Pagsulat ng Talumpati

  • Post last modified:October 7, 2024

Ang talumpati ay sining ng pagsasalita na maaaring nanghihikayat, nangangatwiran, o tumatalakay ng isang paksa para sa mga tagapakinig. Masusukat sa sining na ito ang katatasan, husay, at dunong ng mananalumpati sa paggamit ng wika at katatagan ng kanyang paninindigan. Karaniwang nagkakaiba-iba ang talumpati, batay sa paghahanda sa mga ito (Mangahis, Nuncio, Javillo, 2008). Sa paghahanda nito, kinakailangang tandaanna ang isang mahusaynatalumpati ay dapat nakapagbibigay-impormasyon, nakapagpapaunawa, nakapagtuturo, at nakahihikayat ng mga konsepto at paninindigan sa mga manonood at tagapakinig.

Nais mo bang matutuhan ang pagsulat ng talumpati? Kung ganoon, dapat mong tandaan ang sumusunod na mga gabay sa pagsulat ng talumpati.

1. Isaalang-alang ang uri ng wikang dapat mong gamitin na kaaya-aya sa mga tagapakinig.

2. Gumawa ng balangkas na dapat sundin sa isusulat na talumpati.

3. layon ang mga salita, tayutay, kasabihan, o salawikaing gagamitin sa pagpapahayag ng mga ideya sa talumpati.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagtatalumpati

1. Paghahanda

a. Talumpating Maisusulat Pa – Ihanda ang iyong sarili na makapag-isip nang mabuti sa paksa ng talumpating iyong isusulat. Palaging isipin na mahalagang mapukaw ang interes ng mga makikinig o manonood sa talumpati at mauunawaan nila ang punto ng pagbigkas.

b. Talumpating Hindi Maisusulat – Sa oras na malaman mo na ang punto o isyung kailangang bigyan ng talumpati, linawan ang pag-iisip, huwag masyadong magbanggit ng malillit na detalye bagkus ay lagumin ang nasa isip, mahalagang magsalita nang may kabagalan upang maunawaan ng mga nakikinig ang iyong sinasabi at makapag-isip ka rin sa proseso, at sumagot nang tuwid dahil maaaring ang pagsagot ay may oras lamang.

2. Pagpapanatili ng Kawilihan ng Tagapakinig

Tiyaking hindi mawawala ang kawilihan o interes ng mga tagapakinig sa lyong talumpati kung kaya’t mag-isip ng mga teknik sa pagsulat pa lamang o paghahanda sa pagbigkas nito. Maaaring may mga bahagi sa talumpati na nagkukuwento. Pukawin ang diwa ng mga tao sa paggamit ng matatalinghagang pananalita at mga tayutay.

3. Pagpapanatili ng Kasukdulan

Dapat maihatid ng mananalumpati ang kanyang tagapakinig sa pinakamatinding emosyon, batay sa kanyang paksa, na siyang pinakama- halagang mensahe ng talumpati.

4. Pagbibigay ng Kongklusyon sa Tagapakinig

Ito ang huling bahagi ng pagsulat ng talumpati o pagbigkas nito. Sa pamamagitan ng pagbubuod sa mahahalagang puntong tinalakay sa talumpati, magagawa mong mag-iwan ng mahalagang mensahe o diwa sa mga tagapakinig sa iyong pagtatapos.

Iba’t Ibang Uri ng Talumpati Ayon sa Paghahanda

Nabanggit na sa unang bahagi ng araling ito na karaniwang nagkakaiba-iba ang talumpati batay sa paghahanda sa mga ito. May mga talumpating kinakailangang isulat at may hindi kailangang isulat ngunit tiyak na susubok sa kakayahan ng mananalumpati na magsaayos ng mga kaisipan.

1. Impromptu

Ito ang uri ng talumpati na biglaan at walang ganap na paghahanda (Mangahis, Nuncio, Javillo 2008). Karaniwang makikita ang mga ganitong uri ng pananalumpati sa mga job interview, ilang okasyon ng question and answer, at pagkakataon ng pagpapakilala. Hindi posible sa uring ito ang pagsulat pa ng bibigkasing talumpati ngunit mahigpit ang pangangailangan dito ng kahusayan sa pag-oorganisa, paglilinaw, at pagtatampok ng mga ideyang nais palutangin.

2. Extempore

Sa uring ito masusubok ang kasanayan ng mananalumpati sa paggamit ng mga angkop na salita sa loob ng sandaling panahon bago ang pagbigkas. Kaiba sa impromptu, ang mga isyu, konsepto, o usapang paglalaanan ng talumpati ay nasa kaalaman na ng mananalumpati kung kaya maaari pa siyang maghanda ng kaunting marka o palatandaan upang hindi magpaligoy-ligoy ang kanyang pagbigkas. Bukod pa rito, karaniwang inoorasan ang pagsagot ng mananalumpati kaya kinakailangan ang malinaw na pag-iisip, bilis sa pagbabalangkas, at husay sa pamimili ng salita. Isang karaniwang halimbawa nito ay ang Question and Answer portion sa mga beauty pageant.

3. Isinaulong Talumpati

Ito ang uri ng talumpati na isinusulat muna at pagkatapos ay isinasaulo ng mananalumpati (Mangahis, Nuncio, Juvillo, 2008). Masusukat dito ang husay sa pagbabalangkas ng manunulat, kanyang pagpapaliwanag, at tibay ng kanyang mga argumento bukod pa sa husay niyang bumigkas. Karaniwang makikita ang uri na ito sa mga Valedictory Speech.

4. Pagbasa ng Papel sa Kumperensiya

Higit na mas kaunti ang alalahanin ng mananalumpati sa uring ito dahil lubusang nabigyan ng oras ang paghahanda sa balangkas ng talumpati, ganap na naisulat nang mahusay ang mga argumento, at inaasahang na-ensayo na ang pagbigkas. Tanging aalalahanin na lamang ay ang bisa ng tinig at bigat ng pagbanggit sa mahahalagang punto ng talumpati.