Friday, December 26, 2025

Ang Tekstong Argumentatibo

- Advertisement -

Ano ang Tekstong Argumentatibo?

Kung ang tekstong persuweysib ay naglalayong hikayatin ang mambabasa na tanggapin ang punto ng may-akda gamit ang damdamin at opinyon (pathos at ethos), ang Tekstong Argumentatibo naman ay naglalayon ding manghikayat, ngunit ang pangunahing sandata nito ay ang katwiran at ebidensiya (logos).

Ang tono ng isang tekstong argumentatibo ay obhetibo (batay sa katotohanan), sapagkat hindi lamang ito nakabatay sa personal na pananaw ng manunulat, kundi sa matitibay na datos at impormasyon na inilalatag upang patunayan ang isang tiyak na posisyon o panig.

Maaaring isipin na ang pagsulat ng tekstong argumentatibo ay tulad ng isang pormal na debate sa anyong nakasulat. Bagama’t mayroon kang pinaniniwalaan at pinaninindigang panig, kailangan mo pa ring ilatag ang mga lohikal na katwiran at ebidensiya, at kasabay nito ay inaasahan at sinasagot ang mga posibleng pagtutol (counterargument) mula sa kabilang panig.

Mga Hakbang sa Pagsulat ng Epektibong Tekstong Argumentatibo

Ang pagbuo ng isang matibay na tekstong argumentatibo ay nangangailangan ng masusing paghahanda at pagkakabalangkas. Sundan ang mga hakbang na ito:

Hakbang 1: Pumili ng Angkop na Paksa at Panig

Pumili ng paksa na may dalawang panig at angkop pagdebatehan (halimbawa: Ang pagpapatupad ng K to 12 Kurikulum). Pagkatapos, tanungin ang sarili: Ano ang panig na nais kong panindigan, at ano ang mga pangunahing dahilan ko sa pagpanig dito?

Hakbang 2: Mangalap ng Ebidensiya (Data Gathering)

Ito ang pinakamahalagang bahagi ng tekstong argumentatibo. Mangalap ng mapagkakatiwalaang datos, estadistika, pag-aaral, at impormasyon na direktang susuporta at magpapatibay sa iyong posisyon.

Hakbang 3: Gumawa ng Detalyadong Balangkas (Drafting)

Gamitin ang sumusunod na istraktura sa paggawa ng borador (draft):

  • Unang Talata (Panimula): Ipakilala ang paksa at ilahad ang iyong tiyak na posisyon o thesis statement.
  • Ikalawang Talata (Kaligiran): Magbigay ng konteksto o sitwasyon na nagbigay-daan sa pag-iral ng paksa.
  • Ikatlong Talata Pataas (Mga Ebidensiya): Isa-isang ilahad ang iyong mga ebidensiya at katwiran. Gumamit ng bawat talata para sa isang pangunahing punto ng suporta.
  • Talata ng Kontra-Argumento (Counterargument): Ilahad ang posibleng panig ng kalaban o ang hindi pinaniniwalaang argumento. Ipaliwanag nang lohikal kung bakit hindi ito sapat o mas matibay ang iyong posisyon.
  • Huling Talata 1 (Unang Kongklusyon): Lagumin ang lahat ng iyong pangunahing argumento at katwiran.
  • Huling Talata 2 (Pangwakas na Kongklusyon): Sagutin ang tanong na “Kaya ano ngayon?” o ang implikasyon ng iyong posisyon. Mag-iwan ng isang matibay na pahayag na magtatapos ng debate.

Hakbang 4: Pagsulat at Pagrerebisa

Isulat na ang buong draft batay sa balangkas. Basahing muli ang isinulat upang iwasto ang mga pagkakamali sa gramatika, gamit ng wika, at mekaniks. Siguruhing malinaw at lohikal ang pagkakaugnay ng lahat ng ebidensiya.

Hakbang 5: Pinal na Kopya

Muling isulat ang teksto taglay ang lahat ng pagwawasto upang makabuo ng isang pinal, matibay, at mapanghikayat na argumentatibong teksto.

Pagkakaiba ng Tekstong Persuweysib at Argumentatibo

Bagama’t parehong nanghihikayat, mahalagang tandaan ang kanilang pangunahing pagkakaiba:

Tekstong PersuweysibTekstong Argumentatibo
Layunin: Hikayatin ang mambabasa batay sa emosyon (Pathos).Layunin: Hikayatin ang mambabasa batay sa katwiran (Logos).
Tono: Subhetibo (Nakabatay sa opinyon/damdamin).Tono: Obhetibo (Nakabatay sa datos/katotohanan).
Diskarte: Gumagamit ng personal na wika, opinyon, at pagpapahalaga.Diskarte: Gumagamit ng estadistika, resulta ng pag-aaral, at lohikal na pagpapaliwanag.

