Kakayahang Sosyolingguwistiko

  • Post last modified:November 5, 2024

Paano ka nakikipag-usap sa iyong magulang, guro, at iba pang nakatatanda? Katulad lamang ba ito ng pakikipag-usap mo sa iyong mga kaibigan at kaklase? Sa lahat ba ng lugar at pagkakataon ay malaya kang magsalita ng anumang nais mong sabihin, o may mga sitwasyong nangangailangan ng pagtitimpi? Ang mga tanong na ito, at marami pang iba, ang siyang isasaalang-alang natin sa paglilinang ng kakayahang sosyolingguwistiko.

Ano ang Kakayahang Sosyolingguwistiko?

Tinutukoy ng kakayahang sosyolingguwistiko ang kakayahang gamitin ang wika nang may naaangkop na panlipunang pagpapakahulugan para sa isang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon. Halimbawa, inaasahan sa atin ang paggamit ng pormal na wika (halimbawa: “Magandang araw po! Kumusta po kayo?”) sa pakikipag-ugnayan sa mga nakatatanda at may awtoridad, kaiba sa paggamit natin ng impormal na wika (halimbawa: “Uy! Kumusta ka naman?”) sa ating mga kaibigan at kapareho ng estado.

Kadalasan, para sa mga taal na tagapagsalita ng isang wika (halimbawa, ang mga taong Tagalog ang unang wika ay tinatawag na taal na tagapagsalita ng Tagalog), nagiging natural lamang o hindi na kailangang pag-isipan ang paggamit ng naaangkop na pahayag ayon sa sitwasyon. Gayunman, para sa hindi taal na tagapagsalita, dapat niyang matutuhan kung paano “lumikha at umunawa ng wika sa iba’t ibang sosyolingguwistikong konteksto, na may pagsasaalang-alang sa mga salik gaya ng estado ng kausap, layunin ng interaksiyon, at itinatakdang kumbensiyon ng interaksiyon” (Freeman at Freeman, 2004).

Nilinaw ng sosyolingguwistang si Dell Hymes (1974) ang nasabing mahahalagang salik ng lingguwistikong interaksiyon gamit ang kaniyang modelong SPEAKING:

Nakapaloob ang modelong nasa itaas sa tinatawag ni Hymes na etnograpiya ng komunikasyon. Ang salitang etnograpiya ay nangangahulugang sistematikong pag-aaral sa tao at kultura sa pamamagitan ng personal na pagdanas at pakikipag-ugnayan sa mga kalahok sa kanilang natural na kapaligiran. Kung ilalapat ito sa komunikasyon, sinasabi na ang pag-aaral sa wika ay nararapat na nakatuon sa paglalarawan at pagsusuri sa kakayahan ng tagapagsalita na gamitin ang wika sa tunay na sitwasyon (Farah, 1998). Isang kahingian, kung gayon, na pahalagahan ang mga salik na nababanggit sa modelong SPEAKING tungo sa mas maayos at mabisang komunikasyon sa tiyak na konteksto.

Pagkilala sa Mga Varayti ng Wika

Bahagi ng kakayahang sosyolingguwistiko ang pagkilala sa mga pagbabago sa wika at ang pag-aangkop ng gamit nito ayon sa lunan at sitwasyon. Sa mga naunang aralin ay natalakay na natin ang mga varayti ng wika. Ang mga varayti na ito ay nagpapahiwatig ng:

  • pormalidad at impormalidad ng sitwasyon – maaaring maging pormal o impormal ang pananalita depende sa kung sino ang kinakausap;
  • ugnayan ng mga tagapagsalita – may pagkakapareho sa paraan ng pagsasalita ang mga magkakaibigan. Nailalangkap din nila ang mga biruan at pahiwatig na hindi mauunawaan ng hindi kabilang sa kanilang grupo;
  • pagkakakilanlang etniko at pagkakapaloob sa isang pangkat – gumagamit ng lokal na wika at/o diyalekto sa kausap na nagmula sa kaparehong bayan ng tagapagsalita; at
  • awtoridad at ugnayang pangkapangyarihan – tinitiyak ang pormalidad at kaangkupan ng salita sa harap ng guro, magulang, at iba pang nakatatanda at may awtoridad.

Batay sa mga sosyolingguwistikong teorya, ang pagbabago sa wika ay dulot din ng pamamalagay rito bilang panlipunang penomenon. Ibig sabihin, nagkakaroon ng kabuluhan ang anumang salita o pahayag ng indibidwal kung ito ay nailulugar sa loob ng lipunan at itinatalastas sa kausap o grupo ng mga tao. Sa ganitong kalagayan ay nakabubuo ng iba’t ibang konteksto ng paggamit sa wika dulot na rin ng paglahok ng mga tao na may iba’t ibang gawain, papel, interes, at saloobin sa proseso ng komunikasyon. Kaya naman, masasabing katangian din ng wika ang pagiging heterogeneous o pagkakaroon ng iba’t ibang anyo bunga ng lokasyong heograpiko, pandarayuhan, sosyo-ekonomiko, politikal, at edukasyonal na kaangkinan ng partikular na komunidad na gumagamit ng wika (Constantino, 2002).

Bilang halimbawa, pansinin ang humigit-kumulang na anyo ng diyalektong Cebuano-Filipino, dulot ng hindi pag-uulit ng pantig gaya ng Tagalog at hindi paggamit ng panlaping “um” na hinahalinhan ng panlaping “ma-”:

“Huwag kang magsali sa laro.”
“Madali ang pagturo ng Filipino.”

Dahil ang Cebuano (o Sugbuanong Binisaya) ay isang tiyak na wikang nagsisilbing unang wika ng tagapagsalita sa mga halimbawa sa itaas, nakaiimpluwensiya ito sa kaniyang pagkatuto at pagsasalita ng pambansang wikang Filipino. Ito ang tinatawag na interference phenomenon na siyang lumilikha ng iba pang natatanging varayti ng Filipino—Ilokano-Filipino, Bikolnon-Filipino, Kapampangan-Filipino, Hiligaynon-Filipino, at iba pa. Dahil din sa kaalaman sa mga wika, sa proseso ay nababago ng tagapagsalita ang gramatika sa pamamagitan ng pagdaragdag, pagbabawas, at pagbabago ng alituntunin (Constantino, 2002). Kilala ito bilang interlanguage o mental grammar ng tao. Halimbawa nito ang mga salitang gaya ng mailing, presidentiable, at senatoriable na hindi matatagpuan sa “standard” na Ingles.

Mahalagang maunawaan na ang ganitong varayti ng Filipino ay hindi maituturing na pagkakamali. Sa pananaw ng sosyo-sikolohistang si William Labov, na siyang nagtaguyod ng variability concept, likas na pangyayari ang pagkakaiba-iba ng anyo at pagkakaroon ng mga varayti ng isang wika. Kung gayon, nararapat kilalanin ang pagkakapantay-pantay ng mga varayti—walang maituturing na mataas o mababang anyo ng wika. At sa kaso ng wikang Filipino, nangangahulugan itong lahat tayo ay may gampanin sa pagpapaunlad ng ating wika bilang isang bansang may sariling pagkakakilanlan.