Ayon kina Lightbown at Spada (2006), ang pragmatiko ay tumutukoy sa pag-aaral ng paggamit ng wika sa isang partikular na konteksto upang magpahayag sa paraang diretsahan o may paggalang. Ibig sabihin, ang isang taong may kakayahang pragmatiko ay mabisang nagagamit ang yaman ng wika upang makapagpahayag ng mga intensiyon at kahulugang naaayon sa konteksto ng usapan at gayundin, natutukoy ang ipinahihiwatig ng sinasabi, di-sinasabi, at ikinikilos ng kausap.
Kadikit ng paglinang sa kakayahang pragmatiko ang konsepto ng speech act. Para sa pilosopo sa wika na si J. L. Austin (1962; sipi kay Hoff 2001), ang pakikipag-usap ay hindi lamang paggamit ng mga salita upang maglarawan ng isang karanasan kundi “paggawa ng mga bagay gamit ang mga salita” o speech act. Halimbawa nito ay pakikiusap, pagtanggi, pagpapaumanhin, pangangako, at iba pa.
May tatlong sangkap ang speech act: (1) ang sadya o intensiyonal na papel nito o illocutionary force; (2) ang anyong lingguwistiko o locution; at (3) ang epekto nito sa tagapakinig o perlocution.
Tingnan natin ang isang senaryo. Isang kostumer sa restoran ang nagpahayag sa waiter ng ganito: “Mayroon ba kayong tubig na walang yelo?” Sa nasabing halimbawa, ang illocutionary force ng kostumer ay ang paghiling na madalhan siya ng inuming tubig na walang kasamang yelo. Ipinadaloy niya ito sa locution na patanong. Ang epekto nito, o perlocution, ay ang pagsunod ng waiter sa kaniyang kahilingan.
Sa kaso ng pagkatuto ng ikalawang wika, tinatawag na interlanguage pragmatics (Bardovi-Harlig 1999; sipi kay Lightbown at Spada 2006) ang pag-aaral sa kung paano ang mga hindi taal na tagapagsalita ng partikular na wika at nagsisimulang matuto nito ay umuunlad ang kakayahan sa pagpapahayag ng kanilang intensiyon sa pamamagitan ng iba’t ibang speech act.
Bahagi ng larangang ito ang pananaliksik na isinagawa nina Bardovi-Harlig at Hartford (1993) hinggil sa paraan ng pagtanggi at pagbibigay-suhestiyon ng mga estudyanteng taal at di-taal na tagapagsalita ng Ingles sa mga sesyon ng akademikong pagpapayo sa isang unibersidad sa Amerika. Naobserbahan nila sa pag-aaral na ito ang pagkakaiba sa pakikipag-usap na ginagawa ng mga estudyanteng taal at di-taal na tagapagsalita ng Ingles sa kanilang mga propesor hinggil sa pagpili ng kukuning kurso. Anila, kapansin-pansin ang pagiging pasibo ng di-taal na tagapagsalita sa usapin ng pagbibigay ng suhestiyon kumpara sa mga taal na tagapagsalita. Mas malaki rin ang tendensiya ng pagtanggi sa suhestiyong ibinibigay ng tagapayong propesor ng mga di-taal na tagapagsalita. Dagdag pa rito, direktang ipinahahayag ng di-taal na tagapagsalita ang kaniyang pagtanggi kumpara sa taal na tagapagsalita na ipinadadaan sa isang alternatibong suhestiyon ang hindi pagsang-ayon. Halimbawa, sa mungkahing kurso ng tagapayo, ang isang di-taal na tagapagsalita ng Ingles ay magpapahayag ng, “I think I am not interested in that course,” na kaiba sa sasabihin ng taal na tagapagsalita na nagbibigay pa ng suhestiyon sa anyong, “I think this other course would better meet my needs.”
Sa nabanggit na sitwasyon, mahihinuha kung gaano kahalagang linangin ang kakayahang pragmatiko upang umayon sa hinihingi ng konteksto at makamit ang inaasahang resulta mula sa kausap.