Kakayahang Lingguwistiko

  • Post last modified:November 12, 2024

Simula sa unang baitang sa paaralan, hinahasa na ang mga mag-aaral sa iba’t ibang pagsasanay sa gramatika tungo sa pagbubuo ng mahuhusay na pangungusap, talata, at pahayag. Ang ganitong mga aralin ay bahagi ng paglilinang sa kakayahang lingguwistiko ng isang tao.

Ano ang Kakayahang Lingguwistiko?

Tumutukoy ang kakayahang lingguwistiko sa abilidad ng isang tao na makabuo at makaunawa ng maayos at makabuluhang pangungusap. Pinag-iiba ng mga lingguwista at mananaliksik sa wika ng bata ang nasabing kakayahan sa tinatawag na kakayahang komunikatibo, na nangangahulugan namang abilidad sa angkop na paggamit ng mga pangungusap batay sa hinihingi ng isang interaksiyong sosyal (Hymes 1972).

Sa pananaw ng lingguwistang si Noam Chomsky (1965), ang kakayahang lingguwistiko ay isang ideal na sistema ng di-malay o likas na kaalaman ng tao hinggil sa gramatika na nagbibigay sa kaniya ng kapasidad na gumamit at makaunawa ng wika. Pumapaloob dito ang kaalaman ng tao na pag-ugnayin ang tunog o mga tunog at kahulugan nito. Iba ito sa isinasaad ng lingguwistikong pagtatanghal (linguistic performance) o ang aplikasyon ng sistema ng kaalaman sa pagsusulat o pagsasalita.

Hindi maipaghahambing ang kakayahang lingguwistiko at lingguwistikong pagtatanghal dahil ang huli ay maaaring kapalooban ng mga interferensiya o sagabal. Halimbawa, ang pagkautal ng isang tagapagsalita habang nagbibigay ng talumpati ay hindi masasabing kawalan o kakulangan sa kakayahang lingguwistiko. Maaaring ito ay dulot ng kaniyang kaba na maituturing na sagabal sa kaniyang lingguwistikong pagtatanghal. Kinakailangang sanayin ng isang tao ang kaniyang kakayahang komunikatibo upang mapagtagumpayan ang mga sagabal na ito na nagsisilbing puwang sa kaniyang pag-unawa at aksiyon.

Kakayahang Lingguwistiko sa Wikang Filipino

Kakabit ng kakayahang lingguwistiko ng Pilipino ang wastong pagsunod sa tuntunin ng balarilang Filipino. Sa kasaysayan, dumaan na sa maraming pagbabago at reoryentasyon ang ating wikang pambansa na nagbunga ng pagbabago sa matandang balarila. Tinukoy nina Santiago (1977) at Tiangco (2003) ang sampung bahagi ng pananalita sa makabagong gramatika na napapangkat sa sumusunod:

Mga Salitang Pangnilalaman

  • Mga nominal
    • Pangngalan – nagsasaad ng pangalan ng tao, hayop, bagay, pook, katangian, pangyayari, at iba pa
    • Panghalip – pamalit o panghalili sa pangngalan
  • Pandiwa – nagsasaad ng kilos o nagbibigay-buhay sa pangkat ng mga salita
  • Mga panuring
    • Pang-uri – nagbibigay-turing o naglalarawan sa pangngalan at panghalip
    • Pang-abay – nagbibigay-turing o naglalarawan sa pandiwa, pang-uri, at kapuwa pang-abay

Mga Salitang Pangkayarian

  • Mga Pang-ugnay
    • Pangatnig – nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, o sugnay (halimbawa: at, pati, ni, subalit, ngunit)
    • Pang-angkop – katagang nag-uugnay sa panuring at salitang tinuturingan (halimbawa: na, -ng)
    • Pang-ukol – nag-uugnay sa isang pangngalan sa iba pang salita (halimbawa: sa, ng)
  • Mga Pananda
    • Pantukoy – salitang laging nangunguna sa pangngalan o panghalip (halimbawa: si, ang, ang mga)
    • Pangawing o Pangawil – salitang nagkakawing ng paksa o simuno at panaguri (halimbawa: ay)

Bukod sa mga bahagi ng pananalita, mahalagang matutuhan din ang wastong palabaybayan o ortograpiya ng wikang Filipino. Mula sa mga naunang gabay sa ortograpiya (1976, 1987, 2001, 2009), inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang 2014 edisyon ng Ortograpiyang Pambansa. Tunghayan natin ang ilang tuntunin sa pagbaybay na pasalita at pasulat:

Pasalitang Pagbaybay

Paletra ang pasalitang pagbaybay sa wikang Filipino na nakaayon sa tunog-Ingles ng mga titik, maliban sa (enye) na tunog-Espanyol. Ibig sabihin, isa-isang binibigkas sa maayos na pagkakasunod-sunod ang mga titik na bumubuo sa isang salita, pantig, daglat, inisyal, akronim, simbolong pang-agham, at iba pa.

