Iba’t Ibang Uri ng Liham at Pagsulat ng Resume

  • Post last modified:October 13, 2024

Makabuluhan at nakatataba ng puso ang tinuran ni Senador Franklin M. Drilon sa kanyang mensahe na naitala sa muling paglalathala ng patnubay sa Korespondensiya Opisyal (Ikaapat na edisyon), hindi na maitatatwa na ang Filipino ang lingua franca – pangkalahatang midyum na ginagamit sa komunikasyon sa isang bansa (Mangahis, Nuncio, Javillo 2008) 0 sa buong kapuluan. Ngunit ang wikang ito ay dapat pa ring makapasok sa mga bulwagan ng kapangyarihan, gaya ng batasan, hukuman, negosyo, at akademya. Kung nais nating magtagumpay ang Filipino, kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan, hindi lamang sa pabigkas na paraan. Ang korespondensiya sa wikang Filipino ang isang anyo ng pagkakamit ng gayong mithi.

Mahalagang matutuhan at pahalagahan ng mag-aaral ang wikang Filipino bilang pangunahing wikang ginagamit sa pagsulat at di lamang wikang binibigkas.

Mga Uri ng Liham

Mula sa Patnubay sa Korespondensiya Opisyal (Ikaapat na Edisyon 2015)

Liham Pagbati (Letter of Congratulations)

Pinadadalhan ng liham pagbati ang sinumang nagkamit ng tagumpay, karangalan, o bagay na kasiya-siya. Ganito ring uri ng liham ang ipinadadala sa isang nakagawang anumang kapuri-puri o kahanga-hangang bagay sa tanggapan.

Liham Paanyaya (Letter of Invitation)

Taglay ng liham na ito ang paanyaya sa pagdalo sa isang pagdiriwang, maging tagapanayam, o gumanap ng mahalagang papel sa isang partikular na okasyon.

Liham Tagubilin (Letter of Instruction)

Nagrerekomenda o nagmumungkahi ang isang indibidwal o tanggapan kung may gawaing nararapat isangguni sa bawat nagpapakilos ng gawain upang magkatulungan ang mga kinauukulan sa katuparan ng nilalayon nito.

Liham Pasasalamat (Letter of Thanks)

Pagpapahayag ng pasasalamat sa mga naihandog na tulong, kasiya-siyang paglilingkod, pagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon, ideya at opinyon, at tinanggap na mga bagay.

Liham Kahilingan (Letter of Request)

Liham na inihahanda kapag nangangailangan o humihiling ng isang bagay, paglingkod, pagpapatupad, at pagpapatibay ng anumang nilalaman ng korespondensiya tungo sa pagsasakatuparanng inaasahang bunga, transaksiyonal man o opisyal.

Liham Pagsang-ayon (Letter of Affirmation)

Liham na sumasang-ayon at nagpapatibay sa isang kahilingan o panukala na makabubuti sa operasyon ng isang tanggapan. Maaaring samahan ng kondisyon ang pagsang-ayon kung kinakailangan.

Liham Pagtanggi (Letter of Negation)

Nagpapahayag ito ng dahilan ng pagtanggi, di pagpapaunlak, di pagsang-ayon sa paanyaya, kahilingan, panukala, at iba pa hinggil sa pangangailangang opisyal at transaksiyonal.

Kailangang mahusay na maipahayag ang dahilan ng pagtanggi ng inaanyayahan upang hindi makapagbigay-alinlangan sa sumulat. Nasasalamin sa ganitong uri ng liham ang pagkatao o personalidad ng tumatanggi sa liham. Dapat tandaan na kapag ang inaanyayahan ay tumanggi o di makadadalo sa paanyaya, kailangang magpadala ng isang kinatawang gaganap ng kanyang tungkulin. Kung di gustong ipaganap ang tungkulin, sagutin ng nakakukumbinsing pananalita sa liham ang nag-aanyaya.

Liham Pag-uulat (Report Letter)

Ito ang liham na nagsasaad ng katayuan ng isang proyekto o gawain na dapat isakatuparan sa itinakdang panahon. Tinatalakay dito ang: (a) pamagat, layunin, at kalikasan ng proyekto; (b) bahagdan ng natamo batay sa layunin; (c) kompletong deskripsiyon ng progreso ng kasalukuyang gawain, pati na ang mga tauhan, pamamaraan, mga hadlang, at mga remedyo; at (d) mga gawaing kailangan pang isagawa upang matapos sa itinakdang panahon ang proyekto.

