Ang paggamit ng wika sa pakikipagtalastasan ay nangangahulugan ng pagsasama-sama at pag-uugnay ng mga pangungusap upang makabuo ng makabuluhang pahayag. Maaaring ang mga pahayag ay naipapamalas sa ugnayan ng dalawa o higit pang taong nag-uusap. Maaaring magpahayag din nang mag-isa, gaya sa mga interbyu, talumpati, o pagkukuwento. Samakatuwid, ang mataas na kasanayan sa wika ng isang tao ay pinatutunayan din sa kaniyang kapasidad na makilahok sa mga kumbersasyon at makalikha ng mga naratibo.
Ano ang Kakayahang Diskorsal?
Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010), ang diskurso ay nangangahulugan ng “pag-uusap at palitan ng kuro”. Mula rito, mahihinuha na ang kakayahang diskorsal ay tumutukoy sa kakayahang umunawa at makapagpahayag sa isang tiyak na wika.
Dalawa sa karaniwang uri ng kakayahang diskorsal ay ang kakayahang tekstuwal at ang kakayahang retorikal. Tumutukoy ang kakayahang tekstuwal sa kahusayan ng isang indibidwal sa pagbasa at pag-unawa ng ibang teksto gaya ng mga akdang pampanitikan, gabay instruksiyonal, transkripsiyon, at iba pang pasulat na komunikasyon. Sa kabilang banda, ang kakayahang retorikal ay tumutukoy naman sa kahusayan ng isang indibidwal na makibahagi sa kumbersasyon. Kasama rito ang kakayahang unawain ang iba’t ibang tagapagsalita at makapagbigay ng mga pananaw o opinyon.
Kung ang isang bisita sa programang pantelebisyon ay sumasagot lamang nang paisa-isang salita sa mga tanong ng tagapanayam, mahuhusgahan siyang mahina sa kakayahang diskorsal, partikular sa kakayahang retorikal, at malamang ay hindi na muling maimbitahan. Gayundin naman, ang isang taong hindi binibigyan ng pagkakataon ang iba na magsalita o palagiang nagpapahayag hinggil sa paksang taliwas sa pinag-uusapan ay masasabi ring may suliranin sa ganitong kakayahan. Ayon kay Grice (1957, 1975; sipi kay Hoff 2001), may dalawang batayang panuntunan sa pakikipagtalastasan. Ang unang tuntunin ay ang pagkilala sa pagpapalitan ng pahayag. Ang ikalawa naman ay ang pakikiisa, na kinapapalooban ng mga panuntunan hinggil sa kantidad, kalidad, relasyon, at paraan ng kumbersasyon:
Panuntunan sa Kumbersasyon (Grice 1957, 1975)
Sa pagtamo ng mataas na kakayahang diskorsal, mahalagang sangkap sa paglikha ng mga pahayag ang kaugnayan at kaisahan. Ang kaugnayan ay tumutukoy sa kung paano napagdidikit ang kahulugan ng mga pangungusap o pahayag sa paraang pasalita o pasulat. Tingnan ang halimbawa:
A: Ang kalat naman dito!
B: Aayusin ko lang ang mga libro.
Mapapansin sa senaryo na walang pang-ugnay na gramatikal o leksikal ang mga pahayag. Gayunman, ang palitan ng pahayag ay may kaugnayan dahil naunawaan ni B ang pagkadismaya ni A at mula rito ay tumugon nang nararapat.
Tumutukoy ang kaisahan sa kung paano napagdidikit ang dalawang ideya sa lingguwistikong paraan. Nakapaloob dito ang paggamit ng mga panghalip (halimbawa: siya, sila, ito) bilang panghalili sa mga natukoy na sa simula ng pahayag at pagdaragdag ng mga kataga, panuring, at kumplemento upang pahabain ang mga pangungusap. Gayundin, maaari ding pagtambalin ang mga payak na pangungusap o sugnay.
Pagpapahaba sa Pangungusap
Pagpapahaba sa pamamagitan ng kataga – napahahaba ang pangungusap sa pamamagitan ng mga katagang gaya ng pa, ba, naman, nga, pala, at iba pa.
Halimbawa:
- May ulam.
- May ulam ba?
- May ulam pa.
- May ulam pa ba?
- May ulam pa nga pala.
- May ulam naman pala.
Pagpapahaba sa pamamagitan ng panuring – napahahaba ang pangungusap sa tulong ng mga panuring na na at ng.
Halimbawa:
- Siya ay anak.
- Siya ay anak na babae.
- Siya ay anak na bunsong babae.
Pagpapahaba sa pamamagitan ng komplemento – napahahaba ang pangungusap sa pamamagitan ng komplemento o ang bahagi ng panaguri na nagbibigay ng kahulugan sa pandiwa. Ang iba’t ibang uri ng komplemento ng pandiwa ay tagaganap, tagatanggap, ganapan, dahilan o sanhi, layon, at kagamitan.
Komplementong tagaganap – isinasaad ang gumagawa ng kilos. Pinangungunahan ng panandang ng, ni, at panghalip.
Halimbawa:
- Ibinalot ni Jay ang mga tirang pagkain.
- Ibinalot niya ang mga tirang pagkain.
- Ibinalot ng kaniyang kaibigan ang mga tirang pagkain.
Komplementong tagatanggap – isinasaad kung sino ang nakikinabang sa kilos. Pinangungunahan ng mga pang-ukol na para sa, para kay, at para kina.
Halimbawa:
- Naghanda ng regalo si Thea para sa kaniyang kapatid.
- Bumili ng laruan si Bryan para kay Jaye.
- Nagpaluto ng pansit si Will para kina Eugene at Elyrah.
Komplementong ganapan – isinasaad ang pinangyarihan ng kilos. Pinangungunahan ng panandang sa at mga panghalili nito.
Halimbawa:
- Namalagi sila sa evacuation area.
- Namalagi sila rito.
- Namalagi sila roon.
Komplementong sanhi – isinasaad ang dahilan ng pangyayari o ng kilos. Pinangungunahan ng panandang dahil sa o kay at mga panghalili nito.
Halimbawa:
- Nabaon sa utang si Delia dahil sa pagkakalulong sa sugal.
- Dahil kay Alvin, naparusahan ni Michelle.
Komplementong layon – isinasaad ang bagay na ipinahahayag ng pandiwa. Pinangungunahan ng panandang ng.
Halimbawa:
- Regular na umiinom ng gamot ang aking lola.
- Naglalako ng turon si Aling Pising tuwing hapon.
Komplementong kagamitan – isinasaad ang instrumentong ginamit upang maisakatuparan ang kilos. Pinangungunahan ng pariralang sa pamamagitan ng at mga panghalili nito.
Halimbawa:
- Sa pamamagitan ng Internet, napapabilis ang pagkuha ng impormasyon.
- Magkakasundo lamang Gila sa pamamagitan mo.
Pagpapahaba sa pamamagitan ng pagtatambal – napagtatambal ang dalawang payak na pangungusap sa pamamagitan ng mga pangatnig na at, ngunit, datapwat, subalit, saka, at iba pa. Ang mabubuong pangungusap ay tinatawag na tambalang pangungusap.
Halimbawa:
- Nagtatrabaho sa pabrika ang kaniyang tatay at nagtitinda sa palengke ang kaniyang nanay.
- Matagal siyang mag-aral ng aralin subalit tiyak namang matataas ang kaniyang marka sa mga pagsusulit.