Katulad mo, may interes din si Jose sa pagsusulat, ngunit aminado siyang kahinaan niya ang pagsulat ng tula. Madali sa kaniya ang pagsulat ng kuwento at sanaysay, ngunit hirap siya sa pagtula. Para kasi sa kaniya, napakalaki at napakabigat ng responsibilidad ng isang makatang ang midyum o instrumento sa paglikha ay salita. Napanghihinaan siya ng loob dahil sa pananaw na hindi mahihigitan (o mapapantayan man lamang) ng salita ang mundong kinakatawan nito. Gaano man katiyak, katotoo, at karikit ang lengguwahe, lagi itong kabawasan sa inilalarawang realidad. Sa pamamahayag, hindi ito gaanong problema dahil ang ibinabalita lamang ng reporter ay ang halaga ng pangyayari, hindi ang pangyayari mismo.
Ngunit alam naman natin na ang mga salita ay hindi ang mundo kundi ang representasyon lamang nito. Ang tungkulin ng makata ay gamitin ang salita upang paigtingin ang pandama ng mga mambabasa at danasin ang mga damdamin ng tula. Tungkulin niyang bigyan ng bagong pananaw ang mga mambabasa tungkol sa kanilang sarili at sa ginagalawang lipunan.
Katulad ng ilang kasanayan, ang pagsulat ng tula ay naaaral at nahahasa. Hindi kailangang may talento upang makapagsulat nito. Maraming may talento, ngunit sinasayang ito dahil sa katamaran, pagdududa sa sarili, pagbibisyo, at iba pa. Ang susi sa pagsulat ng tula ay tiyaga, pagsasanay, at kagustuhang matuto. Isang usapin naman kung kailangan ng talento sa pagsulat ng “mahusay” na tula. Ang tula ay nalilikha gamit ang ilang partikular na set ng kasanayan na kapag nagamit nang maayos ay nakalilikha ng mahusay na tula. Ang totoo, ang pagtula ay higit pa rito. Ngunit katulad ni Jose, kailangang magsimula sa kung saan at ang modyul na ito ay makatutulong sa pag-aaral sa pagsulat ng tula.
1. Taludtod
Ang taludtod ay pangkat ng mga salitang inayos sa isang linya. Maaaring organisahin ang mga ito upang magkaroon ng tiyak na bilang ng pantig o upang magtugma ang mga huling salitang kabilang sa mga taludtod. Halimbawa nito ang Bituin at Panganorin ni Jose Corazon de Jesus, kilala rin bilang Huseng Batute.
Bituin at Panganorin
ni Jose Corazon de Jesus
Ako’y nagsapanganorin upang ikaw’y makausap
At sa pisngi niyong langit ang dilim ko’y inilatag;
Ang nais ko’y matakpan ka ng sapot kong mga ulap
At nang yaong pagsikat mo’y ako lang ang makamalas:
Bituin kang sakdal gandang hatinggabi kung sumilang
Na Buwan ang iyong ina at ang ama’y yaong Araw,
Ang Araw na iyong ama nang malubog sa kanluran
Ay nagsabi sa palad kong huwag kitang lalapitan…
Ako nama’y sumang-ayon dapwa’t ako’y Panganorin
Na talagang hatinggabi kung lumapit sa Bituin,
Kaya ikaw, Bituin ko’y nasuyo ko’t naging akin…
Liwanag mo at dilim ko’y magdamag ding naghalikan,
Ngunit tayo’y inumagal… Akong dilim ay naparam
At natakot sa ama mong nandidilat sa silangan!
Maaari ding walang tiyak na bilang ng pantig o walang tugmaan sa mga taludtod. Hindi rin kailangang magsisinghaba ang mga taludtod. May mga makatang nalilimitahan sa porma kaya hinahayaan nilang ang nilalaman ng tula ang huhulma sa anyo nito.
2. Saknong
Ang saknong ay binubuo ng mga taludtod. Katulad ng taludtod, walang pagtatakda kung gaano kahaba ang isang saknong at hindi kailangang magsisinghaba ang mga saknong sa isang tula. Tinatawag na couplet ang saknong kapag binubuo ito ng dalawang taludtod, tercet kapag tatlo, quatrain kapag apat, quintet kapag lima, sestet kapag anim, at iba pa. Sa tradisyonal na panulaang Filipino, karaniwan ang saknong na may apat na taludtod. Halimbawa nito ang Ale-aleng Namamayong ni Julian Cruz Balmaseda.
