Sinakop ng mga Espanyol ang ating bansa sa pamamagitan ng krus at espada. Ano ang sinasagisag ng mga simbolong ito? Paano nito naapektuhan ang kabuoang kasaysayan ng ating bansa?
Dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas noong 1521. Ang layunin nila’y hindi lamang pananakop kundi ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa mga unang Pilipino. Dahil dito, kasama ng mga conquistador ang mga prayleng misyonero na dumating sa Pilipinas. Ang mga paring ito’y nag-aral ng mga wikain sa Pilipinas na naging daan sa mabilis na pagsakop sa puso’t isipan ng mga Pilipino. Pinalitan ng mga Espanyol ang baybayin ng alpabetong Romano, na naging sanhi ng mabilis na pagkatuto ng mga katutubo sa pagbabasa’t pagsusulat sa wikang Pilipino at Espanyol. Kasama rito ang pagtatatag ng mga paaralang Katoliko sa Maynila, Visayas, at Luzon.
Nagsagawa rin ng mga pananaliksik ang ilang misyonerong iskolar na nagtipon at bumuo ng mga matatandang panitikang pasalita at pasulat, na nilapatan ng diwang Katolisismo. Nagkaroon ng tuwiran at di-tuwirang pagbabago sa panitikan ng Pilipinas. Tuwiran ito sa mga aklat gaya ng katesismo, habang di-tuwiran naman sa mga talambuhay ng santo, nobena, mahahabang salaysay, at kuwento na may paksang kabanalan at panrelihiyon. Pinasok ng mga Espanyol ang etika at moralidad sa panitikan.
Ang mga misyonerong Dominiko ay nagdala rin ng limbagan na ginamit sa paglilimbag ng mga aklat at polyeto tungkol sa wika at relihiyon.
Panahon ng Espanyol
(Hango sa “Ang Wikang Pang-Edukasyon Noong Panahon ng Kastila,” Nelly I. Cubar, 1982)
Pagkaraan ng 43 taong pagkakadiskubre ni Magellan ng Pilipinas noong 1521, nagsidatingan ang mga Espanyol kasama ang iba’t ibang orden ng mga prayle na nangasiwa sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pagtatag ng mga paaralan para sa pagbasa’t pagsulat upang mapahusay ang pagtuturo ng relihiyon. Inatasan ng mga pinuno sa Espanya na ituro ang Espanyol sa mga kolonya nito, dahil batid nila ang kahalagahan ng wikang Espanyol sa pagtuturo ng relihiyon. Bagaman walang pinansiyal na tulong mula sa pamahalaan, may mga akademya at kolehiyo na itinatag sa Pilipinas, tulad ng Kolehiyo de San Ignacio na itinatag noong 1585 para sa mga anak ng Espanyol sa Maynila.
Gayunpaman, ang mga dekreto noong 1550, 1642, 1752, at 1792 na naglalayong ituro ang Espanyol sa mga Pilipino ay hindi lubusang naisakatuparan. Ang mga prayle ay tumutol sa mga programang pangwika upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan at maiwasan ang pagkakaroon ng wikang nagkakaisa ang mga Pilipino.
Noong 1863, iminungkahi ni Jose de la Concha ang sistemang edukasyong pangkalahatan. Inilabas ang isang kautusan noong Disyembre 20, 1865, na nagtakda ng tiyak na tuntunin para sa pagtuturo sa primarya, kasama ang praktikal na Espanyol. Gayunpaman, hindi rin ito naging ganap na matagumpay dahil sa kakulangan ng suporta, administrasyon, at interes mula sa mga guro at mag-aaral.
Panahon ng Propaganda
Sa panahong ito, umusbong ang damdaming makabayan ng mga Pilipino. Maraming akdang pampanitikan ang naisulat sa wikang Tagalog, na naglalaman ng masidhing damdaming makabayan at pagtutol sa kolonyal na kapangyarihan ng Espanyol. Ang mga manunulat tulad nina Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, at Marcelo H. del Pilar ay gumamit ng panulat upang ipahayag ang mga hinaing ng bayan. Ang mga pahayagan tulad ng Diariong Tagalog at La Solidaridad ay nagsilbing tahanan ng mga propaganda. Bukod dito, ginamit din ang mga dulang panlansangan at pantanghalan gaya ng sarsuwela at balagtasan upang palaganapin ang ideya ng kalayaan at pagmamahal sa bayan.