Isang kapaki-pakinabangnagawainang pagbabasa at panonood. Sa pamamagitan kasi ng mga ito, nadaragdagan ang kaalaman ng tao at lumalawak ang saklaw ng pagkatuto di lamang sa sariling kultura, kapaligiran, at pamumuhay kundi sa mga ugar sa ibayong-dagat at maging sa labas ng ating daigdig.
Ang sintesis (synthesis) ay nagmula sa salitang Griyego na syntithenai na ang ibig sabihin sa Ingles ay put together o combine (Harper 2016). Makikita ang prosesong ito sa mga pagkakataong, halimbawa, pag-uusap tungkol sa nabasang libro kung kailan hindi posible ang pagbanggit sa bawat kabanata at nilalaman ng mga ito upang makuha lamang ang kahulugan, layunin, at kongklusyon ng libro.
Madalas na nalilimitahan ng oras ang pagbabahagi ng kaalaman sa iba’t ibang dahilan. Maaaring oras sa klase, oras ng kuwentuhan, o sukat ng panahon para sa pagsulat at pagbasa ng artikulo kung nasa anyong babasahin ang pagbibigay ng kaalaman. Sa ganitong kalagayan, makikita ang kahalagahan na matutuhan ang paraan ng paglalagom o pagbubuod na tinatawag na pagbibigay ng sintesis.
Sa madaling pagpapaliwanag, ang sintesis ay ang pagsasama-sama ng mga impormasyon, mahahalagang punto, at ideya upang mabuod ang napakahabang libro, mabuo ang isang bagong kaalaman, at maipasa ang kaalamang ito sa sandaling panahon lamang.
Narito ang ilang mga hakbang na dapat sundin sa pagsulat ng sintesis.
1. Basahing mabuti ang kabuoang anyo at nilalaman ng teksto. Kung hindi pa lubos na nauunawaan ay ulit-ulitin itong basahin.
2. Mapadadali ang pag-unawa sa teksto kung isasangkot ang lahat ng pandama dahil maisasapuso at mailalagay nang wasto sa isipan ang mahalagang diwa ng teksto.
3. Isaalang-alang ang tatlong uri ng pagsusunod-sunod ng mga detalye.
• Sekwensiyal- pagsusunod-sunod ng mga pangyayari sa isang salaysay na ginagamitan ng mga panandang naghuhudyat ng pagkakasunod-sunod tulad ng una, pangalawa, pangatlo, susunod, at iba pa.
• Kronolohikal—pagsusunod-sunod ng mga impormasyon at mahahalagang detalye ayon sa pangyayari.
• Prosidyural—pagsusunod-sunod ng mga hakbang o proseso ng pagsasagawa. \
4. Maaari ding isaalang-alang ang mga bahagi ng teksto: ang una, gitna, at wakas.
5. Gamitin din ang proseso sa pagsulat para sa maayos na anyo ng teksto at sistematikong pagsulat.