Ginagamit ang saknong upang ayusin ang magkakaugnay na ideya, imahen, o tono. Ito ay kahawig ng talata sa kuwento, nobela, o sanaysay na nagpapangkat-pangkat sa mga kaisipan upang maging yunit. Balikan ang tulang Bituin at Panganorin ni Huseng Batute. Ang unang saknong ay binubuo ng walong taludtod at ang ikalawa at ikatlo ay pawang mga tercet. Hindi nakasisira sa balanse ng tula ang paghahati gamit ang saknong, bagkus nakadaragdag ito sa kagandahan at simetriya o wastong pagkakahati ng tula.
3. Sukat
Sa tula, ang sukat ay tumutukoy sa bilang ng pantig sa bawat taludtod. Maaaring magkaroon ito ng walo, labindalawa, labing-anim, o labingwalong pantig. Gumagamit ang mga makata ng mga taludtod na may regular na haba upang magkaroon ng regularidad sa tula. Ang tulang Bituin at Panganorin ay may regular na sukat. Bawat taludtod ay binubuo ng 16 na pantig.
Ako nama’y sumang-ayon dapwa’t ako’y Panganorin | 16 |
Na talagang hatinggabi kung lumapit sa Bituin, | 16 |
Kaya ikaw, Bituin ko’y nasuyo ko’t naging akin . . . | 16 |
May mga makatang hinahayaang ang nilalaman ang magtatakda ng haba ng taludtod kaya iba-iba ang haba ng mga ito. Nangyayari ito sa malayang taludturan. Isang halimbawa nito ang tulang “Ang Kabaong ni Apong Baket” na aking isinulat. Pansinin ang unang saknong ng tula:
Kapag ako’y namatay, | 7 |
Sabi ni Apong Baket | 7 |
Isang hapong | 4 |
Pinayuyuko ng hangin | 8 |
Ang mga puno ng niyog | 8 |
At dinudutdot ng ulan | 8 |
Ang bubong na cogon, | 6 |
Gusto ko ng kumikinang | 8 |
At hugis-pusong kabaong. | 8 |
May ilan ding makata na gumagamit ng mga taludtod na magkakaiba ang haba ngunit may sinusundang padron. Pansinin ang sukat sa unang saknong ng tulang “Sabi Ko na nga Ba” ni Iñigo Ed. Regalado:
Sabi ko na nga ba! | 6 |
Walang kadiliman na di nagliwanag | 12 |
at walang panata | 6 |
na hindi gumitaw sa bunton ng hirap | 12 |
Ang luha at dusa | 6 |
kung mapagtiisan ay nagiging lunas | 12 |
sa isang pag-asa | 6 |
na pinaglaruan ng madlang bagabag. | 12 |
4. Tugmaan
Isa pa sa mahahalagang sangkap ng tula ang tugmaan o ang pagkakapareho ng tunog ng huling pantig sa bawat dulo ng bawat linya, bagaman hindi naman ito kahingian kapag magsusulat ng malayang taludturan. Ngunit kapag nagpasiyang gagamit ng tugmaan, kailangang paigtingin ang pandinig. Tandaang napakahalaga ng tunog sa tula dahil parang lumilikha rito ng musika. Kapag may mali sa pagtutugma ng mga pantig, para na ring lumikha ng sintunadong musika.
Tandaan na katulad ng iba pang anyo ng panitikan at sining, hindi aksidente ang pagkakabuo ng porma ng tula. Sinasadya ng makata ang mga nakikitang inobasyon sa kaniyang tula.
4. Tugmaan
Isa pa sa mahahalagang sangkap ng tula ang tugmaan, o ang pagkakapareho ng tunog ng huling pantig sa bawat dulo ng bawat linya, bagaman hindi naman ito kahingian kapag nagsusulat ng malayang taludturan. Ngunit kapag nagpasiyang gumamit ng tugmaan, kailangang paigtingin ang pandinig. Tandaang napakahalaga ng tunog sa tula dahil parang lumilikha ito ng musika. Kapag may mali sa pagtutugma ng mga pantig, para na ring lumikha ng sintunadong musika.
Tandaan na, katulad ng iba pang anyo ng panitikan at sining, hindi aksidente ang pagkakabuo ng porma ng tula. Sinasadya ng makata ang mga nakikitang inobasyon sa kaniyang tula.
