Isang paraan upang maipakita ang mga teorya at simulain sa komunikasyon ay ang biswal na representasyon nito sa pamamagitan ng modelo o dayagram. Ginagamit ang modelo o dayagram upang higit na maipaliwanag at mabigyan ng linaw ang proseso ng komunikasyon.
Batay sa mga naunang pagtalakay tungkol sa proseso ng komunikasyon, larawan sa pamamagitan ng modelo o dayagram ang simpleng daloy ng komunikasyon na ginagawa kapag nagpapadala ng mensahe sa tulong ng cellphone. Gumawa ng ilustrasyon ng modelo sa espasyo sa ibaba.
Sa layuning maging maayos at makabuluhan ang pakikipagkomunikasyon, iba’t ibang modelo ng komunikasyon ang magagamit ayon na rin sa uri at layunin ng pakikipagtalastasan. Narito sa ibaba ang ilan sa mga modelong ito.
Modelo ni David Berlo (1960)
Ipinakita ni Berlo ang kanyang modelo sa pamamagitan ng dayagram na SMCR. Tingnan ang ilustrasyon sa ibaba.
Para kay Berlo, kapag mahusay ang kasanayan sa komunikasyon ng parehong tagapagsalita at tagatanggap, higit na nagiging epektibo ang paghahatid at pag-unawa sa mensahe. Kung ang guro ay eksperto sa kanyang larangan, may magandang tinig, at may masiglang pagtalakay sa teorya, subalit kung ang mag-aaral, bagama’t matalino, masipag, at literate, ay walang interes sa tinatalakay na teorya at para sa kanya’y walang saysay ito, hindi rin mararating ang komunikasyong hinahangad.
Ayon pa rin sa kanya, mahirap matukoy ang kalalabasan ng komunikasyon kaya tinukoy niya ang mga salik na nakaaapekto rito—kasanayan sa komunikasyon, kaalaman, sistemang panlipunan, kultura, at pag-uugali.
Ang kasanayan ng tagapagsalita ay may malaking gampanin sa kaganapan ng komunikasyon sapagkat magkakaroon siya ng pagkakataong mailahad ang kanyang layunin o intensiyon at kakayahang masabi ang gustong sabihin. Hindi lamang ang pagsasabi ang kanyang isinasaalang-alang kundi paano hahanapin ang tamang salitang gagamitin na mauunawaan din ng tagatanggap. Ang kagalingan sa paggamit ng wika ay nagbibigay ng kalamangan sa tagapagsalita sapagkat nakapagsasabi siya at nakapagpapahayag ng mga ideya. Ang kanyang kasanayan sa komunikasyon ay nagagamit niya sa pagbuo ng tamang gramatika, pagpapaunlad ng malawak na bokabularyo, tamang paggamit ng tuntunin at batas sa pagsasalita at pagsulat, at paggamit ng koda (verbal o nonverbal).
Modelo ni Claude Shannon at Warren Weaver (1949)
Sina Shannon at Weaver ay tumuklas ng paraan kung paanong higit na mapadadali ang komunikasyon sa pamamagitan ng kanilang “Mathematical Theory of Communication.”
Batay sa kanilang teorya, ang paghahatid ng mensahe ay nangangailangan ng electronic signal. Ang kanilang modelo ay binubuo ng information source na pinagmumulan ng mensahe, ang transmitter, ang tsanel, ang receiver, at ang destinasyon. Isinama rin nila ang ingay (noise) sa kanilang modelo. Ang kanilang pag-aaral ay isang motibasyon para marating ang kaayusan at katumpakan ng transmisyon at pagtanggap ng mensahe. Ang kaayusan ay tumutukoy sa bits ng impormasyon bawat segundo na naipapasa. Samantala, ang katumpakan ay ang kaliwanagan ng resepsiyon sa pagtanggap ng mensahe. Tinawag din itong modelo ng transmisyon sa komunikasyon. Ipinakita nila ito sa pamamagitan ng dayagram sa kabilang pahina.
