Pagkakaiba ng Malikhaing at Akademikong Pagsulat

  • Post last modified:December 3, 2024

Ang malikhaing pagsulat ay isang sining ng pagpapahayag na naglalayong pukawin ang damdamin, aliwin ang mambabasa, at magbigay ng mas malalim na pag-unawa sa buhay at lipunan. Sa kabilang banda, ang teknikal at akademikong pagsulat ay nakatuon sa pormalidad, malinaw na pagpapahayag ng datos, at organisadong pagbibigay-kaalaman, na nagtatampok ng mahigpit na estruktura at pormal na wika.

Pagkakaiba ng Malikhaing Pagsulat at Teknikal o Akademikong Pagsulat

Ang malikhaing akda ay isinusulat upang magbigay-aliw sa mambabasa at bigyan sila ng pag-unawa sa kanilang buhay at sa lipunang kanilang ginagalawan. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng malikhaing sulatin:

  • Memoir
  • Awtobiyograpiya
  • Nobela
  • Nobeleta (mahabang maikling kuwento o maikling nobela)
  • Maikling kuwento
  • Dagli o flash fiction (napakaikling kuwento na binubuo lamang ng ilang daang salita)
  • Tula
  • Personal na sanaysay
  • Epiko
  • Komiks o graphic novel
  • Dula (panteatro, pampelikula, pantelebisyon)
  • Kanta o awit

Kasiya-siya ang pagbasa ng mga malikhaing akda. Isa itong sining na pumupukaw sa ating damdamin at isipan habang binibigyan tayo ng iba’t ibang pananaw upang sipatin ang ating sarili at ang ating kapaligiran. Nagbabasa tayo ng tula at kuwento dahil may nakukuha tayong kakaibang kasiyahan na hindi karaniwang matatagpuan sa iba pang uri ng sulatin.

Iba ang malikhaing pagsulat sa teknikal o akademikong pagsulat. Karaniwang layunin ng teknikal na sulatin ay magtalakay ng paksa, magpakita ng datos, at magbigay-kaalaman. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng teknikal na sulatin:

  • Akademikong sanaysay
  • Artikulo sa diyornal
  • Akademikong rebyu (ng aklat, pelikula, atbp.)
  • Tesis o disertasyon
  • Pamanahong papel
  • Manwal o aklat na naglalaman ng mga gabay o tuntunin
  • Report
  • Korespondensiyang opisyal
  • Konseptong papel
  • Posisyong papel
  • Memorandum
  • Mungkahing saliksik

Paggamit ng Wika

Magkaiba ang malikhaing pagsulat at teknikal na pagsulat sa paraan ng paggamit ng wika. Sa malikhaing pagsulat, karaniwang hindi pormal ang wikang ginagamit. Maaaring gumamit ng mga salitang balbal, kolokyal, o maging bulgar. Halimbawa, sa kuwentong “Dilang Anghel” ni U.Z. Eliserio, ganito ang linya ng tagapagsalaysay:

“Miss na kita, kung alam mo lang. Siguro nga alam mo. Ba’t di ka sumasagot sa text, e, noong Pasko di ba nagbati na tayo?”

Sa teknikal na pagsulat, pormal ang wikang ginagamit at iniiwasan ang paggamit ng mga balbal, bulgar, at kolokyal. Sa halip, gumagamit ito ng mga jargon o espesyal na bokabularyo ng isang propesyon o grupo.

Estruktura at Organisasyon

Sa teknikal na pagsulat, mas estriktong estruktura ang sinusunod sa pag-aayos ng ideya. Kailangan nito ng malinaw na simula, gitna, at wakas. Prosidyural at organisado ito. Hindi maligoy ang paglalahad; agad tinutukoy ng awtor ang nais niyang ipahayag. Literal ang pagbasa sa mga ganitong akda.

Sa malikhaing pagsulat, mas malaya ang manunulat sa pag-aayos ng mga ideya. Halimbawa, maaaring simulan ang kuwento sa wakas at magwakas sa simula, o kaya’y magbigay ng malikhaing anyo na walang tiyak na simula o wakas. Sa tula, hindi hayagang ipinahahayag ang mensahe; ginagamit ang imahen, tono, tunog, at iba pang elemento upang maunawaan ito. Hindi literal ang pagbasa sa mga ganitong akda.