Bago tangkain ang tugmaan, kailangan munang maunawaan ang apat na uri ng pagbigkas sa Filipino: malumay, malumi, mabilis, at maragsa.
- Malumay. Binibigkas ito nang dahan-dahan at may diin sa ikalawang pantig mula sa hulihan (penultima). Maaaring magtapos ang salitang malumay sa patinig o katinig. Ginagamit ang tuldik na pahilis (´). Halimbawa: búnga, áte, dáti, táo, kúya, bákal, gíting, rebólber, dúngaw, kúlay
- Malumi. Katulad ng malumay, ngunit may impit na tunog sa dulo. Palaging nagtatapos sa tunog-patinig. Ginagamit ang tuldik na paiwa (`). Halimbawa: binatà, lupà, malayà, nenè, tiyanggè, dalirì, kawalì, birò, ligò
- Mabilis. Binibigkas ito nang tuloy-tuloy, at ang diin ay nasa huling pantig. Wala itong impit sa dulo. Maaaring magtapos sa patinig o katinig. Ginagamit ang tuldik na pahilis (´) sa huling patinig ng salita. Halimbawa: amá, dalá, dumí, gabí, damó, agád, labág, hibík, bigás, biták
- Maragsa. Katulad ng mabilis ngunit may impit o pasarang tunog sa hulihan. Palaging nagtatapos sa patinig. Ginagamit ang tuldik na pakupya (^). Halimbawa: akdâ, digmâ, tulê, gawî, hapdî, bungô, gintô, yukô
Mga Uri ng Tugmaan
May dalawang pangunahing uri ng tugmaan:
- Tugmaang Patinig – Pinagtutugma ang mga salitang nagtatapos sa patinig. Maaari itong may impit (maragsa at malumi) o walang impit (mabilis at malumay).
- Tugmaang Katinig – Pinagtutugma ang mga salitang nagtatapos sa katinig. Maaari itong:
- Malakas (b, k, d, g, p, s, t, c, f, q, v, x, z)
- Mahina (l, m, n, ng, r, w, y)
Antas ng Tugmaan sa Panulaang Filipino
May apat na antas ng tugmaan:
a. Karaniwan
- Tugmaang Patinig – Dapat na magkatulad ang huling patinig at tunog sa dulo.
Halimbawa:
May Impit
Sa loob at labas ng bayan kong sawî,
Kaliluha’y siyang nangyayaring harî,
Kagalinga’t bait ay nilulugamî,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî.
— Mula sa “Florante at Laura”
Walang Impit
Ang salita nati’y huwad din sa ibá,
Na may alfabeto at sariling létra,
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwá
Ang lunday sa lawa noong dakong úna.
– Mula sa “Sa Aking Mga Kabata”
- Karaniwan (tugmaang katinig). Magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i-e, o, o-u, u, u-o) at tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).
Halimbawa:
Malakas na Tunog
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád,
Sa bait sa muni’t sa hatol ay salát,
Masaklap na bunga ng maling paglingáp,
Habag ng magulang sa irog na anák.
— Mula sa “Florante at Laura”
Mahinang Tunog
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latín,
Sa Ingles, Kastila, at salitang anghél,
Sapagkat ang Poong maalam tumingín
Ang Siyang naggagawad, nagbibigay, sa átin.
– Mula sa “Sa Aking Mga Kabata”
b. Tudlikan
Dapat magkatulad hindi lamang sa dulong tunog kundi pati sa bigkas (malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, atbp.).
Halimbawa:
diwà at wikà (malumi)
salitâ at tulâ (maragsa)
ligáya at parúsa (malumay)
habháb at kintáb (mabilis at malakas ang tunog sa dulo)
gútom at lúsong (malumay at mahina ang tunog sa dulo)
c. Pantigan
Kahingian sa pantigan na pare-pareho ang bigkas at tunog sa dulo ng mga salitang pinagtutugma. Dapat ding parehong-pareho ang dulong katinig-patinig (KP) o patinig-katinig (PK).
Halimbawa:
diwà at awà (malumi at nagtatapos sa KP na wà)
antók at buhók (mabilis at nagtatapos sa PK na ók)
búko at sáko (malumay at nagtatapos sa KP na ko)
talâ at bulâ (maragsa at nagtatapos sa KP na lâ)
d. Dalisay
Sa antas na ito, ang mga sal itang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong PK o KP, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.
