Pagsulat ng Abstrak

  • Post last modified:October 7, 2024

Alam mo ba kung saan nagmula ang salitang abstrak (abstract) at kung ano ang ibig sabihin nito? Ang abstrak ay mula sa salitang Latin na abstractus na nangangahulugang drawn away o extract from (Harper 2016). Sa modernong panahon at pag-aaral, ginagamit ang abstrak bilang buod ng mga akademikong sulatin na kadalasang makikita sa panimula o introduksiyon ng pag-aaral. Ito ay naglalaman ng kaligiran ng pag-aaral, saklaw, pamamaraang ginamit, resulta, at kongklusyon (Koopman 1997). Mahalagang tandaan na sa pamamagitan ng abstrak, malalaman na ng mambabasa ang kabuoang nilalaman ng teksto. Kinakailangan lamang ang maingat na pag-extract o pagkuha ng mahahalagang impormasyon sa. teksto upang makabuo ng buod na siyang magiging abstrak.

Mauri bilang deskriptibo o impormatibo ang abstrak. Sa uring deskriptibo, inialarawan nito sa mga mambabasa ang mga pangunahing ideya ng teksto. Binibigyang-pansin ang kaligiran, layunin, at paksa ng papel at hindi pa ang pamamaraan, resulta, at kongklusyon (The University of Adelaide 2014). Nauukol ang uring ito sa mga kuwalitatibong pananaliksik at karaniwang ginagamit sa mga disiplinang agham panlipunan, mga sanaysay sa sikolohiya, at humanidades.

Sa uring impormatibo, ipinahahayag sa mga mambabasa ang mahahalagang punto ng teksto, nilalagom dito ang kaligiran, layunin, paksa, metodolohiya, resulta, at kongklusyon ng papel (The University of Adelaide 2014). Karaniwan itong ginagamit sa larangan ng inhenyeriya, ulat sa sikolohiya, at agham. Ang impormatibong abstrak ay nauukol sa kuwantitatibong pananaliksik.

Narito ang ilang mga hakbang na dapat sundin sa pagsulat ng isang abstrak.

1. Magtungo sa silid-aklatang panggradwado o dili kaya’y manaliksik sa Internet ng mga papel-pananaliksik ayon sa kinawiwilihan mong mga paksa.

2. Basahin nang may lubos na pag-unawa ang buong papel. Bigyang-tuon ang mahalagang sinasabi ng layunin, sakop at delimitasyon ng pag-aaral, pamamaraan, resulta, kongklusyon, at rekomendasyon, at iba pang mga bahagi.

3. Siyasatin kung ang lahat ng mga bahaging binanggit ay nakaugnay sa tema ng paksa (pamagat) ng pag-aaral. Kung nagkakaisa ang ayos ng mga pahayag at ideya nito, ibig sabihin, mahusay na naisulat ang pag- aaral.

4. Siyasatin din kung ang mga nakalagay na pangalan sa bibliograpiya ay nagamit sa pagpapatibay ng mga pahayag.

5. Sa pagsulat ng abstrak ng papel-pananaliksik, mahalagang lagumin lamang ang pinakapaksa nito mula sa naging kahalagahan at naging implikasyon ng pag-aaral.

6. Kailangan na ang abstrak na isusulat ay binubuo lamang ng 200 hang gang 500 salita.

7. Isunod sa proseso ng pagsulat ang paggawa ng abstrak upang mapadali ang gawain.