Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Liham-Pantanggapan
Post last modified:October 27, 2024
Sumulat nang tuwiran sa taong pagbibigyan sa pamamagitan ng mga salitang wasto ayon sa kanyang pananaw, kawilihan, gawi, at iba pa.
Isulat ang liham nang magaan sa pakiramdam, para sa sarili at sa babasa nito. Gayundin, isaalang-alang ang propesyon ng taong nais sulatan.
Gumamit ng wika na bagama’t pormal ay simple upang madaling maunawaan. Iwasan ang mabulaklak na pananalita.
Isulat nang tuwiran ang impormasyong ibinibigay o katanungang inilalatag.
Kung tungkol sa paghanap ng trabaho ang pakay at nais namang higit na mapataas ang antas ng pagpapahayag sa liham o sulatin, maaaring isagawa ang sumusunod na tatlong mabubuting hakbang:
Pangangalap ng Impormasyon. Magsagawa ng isang panayam o magtanong-tanong tungkol sa napili mong tanggapan o mapapasukan. Maaari ding magsaliksik gamit ang Internet upang malaman ang mga impormasyon tungkol dito.
Pagkuha at Pagtatala ng Impormasyong Makatotohanan. Isagawa ang aktuwal na pagsulat nang hindi muna isinasaalang-alang ang pagkakamali. Ang mahalaga ay makuha at maitala ang mga makatotohanang impormasyon nang may wastong pagkakasunod-sunod ng mga ideya at ang kahalagahan nito sa babasa.
Pag-analisa at Pagsasaayos ng Impormasyon. Sa hakbang na ito, isinasaalang-alang ang mga pagbabago sa pamamagitan ng pagkakaltas, pagdaragdag, o paglilipat-lipat ng mga salita, pangungusap, o talata.
Pagsusulat ng Mensahe. Isulat ang mensahe nang may kaisahan at kalinawan, kaya’t nararapat na may kasanayan sa gramatika o balarila ang susulat. Ang kagandahan ng pagsulat ay nasa wastong gamit ng gramatika o balarila na tumutukoy sa kayarian ng salita, pagsasaalang-alang sa mga bahagi ng pananalitang nagiging mahalagang bahagi sa pagbubuo ng pangungusap, at sintaksis o palaugnayan upang mailahad nang maayos ang mga kaisipan o diwa ng talataan.
Pinal na Pagsulat. Ito ay ang muling pagsulat ng sulatin na sigurado nang wasto at wala nang dapat pang baguhin sapagkat naisaayos na nang husto sa mga nagdaang hakbang ng pagsulat.
Ipahayag ang kaisipan ng sulatin sa positibong paraan na maaaring maging daan upang ang saloobin ng sinulatan ay gumaan. Sa ganito, maaaring pumayag, tumulong, magbigay ng tiwala, magpakita ng katapatan, at magtagumpay. Maaari ding maging negatibo ang daloy ng pananalita at magresulta sa saloobing pagkatalo, di-pagsang-ayon, paghihinala, at kawalang-ingat.