Hindi maaaring paghiwalayin ang pagsulat at kognisyon. Ang isip ang pinagmumulan ng proseso ng kognisyon. Samakatuwid, magkatambal ang pagsulat at pag-iisip. Nakapaloob sa pag-iisip ang kalipunan ng mga kaalaman buhat sa biyolohikal at kaalamang idinulot ng karanasan. Taglay rin ng lawak ng pag-iisip ang imahinasyon na pangunahing sangkap sa pagpapalawak ng isang uri ng sulatin. Pinabibisa pa ito ng tamang gamit ng salita, kataga, ekspresyon, at kalipunan ng mga pangungusap na binuo ng kaisipan ng isang tao. Isang uri ng pagsulat ang akademikong sulatin. Ito ay makikilala sa layunin, gamit, katangian, at anyo nito. Taglay ng akademikong sulatin ang mataas na gamit ng isip upang maipahayag ang ideya bilang batayan ng karunungan.
Tulad ng iba pang uri ng pagsulat, ang akademikong sulatin ay nagtataglay ng tiyak na hakbang o proseso. Sa paraan ng paggawa ng isang akademikong sulatin, makikita ang taglay nitong mga katangian. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Komprehensibong Paksa
Batay ito sa interes ng manunulat. Kung ang pagsulat naman ay itinakdang ipagawa, madalas nakabatay ang paksa sa isyung napapanahon na may kaugnayan sa mga usaping panlipunan batay sa aspektong pangkabuhayan, pampolitika, pangkultura, at iba pa. Mahalaga ang gampanin ng paksa sa kabuuan ng akademikong sulatin. Sa paksa mag-uumpisa ang pagpaplano upang maisakatuparan ang makabuluhang akademikong sulatin.
2. Angkop na Layunin
Ang layunin ang magtatakda ng dahilan kung bakit nais makabuo ng akademikong sulatin. Nakapaloob sa layunin ang mithiin ng manunulat kung nais na magpahayag ng iba’t ibang impormasyon kaugnay ng katotohanan, manghikayat na paniwalaan ang argumentong inilalahad, suportahan o pasubalian ang mga dati nang impormasyon, at iba pang layuning nakaugat sa dahilan ng pagbuo ng akademikong sulatin.
3. Gabay na Balangkas
Magsisilbing gabay ang balangkas sa akademikong sulatin. Gabay ito upang organisahin ang ideya ng sulatin. May tatlong uri ng balangkas: balangkas na paksa, balangkas na pangungusap, at balangkas na talata. Sa tulong ng pagbabalangkas, napadadali ng manunulat ang kaniyang pagsulat ng sulatin. Kadalasan ang balangkas din ang nagiging burador ng anumang sulatin. Ang paunang balangkas ang magiging batayan sa pagrerebisa ng pinal na sulatin.
4. Halaga ng Datos
Nakasalalay ang tagumpay ng akademikong sulatin sa datos. Maituturing na pinakamahalagang yunit ng pananaliksik ang datos ng anumang akda. Kung walang datos, walang isusulat, susuriin, o sasaliksikin. Nahahati sa dalawa ang pinagkukunan ng datos: primarya o pangunahing sanggunian at sekondaryang sanggunian. Nakapaloob sa pangunahing sanggunian ang mga orihinal na dokumento na naglalaman ng mahahalagang impormasyon ukol sa paksa. Sa sekondaryang sanggunian, makikita ang sariling interpretasyon batay sa pangunahing impormasyon.
Primaryang Sanggunian
talaarawan
pakikipanayam
liham
orihinal na gawang sining
orihinal na larawan
orihinal na pananaliksik
mga isinulat na panitikan
Sekondaryang Sanggunian
Reaksyon sa isang:
- aklat
- palabas
- manuskrito
- pahayag ng isang tao
- buod ng anumang akda
Lubhang hindi matatawaran ang ambag ng datos sa akademikong sulatin. Pinatatatag nito ang paksa, layunin, at kabuuan ng sulatin upang maging katanggap-tanggap na kuhanan ng batayang kaalaman. Makatutulong ang datos upang maging sanggunian ng anumang sulatin.
5. Epektibong Pagsusuri
Bahagi rin ng isang komprehensibong akademikong sulatin ang pagsusuri. Upang maging epektibo, lohikal ang dapat na gawing pagsusuri. Hindi makahihikayat ng mambabasa ang isang akademikong sulatin kung ang nilalaman nito ay nakabatay lamang sa pansariling pananaw ng sumusulat. Kailangang lagpasan ang opinyon at mapalutang ang katotohanan. Ang pagsusuri ay nakabatay sa ugat o sanhi ng suliranin at nagpapakita ng angkop na bunga kaugnay ng implikasyon nito sa iniikutang paksa. Marapat lagpasan ng epektibong pagsusuri ang mga tsismis o sabi-sabi. Ang paraan ng pagsusuri ng isang manunulat ang sukatan ng lalim ng kaniyang ginawang obra o akademikong sulatin.
6. Tugon ng Konklusyon
Taglay ng konklusyon ang pangkalahatang paliwanag sa nais na maipahayag ng akademikong sulatin. Makikita sa konklusyon ang kasagutan sa mga itinampok na katanungan sa isinulat na pag-aaral. Kadalasang nasa anyong pabuod ang konklusyon na binuo batay sa natuklasang kaalaman. Mula sa konklusyon, huhugot ng payo o rekomendasyon tungo sa bago o pagpapatuloy ng isinagawang pag-aaral o akademikong sulatin.
Likas sa pagsusulat ang paggamit ng isip, damdamin, at kilos. Ang ugnayan ng ideya, nararamdaman o saloobin, at tiyak na kilos ang batayan ng isang komprehensibo at epektibong pagsulat. Nakasalalay sa ugnayan ng isip, damdamin, at kilos ang nilalamang dapat maipahayag sa anumang isusulat na akademikong sulatin. Ito ang batayang sandigan ng manunulat. Sa pamamagitan nito mas nagiging malawak, malalim, at matibay ang anumang impormasyon upang makapaglahad, makapagsalaysay, makapaglarawan, makapangatuwiran, at makapanghikayat.
Dahil sa pangkalahatang paliwanag na taglay ng konklusyon, may ilang paalala na dapat tandaan para sa susulat:
- Huwag magpasok ng bagong materyal. Ang konklusyon ay iyong lugar upang tapusin ang iyong sulatin, hindi magtapon ng karagdagang puntos na hindi mo nailahad sa katawan ng mga talata. Ibang usapin ang magbigay ng tuntuning panlahat o ilagay ang iyong argumento sa mas malawak na kontekstong akademiko, kumpara sa magpakilala ng panibagong ideya na wala ka nang paglalagyan ng puwang.
- Huwag pahinain ang iyong paninindigan sa paghingi ng tawad sa isang bagay na pinaliwanag mo na. Kung sinunod ng iyong sulatin ang lahat ng kombensiyon ng akademikong pagsulat — kung nakalikha ka ng tesis at nakapagbigay ng ebidensiya upang patunayan ang iyong posisyon — nasagot mo na ang inaasahan ng iyong mambabasa.
- Huwag magtapos sa “cliffhanger,” na iniiwang bitin ang mga mambabasa. Tandaan na ang tanging layunin ng iyong sulatin ay magbigay ng katibayan para sa iyong tesis kaya’t ang konklusyon mo ay naglalayong masagot ang lahat ng mga katanungan ng mambabasa. Kung ang iyong sulatin ay kulang pa sa impormasyon o nangakong malutas ang isang paksa ngunit hindi naman nagawa, hindi ito makatutulong sa iyong argumento.