Ang sanaysay ay anyo ng pagsasalaysay na mas maikli kompara sa ibang anyo nito tulad ng maikling kuwento at nobela. Isang likas na katangiang ikinatatampok ng sanaysay ay ang tahas na paglalaman nito ng pananaw, pagsusuri, at opinyon ng manunulat sa isang pangyayari o isyu na nakapukaw ng kanyang interes o damdamin (Baello, Garcia, Valmonte 1997). Hindi naman ito nangangahulugang ang ibang uri ng pagsasalaysay ay malaya mula sa opinyon o pagsusuri ng manunulat. Sadya lamang na sa estruktura, anyo, at ikli ng katawan ng isang tipikal na sanaysay ay mapapansin kaagad ang itinatampok na mga punto ng opinyon at argumento, lawak ng pananaw, at metikulosong pagsusuri ng manunulat.
Ang tahas na katangian ng sanaysay ay maaaring makapagdulot ng kalituhan sa ibat ibang uri ng sanaysay at kayarian ng mga ito. Isa sa mga maaaring maging katanungan ng mga nagsisimulang manunulat ay kung dapat din ba itong taglayin ng isang Replektibong Sanaysay.
Ang replektibong sanaysay ay pumapaksa sa mga pangkaraniwang isyu, pangyayari, o karanasan na hindi na nangangailangan pa ng mahabang pag-aaral. May kalayaan ang pagtalakay sa mga puntong nilalaman nito na karaniwan ay mula sa karanasan ng manunulat o pangyayaring kanyang nasaksihan (Baello, Garcia, Valmonte 1997). Kaiba sa pagsulat ng talambuhay na tumatalakay sa buhay ng isang tao, ang pagsulat ng replektibong sanaysay ay naglalayong bigyang-katwiran, ipaliwanag, o suriin ang partikular na salaysay at palutangin ang halaga nito o ang maidudulot nito, depende sa layon ng manunulat, sa buhay ng tao, at sa lipunan (Arrogante, Golla, Honor-Ballena 2010). Sa puntong ito, maaari nang sabihin na ang tahas na katangian ng karaniwang sanaysay ay tinataglay rin ng replektibong uri nito dahil ang pagsasalaysay ng subhetibong paksa ay dumadaan sa masusing pagsusuri upang makita ang kahulugan at kahalagahan sa obhetibong pamamaraan.
Ang replektibong sanaysay ay isang anyo ng sulating pasalaysay na hindi lamang nakatuon sa husay ng paggamit ng estilo sa pagsulat bagkus ay sa pagsusuri ng salaysay na inilatag ng manunulat para sa mambabasa. Maaaring sabihing isa itong akademikong paraan ng pagbuo ng bagong kaalaman patungkol sa pagkatao, lipunan, at mga isyu o paksa sa pagitan. Ito ay sa kadahilanang inaasahan na ang mambabasa ay nagsusuri din at humuhusga sa halaga, bigat, at katotohanan ng paksang inilalatag ng manunulat sa piyesa.
Taliwas sa sinasabi ng karamihan, hindi madali ang pagsulat ng replektibong sanaysay o ang mismong replektibong pagsulat. Bilang manunulat at indibidwal, may mga pagkakataong nais mo na lamang itago sa iyong kalooban ang ilang mga personal na salaysay at hindi na paabutin ang mga ito sa lyong panulat (University of Reading). Sa mga ganitong pagkakataon, kinakailangan ang tibay ng kalooban, maging matalino sa pagpili ng mga salita, at piliing maging obhetibo sa pagsasalaysay. Sa kabila ng lahat, ang mga manunulat naman ay narito upang tumulong sa pagpapahusay at pagpapabuti ng sangkatauhan.
Mga Bahagi ng Replektibong Sanaysay
1. Panimula
Ang panimula ay sinisimulan sa pagpapakilala o pagpapaliwanag ng paksa o gawain. Maaaring ipahayag nang tuwiran o di tuwiran ang pangunahing paksa. Ang mahalaga ay mabigyang-panimula ang mahalagang bahaging buhay na pupukaw sa interes ng mambabasa.
2. Katawan
Katulad ng maikling kuwento, sa bahaging ito ay binibigyang-halaga ang maigting na damdamin sa pangyayari. Ang katawan ng replektibong sanaysay ay naglalaman ng malaking bahaging salaysay, obserbasyon, realisasyon, at natutuhan. Ipinaliliwanag din dito kung anong mga bagay ang nais ng mga manunulat na baguhin sa karanasan, kapaligiran, o sistema.
3. Kongklusyon
Sa pagtatapos ng isang replektibong sanaysay, dapat mag-iwan ng isang kakintalan sa mambabasa. Dito na mailalabas ng manunulat ang punto at kahalagahan ng isinasalaysay niyang pangyayari o isyu at mga pananaw niya rito. Dito na rin niya masasabi kung ano ang ambag ng kanyang naisulat sa pagpapabuti ng katauhan at kaalaman para sa lahat.