Halimbawa:
tuwâ at luwâ | penultima (u) + KP (wâ) |
busóg at lusóg | penultima (u) + KP (óg) |
labáhin at basáhin | penultima (á) + KP (in) |
mulâ at tulâ | penultima (u) + KP (lâ) |
sabóg at kabóg | penultima (á) + KP (óg) |
malayà at madayà | penultima (á) + KP (yà) |
Ayon sa makatang si Michael Coroza (2014), kung susundin ang tradisyon, kailangang gamitin sa buong tula ang padron ng tugmaan sa unang saknong. Ibig sabihin, kapag nagsimula sa quatrain na may isang tugmaan (a-a-a-a), ito rin dapat ang anyo ng iba pang saknong sa tula. Basahin muli ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas.
Ngunit kailangang magkaiba ang tugmaan sa dalawang magkasunod na saknong. Halimbawa, sa dalisay na antas ng tugmaan, kung bóg (sabóg, kabóg, atbp.) ang huling pantig ng bawat linya sa unang saknong, maaaring uwâ (tuwâ, luwâ, atbp.) naman ang huling pantig ng bawat linya sa ikalawang saknong. Ang pagpapalit ng tugmaan ay maaaring indikasyon ng pagpapalit ng saknong. Ginagamit ito upang iwasang maging monotono (o iisa ang tunog sa dulo) ang tula.
Bukod sa padrong a-a-a-a na taglay ng Florante at Laura, may iba pang ginagamit na padron ng tugmaan:
1. Salitang tugma (a-b-a-b)
Halimbawa:
Sabi ko na nga ba! (a)
Walang kadiliman na di nagliwanag (b)
at walang panata (a)
na hindi gumitaw sa bunton ng hirap (b)
– Mula sa “Sabi Ko na nga Ba” ni Inigo Ed Regalado
2. Sunurang tugma (a-a-b-b)
Halimbawa:
Matapos sumilip, pagdaka’y lalabas, (a)
sa dulang kakanan agad haharap; (a)
ang iyong luklukan kung aking mamalas, (b)
dibdib ko’y puputok, paghinga’y banayad. (b)
– Mula sa “Magmula, Giliw, nang Ikaw ay Pumanaw” ni Gregorio de Jesus
3. Inipitang tugma (a-b-b-a)
Halimbawa:
Walang isinuhay kaming iyong anak (a)
sa bagyong masasal ng dalita’t hirap; (b)
iisa ang puso nitong Pilipinas (b)
at ikaw ay di na Ina naming lahat. (a)
– Mula sa “Katapusang Hibik ng Pilipinas” ni Andres Bonifacio
Iba pang Elemento ng Tula
1. Tono
Ang tono ng tula ay tumutukoy sa dam’daming nalilikha ng tula depende sa kung paano pinili at ginamit ang salita; kung paano pinagsama-sama ang mga imahen; at kung ano ang pananaw o saloobin ng manunulat sa paksa (masaya, malungkot, seryoso, mapagbiro, mapangutya, at iba pa). Maaaring magkakaiba ang tono sa bawat saknong o sa iba’t ibang bahagi ng tula. Maaaring ang tono sa unang bahagi ay paghihinagpis at sa bandang huli ay pagiging matatag.
Sa tulang “Bituin at Panganorin” ni Huseng Batute, mararamdaman ang pagnanasa ng ulap sa bituin at ang kaniyang lungkot dahil hindi nito lubos na naaangkin ang bituin. Binibigyang-buhay nito ang potensiyal ng pag-ibig na magtulak sa tao upang gawin ang bawal.
Para sa ilang makata, ang pinakamahalagang elemento ng tula ay ang tunog. Dahil dito, ang tula ay kanilang binibigkas at itinatanghal upang iparinig ang ganda ng himig nito.
2. Kariktan
Ayon kay Lope K. Santos, kung ang sukat at tugma ang panlabas na anyo o mukha ng Mahalagang tula, ang kariktan, kasama ang talinghaga, ang “tunay • Ideya na kaluluwa” (Almario, 2013). Upang makasulat ng taludtod, kailangan umano ang sukat at tugma. Upang makasulat ng tula, kailangan ang kariktan at talinghaga. Sinasabing may sining ng kariktan ang tula kung ang piling-pili at umaangkop sa mabuting panlasa ang mga pananalitang ginamit. Ito ang bahaging espiritwal ng tula dahil pinatitingkad nito “ang antas ng inspirasyong nagpasigla nito. Sinasalamin at inililitaw ang kakayahang pangkaisipan, ang kalidad ng kaisipan, ang pagiging pihikan ng damdamin, ang sigla ng guniguni, ang yaman ng wika, at sa isang salitk ang pinagsanib na kultura ng makata” (Almario, 2013).
