Mga Kalikasan ng Wika

  • Post last modified:December 3, 2024

Lahat ng nilikha sa mundo ay may katangian o kalikasang taglay. Tulad ng mga tao at ng iba pang mga bagay sa mundo, nagtataglay rin ng mga katangian o kalikasan ang wika. Kung babalikan ang kahulugan ng wika ayon kay Henry Gleason, nakapaloob sa kahulugang kaniyang ibinigay ang tatlong katangian ng wika.

Una, ang wika ay may masistemang balangkas. Binubuo ng mga makabuluhang tunog o ponema ang wika na nakalilikha ng mga yunit ng salita na kapag pinagsama-sama sa isang maayos at makabuluhang pagkakasunod-sunod ay nakabubuo ng mga parirala, pangungusap, at talata. Pangalawa, ang wika ay arbitraryo. Pinagkakasunduan ang anumang wikang gagamitin ng mga grupo ng tao para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Pangatlo, ginagamit ang wika ng pangkat ng mga taong kabilang sa isang kultura. Magkaugnay ang wika at kultura at hindi maaaring paghiwalayin. Katulad ng nabanggit, ang kultura ang nagpapayaman sa wika samantalang ang wika naman ang nagbibigay ng ngalan o salita sa lahat ng mga gawaing nakapaloob sa kultura.

Kasama rin sa mga katangian ng wika ang pagiging buhay o dinamiko nito. Ibig sabihin, sumasabay sa pagbabago ng panahon ang wika at malaya itong tumatanggap ng mga pagbabago upang patuloy na yumaman at umunlad. Namamatay ang wika kapag hindi nakasabay sa pagbabago ng panahon o kapag hindi tumanggap ng mga pagbabago. Nagbabago ang anyo, gamit, at kahulugan ng mga salita ayon sa takbo ng panahon at sa mga taong gumagamit nito. Dahil nagbabago ang wika, may mga salitang namamatay o hindi na ginagamit sa paglipas ng panahon, at may nadaragdag o naisisilang namang mga bagong salita sa bokabularyo.

Katulad ng salitang “hataw” na nangangahulugang “pagpalo.” Ngayon, may dagdag na itong kahulugan sa pangungusap na “Humataw sa takilya ang pelikula ng bagong tambalan.” Sa pangungusap na ito, ang “humataw” ay may dagdag na kahulugan ng pagiging mabili o nagustuhan ng marami kaya kumita nang malaki.

Hindi na naririnig sa ngayon ang mga salitang “kasapuwego” (posporo), “sayal” (naging palda at ngayon ay mas tinatawag na skirt), “kolong-kolong” (playpen), at iba pa.

Bawat wika ay unique o natatangi. Walang wikang may magkatulad na magkatulad na katangian. May kani-kaniyang lakas o kahinaan din ang wika. May mga salitang mahirap hanapan ng eksaktong salin o katumbas sa ibang wika dahil sa magkakaibang kulturang pinagmulan. Gayundin, hindi dahil mas mayaman, malakas, at mas maunlad ang isang bansa ay mas superyor o mas makapangyarihan na ang wika ng bansang ito kaysa sa ibang mas mahirap na bansa. Walang wikang superyor sa isa pang wika. Lahat ng wika ay pantay-pantay sapagkat mayroon itong kaniya-kaniyang katangiang taglay na natatangi sa isa’t isa.

Kabuhol ng wika ang kultura dahil sinasaklaw nito ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Nahihinuha ang kulturang kinabibilangan ng mga tao sa kanilang wikang ginagamit. Para sa lingguwistang si Ricardo Ma. Nolasco, dating Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), may bentahe ang pagkakaroon ng maraming wika at maraming kultura sa isang bansa. Sa kaniyang “Pamaksang Pananalita” sa Pambansang Seminar sa Filipino ng KWF sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) noong Mayo 10 hanggang 12, 2006, sinabi niya na “bukod sa nabibiyayaan tayo ng maraming katutubong wika ay mayroon din tayong wikang pambansa—ang Filipino—at may wikang internasyonal pa—ang Ingles. Ang pagtutulungan ng mga wikang ito—lokal at dayuhan—ay siyang nagpapatotoo kung gaano ka-linguistically diverse at culturally diverse ang ating bansa, isang bagay na dapat nating ipagbunyi at ipagmalaki.”