Liham Pagsubaybay (Follow-up Letter)

Ito ang liham na ipinadadala upang alamin ang kalagayan ng liham na naipadala na, subalit hindi nabibigyan ng tugon. Nagsisilbi itong paalaala upang bigyang-aksiyon ang naunang liham.

Ang uri ng liham na nararapat subaybayan ay ang liham kahilingan, paanyaya; at maging ang pag-aaplay o pamamasukan sa trabaho.. Sa pagsulat, magalang na banggitin sa liham ang petsa at layunin ng naunang komunikasyon.

Liham Pagbibitiw (Letter of Resignation)

Liham na nagsasaad ng pagbibitiw ng isang kawaning nagpasiyang huminto o umalis sa pagtatrabaho bunga ng isang mabigat at mapanghahawakang kadahilanan.

Kinakailangan ditong mailahad nang maayos at mabisa ang dahilan ng pagbibitiw sapagkat nasa anyo at himig ng pananalita ng nagbibitiw ang larawan ng kanyang pagkatao. Hinihingi rito ang marangal na pagpapahayag. Dapat iwasan ang panunuligsa sa tanggapan o sa mga pinuno at tauhan ng opisinang nililisan.

Liham Kahilingan ng Mapapasukan/Aplikasyon (Letter of Application)

Ang sinumang nagnanais na makapaglingkod sa isang tanggapan ay kailangang magpadala o magharap ng liham kahilingan. Ang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga ideya at tuwirang pananalita na nakapaloob sa nilalaman ng liham ay nakahihikayat ng magandang impresyon. Tukuyin ang posisyong inaaplayan at kahandaan ng pakikipanayam anumang oras na kinakailangan.

Liham Paghirang (Appointment Letter)

Ito ay isang liham na nagtatalaga sa isang kawani sa pagganap ng tungkulin, pagbabago/paggalaw (movement) ng katungkulan sa isang tanggapan, o promosyon (promotion) para sa kabutihan ng paglilingkod sa tanggapan.

Isinasaad sa liham ang dahilan ng pagkahirang at ang pag-asang magagampanan ang tungkuling inaatas sa kanya nang buong kahusayan.

Liham Pagpapakilala (Letter of Introduction)

Liham ito na himig-personal na nagpapakilala sa isang taong nagsasadya sa isang tanggapan upang lalo siyang makilala ng kakausaping opisyal kaugnay ng anumang transaksiyon.

Liham Pagkambas (Canvass Letter)

Ang liham na ito ay nagsasaad ng kahilingan ng sumusunod: (a) halaga ng bagay/aytem na nais bilhin, (b) serbisyo (janitorial services, security services, catering services, venue/function halls, at iba pa) ng isang tanggapan.

Nagsisilbing batayan ito sa pagpili ng pinakamababang halaga ng bilihin at serbisyong pipiliin.

Liham Pagtatanong (Letter of Inquiry)

Liham ito na nangangailangan ng tuwirang sagot sa nais malaman hinggil sa mga opisyal na impormasyon o paliwanag.

Liham Pakikidalamhati (Letter of Condolence)

Liham ito na ipinadadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na naulila.

Nagpapahayag ito ng pakikiisa sa damdamin subalit hindi dapat palubhain ang kalungkutan ng mga naulila. Nararapat itong ipadala agad matapos mabatid ang pagkamatay ng isang tao.

Liham Pakikiramay (Letter of Sympathy)

Liham ito na ipinadadala sa mga kaopisina, kaibigan, kakilala, kamag-anak na nakaranas ng sakuna o masamang kapalaran, tulad ng pagkakasakit, bagyo, lndol, baha, sunog, aksidente o anupamang sakuna ngunit buhay pa. Nilalaman ng liham ang lubos na pakikiramay sa sinapit na sakuna at ang tulong na nais ipaabot ng tanggapan sa biktima. Nararapat na maipadala agad ito sa kinauukulan matapos mabatid ang pangyayari.

Liham Panawagan (Letter of Appeal)

Liham ito na nagsasaad ng kahilingan, kooperasyon, pakiusap para sa pagpapatupad o implementasyon ng kautusan, kapasiyahan, at pagsusog/amyenda ng patakaran.

Liham Pagpapatunay (Letter of Certification)

Ito ay uri ng liham na nagpapatunay na ang isang empleyado o tauhan sa tanggapan ay nagtungo at/o dumalo sa isang gawaing opisyal sa isang partikular na lugar at petsa na kung kailan ito isinagawa, Nilalagdaan ito ng puno ng tanggapan, tagamasid pampurok, puno ng rehiyon.