Pagsulat ng Agenda

  • Post last modified:October 27, 2024

Ang agenda ay talaan ng mga pag-uusapan sa isang pormal na pulong. Isinusulat ang agenda upang bigyan ng impormasyon ang mga taong kasangkot sa mga temang pag-uusapan at sa mga bagay na nangangailangan ng pansin at pagtugon. Binibigyang-halaga rin dito ang rekomendasyon na lulutas sa mga isyu. Pagkatapos, ang napagkasunduang rekomendasyon ay dapat magkaroon ng resolusyon.

Kinakailangang maibigay ang agenda sa mga taong kasangkot sa pulong bago pa dumating ang takdang panahon ng pagpupulong. Kinakailangan ring mapag-aralan ng mga kasangkot ang nakatala sa agenda upang magkaroon sila ng panahon na siyasatin ang nilalaman nito at makapagbigay pa ng mga mungkahi o ideya. Mahalagang kasangkot sa paggawa ng agenda ang kalihim, habang ang kalimitang nagpapatawag naman ng pulong ay ang mga opisyal tulad ng pangulo ng pamantasan o mga administrador, CEO, direktor, pinuno ng samahan, at iba pang may pananagutan sa paggawa ng agenda. Sa madaling salita, ang kalihim at mga administrador ang siyang mga kasangkot sa pagsulat ng agenda.

Narito ang mga dapat tandaan sa pagsulat ng agenda:

  1. Simulan kaagad ang paghahanda sa pagsulat ng agenda. Gawin ito sa araw mismo ng pagkakaroon ng desisyon sa petsa at tema upang matiyak na maisasagawa nang maayos ang susunod na pagpupulong, at may kaisahang patutunguhan ang mga pag-uusapan sa pulong.
  2. Bigyang-halaga ang lugar na pagdarausan ng pulong at ang oras kung kailan ito magsisimula at matatapos. Dapat tiyakin ng tagapagpadaloy ng pulong na nakapokus lamang sa agenda ang pag-uusapan upang masunod ang itinakdang oras at hindi abutin nang matagal na nagiging sanhi ng walang kabuluhang pagpupulong.
  3. Bigyang-halaga ang layuning inaasahang makamit sa araw ng pagpupulong. Tiyaking malinaw ang layunin upang mapaghandaan ng mga kasapi ang mangyayari sa pulong.
  4. Bigyang-pansin ang mga isyu o usaping tatalakayin sa pulong. Dapat na maikli lamang ang bahaging ito. Siguraduhing lahat ng pag-uusapan ay mailalagay sa agenda. Narito ang mga halimbawang balangkas ng karaniwang agenda:
    • Panalangin
    • Muling pagbasa ng nakaraang katitikan ng pulong (review) at pag-rebisa
    • Pagwawasto sa ilang kamalian kung mayroon at pagbibigay-linaw sa isyu kung mayroon pa
    • Pagsang-ayon sa nakaraang katitikan ng pulong
    • Regular na report
    • Mga pangunahing puntong pag-uusapan
    • Iba pang bagay na nais pag-usapan
    • Muling pagtatakda sa araw ng pagpupulong (petsa)
  5. Tiyakin na ang mga taong kasangkot lamang na nasa listahan ang dapat dumalo sa pulong.

Halimbawa ng Agenda