Halimbawa ng Tekstong Persuweysib at mga Tekstong Argumentatibo

Mababasa sa ibaba ang halimbawa ng tekstong persuweysib at ng tekstong argumentatibo. Mapapansing bagama’t magkapareho ang pamagat ay nagkakaiba ang paraan ng pangungumbinsi o panghihikayat ng bawat isa. Suriin kung ano-anong katangian ang lumutang sa bawat isa.

Halimbawa ng Tekstong Persuweysib

Paggamit ng mga Hayop sa Pananaliksik

Ang paggamit ng hayop van subukan ang mga bagong gamot ay lubos ina nakatulong sa modernisasyon ng gamot. Mangilan-ngilan na lamang ang nagkakaroon ng polio ngayon dahil sa bakunang sinubukan sa mga hayop. Ang  pagsulong ng antibiotics, insulin, at iba pang gamot ay naisakatuparan sa tulong ng mga pananaliksik gamit ang mga hayop. Nararapat lamang na ipagpatuloy na paggamit nito dahil walang malaki ang naitutulong nila sa pagsulong ng industriya ng gamot. 

Kung iisipin natin, hindi hamak na matipid ang paggamit sa mga hayop sa mga eksperimento upang makatuklas ng mga tamang gamot sa mga sakit. Maraming laboratoryo ang gumagamit ng daga upang sa kanila subukan ang mga tinutuklas na gamot. Hindi rin gaanong kamahal ang magparami ng daga upang magamit sa kanilang pananaliksik. Tunay nga namang naisasalba ng mga hayop na ito ang buhay ng maraming tao.

May 99 na porsiyento ng mga doktor ang sumasang-ayon sa pagsubok ng mga gamot sa mga hayop imbes na sa tao. Hindi nila lubos maisip kung ilang tao ang magbubuwis ng buhay upang malaman kung epektibo ba ang isang gamot.

Hindi natin matatawaran ang napakalaking tulong ng mga hayop sa pananaliksik ng mga modernong gamot na tutulong sa pagsagip sa mga tao. Ang tungkulin natin ay pangalagaan ang mga ito at siguruhing sulit ang kanilang sakripisyo para sa ikabubuti ng sangkatauhan.

Halimbawa ng Tekstong Argumentatibo

Paggamit ng mga Hayop sa Pananaliksik

Ang paggamit ng hayop upang subukan ang mga bagong gamot ay lubos na nakatulong sa modernisasyon ng gamot. Mangilan-ngilan na lamang ang nagkakaroon ng polio ngayon dahil sa bakunang sinubukan sa mga hayop. Ang pagsulong ng antibiotics, insulin, at iba pang gamot ay naisakatuparan sa tulong ng mga pananaliksik gamit ang mga hayop. Sa kabila ng maraming kabutihang naidulot ng paggamit ng hayop sa mga ganitong klaseng pananaliksik, marami pa ring naniniwalang hindi tama ang paggamit sa mga ito.

Kung iisipin natin, hindi hamak na matipid ang paggamit sa mga hayop sa mga eksperimento upang makatuklas ng mga tamang gamot sa mga sakit. Maraming laboratoryo ang gumagamit ng daga upang sa kanila subukan ang mga tinutuklas na gamot. Hindi rin ganoon kamahal ang magparami ng daga upang magamit sa kanilang pananaliksik. Ngunit marami ang pumipigil sa ganitong gawain dahil hindi raw ito makatarungan para sa mga hayop. Sila raw ay mga nilalang na may buhay na dapat igalang, isa raw itong pagmamalupit sa mga hayop. Subalit hindi ba hamak | na mas malupit kung ang gagamitin sa pananaliksik ay mga bata? At hindi ba’t isang kalupitan din kung hahayaan nating mamatay na lamang ang maraming tao dahil hindi nalunasan ang kanilang sakit?

Sinasabi ring mayroon na tayong sapat na mga gamot na maaaring gamitin para mabigyang-lunas ang – maysakit, subalit taon-taon ay naglalabasan ang iba’t ibang uri ng mga nakamamatay na sakit. Kailangang ipagpatuloy ang pagtuklas ng mga gamot.

Hindi malubos maisip ng mga doktor kung ilang tao ang magbubuwis ng buhay upang malaman kung epektibo ba ang isang gamot. Tunay nga namang nakadudurog ng puso kung mamamatay ang maraming tao.

RELATED ARTICLES
- Advertisment -

Latest

- Advertisment -