang tinatawag nating heograpikal na varayti ng wika.

Pansinin ang tumbasan ng mga salitang ito:

iniihaw = binabange
tagilid = tabinge
langgam = hantik/guyam
saranggola = papagayo/bulado
iimik = naghiso

Ang pares ng mga salitang nakalista ay magkasingkahulugan subalit may magkaibang katawagan. Ang mga salita sa kaliwa ay ginagamit sa Maynila samantalang ang mga nakalista sa kanan ay mga salitang ginagamit at naririnig sa Batangas at sa iba pang lalawigang Tagalog. Ang hantik at guyam ay ginagamit din sa lalawigan ng Quezon.

Suriin ang mga halimbawa ng iba’t ibang katawagan para sa pulis at kung saan-saang bansa ito ginagamit:

Indonesia – Polisi
Croatia – Policija
Malaysia – Polis
America – Police
Pilipinas – Pulis
Czech Republic – Policie
Germany – Polizei
Italy – Polizia

Marami ka pang masasaliksik na iba pang katawagan sa iba’t ibang bansa para sa salitang pulis.

Basahin ang mga salita sa loob ng kahon sa ibaba. Ang mga ito ay mga halimbawa ng varayti sa heograpiya:

Mga katawagan sa Tagalog-MaynilaKatumbas na salita sa ibang lugar
lupamukha (Pampanga)
lupadaga (Ilokos)
lumibantumawid (Tagalog-Batangas)
patingkalapati (Iloilo)
hilomtahimik (Cebu)
doondito (Antique)
iyooo (Bikol)

Hindi lamang ang lokasyon ng mga lugar at ang magkakaibang kultura na lumilikha ng magkakaibang katawagan at kahulugan ang nagiging dahilan ng varayti sa wika. Ang iba’t ibang paraan ng pagbuo ng salita ng mga taong kabilang sa iba’t ibang kultura ay nagiging salik din sa varayti ng wika. Basahing muli ang mga pahayag na ito:

“napatak ang mga dahon”
“nasuray ang dyipni”
“mapurol ang ulo”

Sa unang pahayag, ginamit ang salitang “napatak” para sa dahon. Sa Tagalog-Batangas at sa iba pang lalawigang Tagalog, maaaring gamitin ang salitang “napatak” para tukuyin ang mga bagay na nalalaglag o nahuhulog (mula sa itaas). Halimbawa nito ang pangungusap na: “Tayo nang mamulot ng mga napatak na mangga.” “Malapit nang mamunga ang sinegwelas, kayrami nang napatak na dahon.” Samantala, sa Maynila, mas ginagamit ang “napatak” para sa tubig, gaya ng ulan at luha.

Sa pangalawang pahayag, ginamit ang salitang “nasuray” ng Tagalog-Batangas para sa isang sasakyan. Sa Tagalog-Maynila, hindi sa sasakyan ginagamit ang salitang “nasuray” kundi tao. Mas ginagamit ang salitang “gumegewang” o “pagewang-gewang” kapag sasakyan ang tinutukoy. Halimbawa: “Pagewang-gewang ang sasakyang minamaneho ng lasing na drayber.”

Pansinin mo ang pagbuo ng mga salitang “napatak” at “nasuray.” Sa ilang lalawigang Tagalog gaya ng Batangas, ang pandiwa o salitang nagpapakita ng aksiyon o kilos ay nakabanghay sa unlaping /na-/ tulad ng naiyak, naulan, nakanta, at natakbo. Sa Maynila, ang pandiwa o salitang nagpapakita ng aksiyon o kilos ay nakabanghay sa gitlaping /-um-/ gaya ng umiiyak, umuulan, kumakanta, at tumatakbo. Kaya sa Maynila, ang napatak ay pumapatak at ang nasuray ay sumusuray.

Kung paghahambingin natin ang gamit ng mga salitang “napatak” at “nasuray” sa Tagalog ng Batangas at Maynila, ganito ang mga pangungusap na mabubuo natin:

Batangas: Napatak ang buko.
Maynila: Pumapatak ang ulan.
Batangas: Nasuray ang auto.
Maynila: Sumusuray ang paglakad (ng lasing na lalaki).

Dahil iba-iba ang wikang ginagamit sa iba’t ibang lugar, nagkakaiba rin ang paraan ng pagbuo ng salita ng mga naninirahan sa mga ito. Ang pagkakaiba-ibang ito sa pagbuo ng mga salita dahil sa paglalapi ang tinatawag na morpolohikal na varayti ng wika.

Pag-aralan ang halimbawa sa ibaba.

Tagalog-Maynilakumain
Tagalog-Batangas (iba pang lalawigang Tagalog)nakain
Camarines Surmakakan
Legaspi Citymagkakan
Aklanmakaon
Tausugkumaun
Bisayamangaon
Pampangamangan

Sa pelikulang Heneral Luna, sa eksenang natimbuwang na ang heneral sa dami ng taga at tama ng baril na tinamo, ipinakita ang isang babaeng nasa bintana ng kumbento. Nagsalita ang babae: “Nagalaw pa ba iyan?” Ipinapakita sa pangungusap na ito ang varayti ng wikang gamit sa Hilagang Katagalugan: nagalaw sa halip na gumagalaw.