Ang pag-aaral nina Shannon at Weaver ay may dalawang oryentasyon. Ang isa ay hinggil sa inhenyeriya ng transmisyon at resepsiyon. Ang ikalawa ay konsiderasyon kung paanong ang accuracy ng komunikasyon ay nakararating sa mga tao gayong iba’t ibang karanasan at attitude ang mayroon ang mga ito. Pangunahing dokus ng modelong ito ang teknolohiya bilang “source” o pinanggagalingan ng “ingay” sa komunikasyon.
Samantala, ang mga konseptong magkakaiba sa pagitan ng mga uri sa lipunan, kaligirang kultural, karanasan, pag-uugali, paniniwala, at ng iba pang salik ay maaaring maging sanhi ng ingay o noise sa komunikasyon.
Sa pagitan ng tagapagpadala at tagatanggap, makikitang diretso ang agos ng mensahe. Datapwa’t hindi laging ganito; may mga pumapasok na sagabal (noise) mula sa pagpapadala hanggang sa pagtanggap.
Modelo ni Wilber Lang Schramm (1954)
Si Wilber Schramm ang tinaguriang “Father of Communication Study” na nagbigay ng kahalagahan sa proseso ng encoding at decoding. Parang isang proseso ng two-way circular communication sa pagitan ng tagapagpadala at tagatanggap. Kung ang kay Shannon at Weaver ay isang teoryang matematikal-teknolohikal, ang kay Schramm naman ay sinamahan ng human behavior sa proseso ng komunikasyon. Ipinakita niya ang teorya sa pamamagitan ng dayagram na ito. Isinama niya ang feedback at ikinakaw ng karanasan upang tukuyin ang modelo.
Para kay Schramm, ang mensahe ay maaaring maging masalimuot mula sa iba’t ibang kahulugang ibinibigay/natututuhan ng tao. Ang kahulugan ay maaaring denotasyon o konotasyon. Ang diksiyonaryong kahulugan o denotasyon ay maaaring pareho sa maraming tao, subalit ang kahulugang konotasyon ay maaaring magkaroon ng maraming kahulugan para sa mga tao batay sa personal na karanasan at ebalwasyon.
Ang kanyang modelo ay nagpapahintulot din sa pagpapakahulugan ng mensahe na may impluwensiya ng kagamitang pisikal (telepono, telebisyon, mikropono, at iba pa); semantics (distraksyon, gulang, attitude, at iba pa); at ingay (noise).
Naniniwala siya na ang mga tao ay dapat magkaroon ng komunikasyon sapagkat kailangan nila ng mga impormasyon tungkol sa kanilang lipunan upang makagawa ng desisyon, at pangunahing pangangailangan ang mga silid-aklatan upang makapag-imbak ng impormasyon.
Iba pang Modelo
Ang Symbolic Interactionist ni George Herbert Mead (1910) na nagsabing ang lawak (extent) ng pag-alam (knowing) ay lawak ng pagbibigay-ngalan—ang karunungan ay abilidad na bigyan ng label ang mga bagay na ating na-eengkuwentro/nakikita.
Ang “Who says what, to whom, in which channel, to whom with what effect” ni Harold Lasswell (1957) ay tumukoy sa mga elemento ng transmisyon o paghahatid ng mensahe.
Ang “Mediational Theory of Meaning” ni Charles Osgood (1976) na nagpaliwanag hinggil sa kahulugan ng anumang impormasyon na maaaring tukuyin sa pamamagitan ng tatlong dimensiyon: ebalwasyon (kung ito’y mabuti o masama), lakas (potency) (gaano ito kalakas), at gawain (gaano ito kabilis).
Ang teorya ni Braddock (1958) (nagpalawak sa teorya ni Osgood) na nagbigay ng katanungan hinggil sa kaganapan ng komunikasyon:
- Sa anong kalagayan? (circumstances)
- Para sa anong layunin? (purpose)
- Para sa anong epekto? (effect)