3. Imahen
Ang elementong ito ay tumutukoy sa salita at pahayag na nag-iiwan ng kongkreto at malinaw na larawan sa isipan ng mga mambabasa. Sa tulang “Valediction sa Hill Crest” ni Rolando Tinio, malinaw ang mga imaheng nabubuo: ang kasuotan ng persona, ang kaniyang ikinikilos, ang larawan ng kaniyang tinirhan, ang kapaligiran, at ang kaniyang iniisip. Basahin ang unang saknong ng tula:
Pagkacollect ng Railway Express sa aking things
(Deretso na iyon sa barko while I take the plane.)
Inakyat kong muli ang N-311, at dahil dead of winter,
Nakatopcoat at galoshes akong
Nagright-turn sa N wing ng mahabang dilim
(Tunnel yatang aabot hanggang Tundo.)
Kinapa ko ang switch sa hall.
Sa isang pitik, nagshrink ang imaginary tunnel,
Nagparang ataol.— Mula sa “Valediction sa Hill Crest”
4. Persona
Sa simpleng pakahulugan, ang persona ang nagsasalita sa tula. Maaaring matukoy ang katangian ng persona sa diksiyon at sa mga i’maheng ginamit sa tula. Kung minsan, ang tinutukoy ng makata sa kaniyang tula ang nagsasalita o ang may-ari ng boses. May pagkakataon din na walang espesipiko o malinaw na atribusyon. Ginagawa ito upang hindi malimitahan ang mambabasa sa interpretasyon ng tula. Ngunit kung hindi direktang tinukoy ang persona sa tula, hindi nangangahulugang ang makata na ang persona. Sa tulang “Valediction sa Hill Crest” ni Tinio, ang persona ay isang akademikong Pilipino sa Estados Unidos na pauwi na sa Pilipinas.
5. Tema
Makatutulong sa pag-unawa sa tula ang pagtukoy sa tema nito. Ang tema ay ang pangkalahatang mensahe ng tula. Sa ibang salita, ito ang pangunahing kaisipan o paniniwalang nais ipahayag ng makata sa kaniyang tula. Maaaring magkaroon ang tula ng higit sa isang tema. Karaniwang unibersal ang tema tulad ng pagmamahal sa bayan, pag-ibig, kalayaan, pamilya, kamatayan, kabayanihan, kawalan, pagsuko, pag-asa, kabayanihan, at pagkamulat. Makauugnay ang lahat ng mambabasa maging ano man ang kanilang lahi, kasarian, o relihiyon kung unibersal ang tema.
Isa kang street artist at isa sa mga adbokasiya mo bilang alagad ng sining ay ang pagsulong ng tulang Filipino sa pamamagitan ng pagpopopularisa nito. Naniniwala kang sa pamamagitan nito, magkakaroon ng akses sa tula ang mas maraming tao. Para sa iyong proyekto, gagamitin mo ang sining ng grafliti, partikular ang sticker art. Lilikha ka ng mga tula tungkol sa iyong karanasan bilang kabataang Pilipino sa kasalukuyang panahon. Sa pagkakataong ito, tationg tula muna ang iyong isusulat. Bawat tula ay bubuuin ng isang saknong na may hindi bababa sa apat na taludtod. Maaaring may tiyak na sukat at tugmaan ang mga taludtod. Maaari ding malayang taludturan ang mga tula. lpi-print mo ang mga tula (na may grapikong disenyo) sa stkker paper. Ididikit mo ang mga ito sa iyong bag, sombrero, sapatos, shades, bisikleta, damit, o iba pang gamit. Kailangang mahatak ng mga ito ang atensiyon ng publikong makakakita sa iyo o makasasalamuha mo. Tatayain ang iyong sticker art batay sa husay ng pagsasama-sama ng mga elemento ng tula, kaisahan ng mga paksa sa tatlong tula, disenyo ng sticker, at dating sa tumitingin.