Iba pang Halimbawa ng Morpolohikal na Varayti

Bilang pangkalahatang tuntunin, masasabing nagkakaroon ng pagbabago sa kahulugan ang salita batay sa panlaping ginamit. Halimbawa:

Salitang ugat: bili
Panlapi: -um-
Nabuong salita: bumili (sa Ingles, to buy)

Salitang ugat: bili
Panlapi: mag-
Nabuong salita: magbili (sa Ingles, to sell)

May mga pagkakataon naman na kahit magkaibang panlapi ang ginamit, hindi pa rin nagbabago ang kahulugan ng salita.

Tingnan natin ang mga panlaping I- (unlapi) at -IN (hulapi).

Pareho lamang ang kahulugan ng mga sumusunod na salita:

iluto – lutuin
iihaw – ihawin
iinit – initin
igisa – gisahin

Ngunit tingnan ang mga halimbawang pangungusap sa ibaba:

  1. Iakyat mo na sa maysakit ang kanyang hapunan.
    (Dalhan [sa itaas ng bahay] ng hapunan ang maysakit.)
  2. Akyatin na natin ang mayamang mangangalakal mamayang gabi.
    (Umakyat ng bahay ng iba nang walang pahintulot upang gumawa ng masama.)

Samakatuwid, maging maingat sa paggamit ng panlapi. Kung minsan, hindi lamang varayti o magkaibang anyo ng iisang salita ang sangkot sa usapan; maaari ding maging iba ang kahulugan.

Ngayon, dahil marami nang gumagamit ng wikang Filipino na may iba’t ibang unang wika, nagkakaroon ng iba’t ibang anyo ang mga salita batay sa mga panlaping ginamit. Halimbawa, ang dating makialam (maki- + alam), ngayon ay mangialam (mang- + -ki- + alam), lalo na sa mga kabataan.

Tandaan lagi ang wastong pagpili ng panlapi upang wastong maipahayag ang gustong sabihin. Halimbawa, magpugay sa bandila (alisin ang sumbrero – dating naka-sumbrero ang mga tao noon, upang magbigay-galang), hindi pugayan ang bandila (alisan ng dangal).

Kasama sa mga varayti ng isang wika ang ispeling o baybay ng salita. Tingnan ang halimbawa ng magkakaibang ispeling ng mga salita sa American at British English:

American EnglishBritish English
acknowledgmentacknowledgement
airplaneaeroplane
anesthesiaanaesthesia
analoganalogue
catalogcatalogue
characterizecharacterise
endeavorendeavour
armorarmour
fiberfibre
theatertheatre
enrollmentenrolment
fulfillfulfil

Bukod sa mga pagkakaiba sa katawagan at kahulugan (heograpikal na varayti), anyo at ispeling (morpolohikal na varayti), nagkakaroon din ng pagbabago sa bigkas at tunog ng mga salita ayon sa pangkat ng mga taong gumagamit nito.

Tiyak na napansin mo na magkakaiba ang bigkas at tunog ng mga salita sa bawat lugar. Katulad ng natalakay na, lumilikha ng sariling wika ang mga taong magkakasama sa iisang kultura at lugar. Sa paglikha ng kani-kaniyang wika, hindi maiwasang malikha rin ang magkakaibang tunog at bigkas sa mga salita. Nagkakaroon ng kani-kaniyang dialectal accent ang bawat lugar. Halimbawa, sa Bisaya, nagkakapalitan ang bigkas ng /e/ at /i/ at ng /o/ at /u/. Maaaring ang maging bigkas ng isang Bisaya sa pera ay pira, ang pitaka ay petaka, ang kuya ay koya, at ang bola ay bula. Mali ba ang ganitong pagbigkas? Ang sagot ay hindi, sapagkat ang nagsasalita ay bumibigkas ayon sa kanyang dialectal accent.

Ang pagkakaiba-ibang ito sa bigkas at tunog ng mga salita ang tinatawag na varayti sa ponolohiya.

Ang ganitong varayti sa ponolohiya ay hindi eksklusibo sa mga wika sa Pilipinas. Nangyayari rin ang mga ganitong pagkakaiba sa bigkas at tunog sa mga wika sa daigdig. Narito ang ilang halimbawa:

WordPronunciation 1Pronunciation 2
often/o-fen//of-ten/
organization/or-ga-ni-za-tion//or-ga-nay-zey-tion/
Adidas/A-di-das/ (mabagal)/Adidas/ (mabilis)
Nike/Nayk//Nay-ki/
accurate/a-kyu-rat//a-kyu-rit/
away/a-wey//a-way/
today/tu-dey//tu-day/
aluminum/a-lu-mi-num//a-lu-min-nyum/
Porsche/Por-sha//Porsh/
centennial/sen-ten-yal//sin-tin-yal/
millennium/me-len-nyum//mi-lin-nyum/

Tandaan: Sa heograpikal na varayti, nasa katawagan at kahulugan ng salita ang pagkakaiba. Sa morpolohikal na varayti, ang pagkakaiba ay nasa anyo at ispeling ng salita at hindi sa taglay na kahulugan nito. Samantala, sa ponolohikal na varayti, nasa bigkas at tunog ng salita ang pagkakaiba.