Ang posisyong papel ay mahalagang gawaing pasulat na nililinang sa akademikong pagsulat. Isa itong sanaysay na naglalahad ng opinyon na naninindigan hinggil sa isang mahalagang isyu patungkol sa batas, akademiya, politika, at iba pang mga larangan. Karaniwang isinusulat ang isang posisyong papel sa paraang mapanghimok sa mambabasa upang maunawaan at sang- ayunan nito ang paninindigan ng nagsulat hinggil sa isyung pinaksa.
Sa mag-aaral, isang mabuting pagsasanay ang pagbuo ng posisyong papel sa pagpapatibay ng paninindigan o pagbuo muna ng paninindigan. Isang proseso rin ang pagbuo nito ng pagpapahusay sa paglalahad ng mga suportang ideya, pagtitimbang ng opinyon at katotohanan, at pagsanggi sa mga antitheses o sumasangging mga ideya mula sa paninindigan ng mga mag-aaral pang magdepensa.
Layunin ng posisyong papel na mahikayat ang mga mambabasa na magkaroon ng kamulatan sa argumentong inihahain sa kanila. Ang mga posisyong papel ay karaniwang isinusulat mula sa pinakasimpleng format tulad ng letter to the editor hanggang sa pinakakomplikadong academic position paper. Maaaring isagawa ang pagsulat ng posisyong papel ayon sa isyung ipinaglalaban ng isang indibidwal o organisason upang maiparating ang kanilang mga opinyon at paniniwala o rekomendasyon ukol sa isyu.
Ang mga posisyong papel ay mainam sa mga kontekstong nangangailangan ng detalyadong impormasyon upang lubos na maintindihan ang pananaw ng isa pang tao. Ito ay karaniwang ginagamit sa pampolitikong kampanya, mga organisasyon ng gobyerno, sa mundo ng diplomasya, at mga hakbang na naglalayong baguhin ang mga pagpapahalaga ng komunidad at organizational branding o imahen ng isang samahan o institusyon.
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Posisyong Papel (Malayang Salin sa Fllipino ng “How to Write a Position Paper” ni Grace Fleming)
1. Pagpili ng Paksa Batay sa Interes
Pumili ng paksa ayon sa iyong interes upang mapadali ang pagpapatibay ng iyong paninindigan o posisyon. Kinakailangan ang ganito upang sa kabila ng pagiging mahirap ng pagsulat ay hindi ka mawalan ng gana o panghinaan ng loob dahil gusto mo ang iyong paksa. Mas malawak din ang nagagawang pananaliksik ng mga datos, opinyon, estadistika, at iba pang mga anyo ng mga katibayan kapag nasa iyong interes ang paksa dahil nagiging mas bukas ang isipan sa mga bagong ideya.
2. Magsagawa ng Paunang Pananaliksik
Ang paunang pananaliksik ay kinakailangan upang matukoy kung ang katibayan ay magagamit upang suportahan ang iyong paninindigan. Maaaring gumamit ng mga datos mula sa Internet, ngunit tiyaking magmumula ito sa mga mapagkakatiwalaang web site, tulad ng mga educational site (.edu) ng mga institusyong akademiko at pampananaliksik at mga site ng gobyerno (.gov), upang mahanap ang mga propesyonal na pag-aaral at mga estadistika. Mahalaga ring magtungo sa silid-aklatan at gumamitng mga nailathala nang mga pag-aaral patungkol sa iyong paksa.
3. Hamunin ang lyong Sariling Paksa
Kailangang alamin at unawain ang kabaligtarang pananaw bukod pa sa nalalaman mo tungkol sa lyong paksa upang mapagtibay ang iyong kaalaman at paninindigan sa iyong isusulat na posisyong papel. Alamin ang lahat ng posibleng mga hamon na maaari mong makuha bilang suporta sa iyong mga pananaw. Dapat harapin at kilalanin sa iyong posisyong papel ang mga kasalungat na posisyon at gumamit ng mga kontra-argumento (datos, opinyon, estadistika, at iba pa) upang pahinain ang tindig ng mga ito.
Sa kadahilanang ito, dapat mong maisa-isa ang mga argumento para sa mga kasalungat na posisyon, ilahad ang mga argumentong ito sa isang obhetibong paraan, at tukuyin kung bakit hindi tumpak ang mga ito.
Makatutulong din ang pagguhit ng. isang linya sa gitna ng isang pirasong papel, ilista ang iyong mga punto na sang-ayon sa iyong posisyon sa isang bahagi at mga kasalungat na punto naman sa kabilang bahagi. Pagkatapos ay tayain kung anong posisyon ba talaga ang mas mahusay.
4. Magpatuloy Upang Mangolekta ng Sumusuportang Katibayan
Matapos matukoy na ang iyong posisyon ay makatitindig na at ang kasalungat na posisyon (sa iyong opinyon) ay mas mahina kaysa sa iyong sariling posisyon, ikaw ay handa na sa iyong pananaliksik. Pumunta sa aklatan at maghanap ng mas maraming mapagkukunan ng datos.
Maaari ding magsama ng opinyon ng isang dalubhasa o eksperto sa paksa (tulad ng mga doktor, abogado, o propesor). Gayundin ng mga personal na karanasan mula sa isang kaibigan o miyembro ng pamilya, personal na salaysay ng ibang tao, at iba pa na maaaring makaantig sa damdamin ng mambabasa.
5. Lumikha ng Balangkas (Outline)
Narito ang isang halimbawa kung paano babalangkasin ang isang posisyong papel:
a. Ipakilala ang iyong paksa gamit ang maikling paglalahad ng pangkaligirang impormasyon (background information). Gumawa ng pahayag ng tesis na iginigiit ang iyong posisyon.
b. Itala ang mga posibleng kasalungat na pananaw ng iyong posisyon.
c. Ipakita rin ang mga sumusuportang punto ng mga kasalungat na pananaw ng iyong posisyon.
d. Pangatwiranang pinakamahusay at nakatatayo pa rin ang iyong posisyon sa kabila ng mga inilahad na mga kontra-argumento (sa b at c).
e. Ibuod ang iyong argumento at muling igiit ang iyong posisyon.
Sa pagsulat ng posisyong papel, ipahayag ang iyong opinyon nang may paninindigan at kasinupan sa impormasyon. Maging matatag sa paninindigan, subalit panatilihin ang pagiging magalang. Iparating ang iyong mga punto at patunayan ang mga ito gamit ang mga ebidensiya.