Pasulat na Pagbaybay

Narito naman ang ilang tuntunin sa pagbaybay ng mga salita, partikular sa paggamit ng walong dagdag na titik (c, f, j, ñ, q, v, x, z) para sa:

  • Pagpapanatili ng mga kahawig na tunog sa pagsulat ng mga salita mula sa mga katutubong wika sa Pilipinas.
    Halimbawa:
    • palavvun (Ibanag) bugtong
    • kazzing (Itawes) kambing
    • jambangan (Tausug) halaman
    • safot (Ibaloy) sapot ng gagamba
    • masjid (Tausug, Meranaw) gusaling sambahan ng mga Muslim
  • Mga bagong hiram na salita sa mga wikang banyaga. Ang mga dating hiram na salitang lumaganap na sa baybay na ayon sa abakada ay hindi na saklaw ng panuntunang ito.
    Halimbawa:
    • selfie
    • digital detox
  • Mga pangngalang pantangi na hiram sa wikang banyaga, katawagang siyentipiko at teknikal, at mga salitang mahirap na dagliang ireispel.
    Halimbawa:
    • Jason
    • zeitgeist
    • cauliflower
    • Mexico
    • quorum
    • bouquet
    • Nueva Vizcaya
    • valence
    • flores de mayo

Bukod sa pagbaybay, pansinin natin ang mga tuntunin hinggil sa (1) pagpapalit ng D tungo sa R; (2) paggamit ng “ng” at “nang”; at (3) wastong gamit ng gitling, na kadalasang ipinagkakamali sa pagsulat:

  • Sa kaso ng din/rin, daw/raw, ang D ay napapalitan ng R kung ang sinusundan nitong salita ay nagtatapos sa patinig o sa malapatinig na W at Y (halimbawa: malaya rin, mababaw raw). Nanatili ito sa D kung sa katinig naman nagtatapos ang sinusundang salita (halimbawa: aalis din, malalim daw). Gayundin, nananatili ang D kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa -ra, -ri, -raw, o -ray (halimbawa: maaari din, araw-araw daw).
  • May limang tiyak na paggamit ng nang:
    • bilang kasingkahulugan ng noong (halimbawa: “Nang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, kaagad silang nagpatayo ng mga paaralan.”)
    • bilang kasingkahulugan ng upang o para (halimbawa: “Ikinulong ni Ana ang aso nang hindi na ito makakagat pa.”)
    • katumbas ng pinagsamang na at ng (halimbawa: “Malapit nang makauwi ang kaniyang tatay mula sa Saudi Arabia.”)
    • pagtukoy sa pang-abay na pamaraan at pang-abay na panggaano (halimbawa: “Iniabot nang palihim ni Carl ang liham kay Christine.” “Tumaas nang sobra ang presyo ng langis.”)
    • bilang pang-angkop ng inuulit na salita (halimbawa: “Pabilis nang pabilis ang ikot ng elisi ng eroplano.”) Maliban sa limang ito, sa ibang pagkakataon ay kailangang gamitin ang ng.

Wastong Gamit ng Gitling (-):

  • Sa inuulit na salita, ganap man o hindi
    Halimbawa: araw-araw, gabi-gabi, para-paraan
  • Sa isahang pantig na tunog o onomatopeya
    Halimbawa: tik-tak, brum-brum
  • Sa paghihiwalay ng katinig at patinig
    Halimbawa: pag-aaral, mag-asawa
  • Sa paghihiwalay sa sinusundang pangngalang pantangi
    Halimbawa: pa-Marikina, maka-Pilipino
  • Sa paghihiwalay sa sinusundang banyagang salita na nasa orihinal na baybay
    Halimbawa: mag-compute, pa-encode
  • Sa pantig na may kakaibang bigat sa pagbigkas, partikular sa sinaunang Tagalog at sa iba pang wika sa Pilipinas
    Halimbawa: gab-i, mus-ing, lab-ong
  • Sa bagong tambalang salita
    Halimbawa: lipat-bahay, amoy-pawis
  • Sa paghihiwalay ng numero sa oras at petsang may “ika-”
    Halimbawa: ika-12 ng tanghali, ika-23 ng Mayo
  • Sa pagbilang ng oras, numero man o salita, na ikinakabit sa “alas-”
    Halimbawa: alas-2 ng hapon, alas-dos ng hapon
  • Sa kasunod ng “de”
    Halimbawa: de-lata, de-kolor
  • Sa kasunod ng “di”
    Halimbawa: di-mahawakan, di-kalakihan
  • Sa apelyido ng babaeng nag-asawa upang maipakita ang orihinal na apelyido noong dalaga pa
    Halimbawa: Genoveva Edroza-Matute