Wikang Filipino Bago Dumating ang mga Espanyol

  • Post last modified:February 28, 2025

Isang mabisang ekspresyon ng damdamin ng isang lipunan ang kanyang wika. Isa ito sa pangunahing institusyon ng pagsasalin ng kultura ng isang bansa sa mga henerasyon na bumubuo at magpapatunay nito. Samakatwid, ang wika ay di lamang institusyon kundi kasangkapan din na nakatuon sa pag-unlad ng pag- isip at kakayahan ng mga mamamayan na makipagtalastasan sa loob ng isang lipunan.

Ang lawak ng kaalaman ay nakakamit sa tulong ng malawak na paglalakbay ng isipan sa mga larangan ng kaalaman at impormasyon. Mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng wika sa pag-unlad na ito.

Ang ating mga ninuno ay may sarili nang panitikan bago pa ang naging pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Nagtataglay ang panitikang ito ng kasaysayan ng ating lahi mga kuwentong-bayan, alamat, epiko, awiting-bayan, salawikain, kasabihan, bugtong, palaisipan, at iba pa.

Gayundin, nag-aangkin din tayo ng sariling baybayin na ginagamit sa pakikipag-ugnayan. Ito ang katutubong alpabetong binubuo ng 17 titik na hawig sa mga ginagamit ng mga Indones o ng mga taga-Malayo-Polinesyo. Ang baybayin ay binubuo ng tatlong patinig at 14 na katinig.

Narito ang paraan ng paggamit ng baybayin:

Ang mga katinig ay binibigkas na may kasamang tunog ng patinig na /a/. Kung nais basahin o bigkasin ang mga katinig na kasama ang tunog na /e/ o /i/, nilalagyan ang titik ng tuldok sa itaas. Samantala, kung ang tunog ng /o/ o /u/ ang nais isama sa pagbasa ng mga katinig, tuldok sa ibaba nito ang inilalagay.

Samantala, kung ang nais kaltasin ay ang anumang tunog ng patinig na kasama ng katinig sa hulihan ng isang salita, ginagamitan ito ng panandang krus (+) bilang hudyat sa pagkakalitas ng huling tunog. Gumagamit ng dalawang pahilis na guhit // sa hulihan ng pangungusap bilang hudyat ng pagtatapos nito.